TUTOONG BUHAY NG MGA SIKAT #2: Gloria Romero

pikapika.ph proudly presents “Tutoong Buhay ng mga Sikat: Gloria Romero.” 

Last time we gave you Joey de Leon. This time around, we are giving you a glimpse sa tunay sa na buhay ng movie queen na si Gloria Romero—with matching never-before-seen photographs of everyone’s favorite Lola dahil galing mismo sa personal album niya na ipinahiram niya sa pikapika (through her friend Butch Francisco)!

Once again, here’s our resident film critic and editorialist Butch—na ka-village ng ating reyna— encapsulating Madame Gloria’s storied past life in “Tutoong Buhay ng mga Sikat”:

 

“There are movie queens and there are movie queens. Pero, kapag pinagsama lahat ng mga movie queens at nagbotohan kung sino sa kanila ang tunay na movie queen, isang pangalan lang ang pipiliin nila: Ms. Gloria Romero. 

 

Seventy-two years na in showbiz is Gloria Romero. Pero hataw pa din ang lola n’yo. 

 

Ten years ago, gumawa ang GMA ng survey to find out kung sino ang mga recognizable faces ng network. No. 1 si Bong Revilla. But at No. 2, huh, pasok si Gloria Romero.

 

Pero ano nga ba ang kuwento ng buhay niya?

 

Magsimula tayo sa Dekada 30. Eto ’yung time na ang ama niya na si Pedro Galla na taga-Pangasinan ay nagtungo sa Amerika kasama ang mga kapatid upang mag-aral. Pero pagdating dun, nawili ang magkakapatid at puro pasyal na lang ang ginawa. 

 

Sa Denver, Colorado, nakilala ni Pedro ang kinse anyos na Spanish-American na si Mary Borrego-Miller. Nagpakasal sila at nagkaroon muna ng dalawang anak: sina Louise at Gloria, the second child.

 

Matapos ipanganak si Tito Galla – na kalauna’y nag-artista din – dinala ni Pedro ang mag-anak sa Pilipinas. Kulo’t kulot at blonde pa nga si Gloria nang dumaong ang barko nila sa Maynila matapos ang isang buwang biyahe galing Amerika.

 

Tuwang-tuwang ang nanay niyang si Mary sa Maynila dahil punong-puno ito ng ilaw. Pero nang papunta na sila sa Pangasinan, bigla nang tumulo ang luha nito dahil puro talahiban na ang dinaanan nila. 

 

Nakumpleto ang kanyang dismaya pag dating sa bayan ng Mabini kung nasaan  ang bahay ng mga Galla. Sa ilalim nu’n ay may nakataling mga baboy.

 

Pilit na nag-adjust si Mary. Nagpaturo pa nga itong gumawa ng mga kakanin  Para di mabagot, dinadala ni Pedro si Mary at mga bagets sa Baguio linggo-linggo. Tutal, tatlong tumbling lang naman ang Baguio mula Pangasinan. Favorite check-in nila ang Zigzag Hotel.

 

Pero bored pa din si Mary sa buhay probinsya. Kinukulit nya lagi si Pedro na bumalik sa Amerika. “Promise, next year,” sagot lagi ni Pedro. Sa kane-next year, inabutan sila ng panahon ng Hapon.

 

Dahil kana si Mary, itinatago nila ito sa mga Hapon. Sa kanilang hide-and-seek sa mga Hapones, kailangan ihiga si Mary sa kariton at takpan ng dayami kapag nag-e-evacuate.

 

Pag tahimik na sa bayan, balik sila sa bahay. Pero minsan, habang naghahapunan, biglang dumating ang mga Hapon at hinuli si Mary.

 

Ganu’n na lang ang iyak nila Gloria habang lumalakad palayo ang kanilang ina. Ang masakit pa nun, nag-iisa lang si Mary pero isang batalyong Hapong sundalo ang nakatutok ang mga bayoneta sa kanya.

 

Sa interrogation, di nagsalita ng Ingles si Mary. Sabi niya ay Espanyola s’ya. Salamat na lang at nakalusot dahil mag-best friend ang Spain at Japan nu’ng World War II.

 

Pero di du’n natapos ang dusa ng nanay ni Gloria. Dahil gabi-gabi ay blackout nu’n, nahulog ito sa hagdan at nabalian ng ilong at tadyang. Dahil giyera, di nabigyan nang maayos na medical attention si Mary. Puro tapal-tapal lang.

 

Nu’ng January. 17, 1945, namatay si Mary at age 28. Kinabukasan, na-liberate ang Pangsinan. 

 

Matapos ang high school, pinilit ni Gloria ang ama na payagan siyang mag-artista. Matagal na niyang ambisyon ’yun – kahit ang payat-payat niya at kamukha ni Olive Oyl. 

 

Nauubos na ang kabuhayan ng mga Galla nu’n. Meron na lamang silang truck na ginagamit pambiyahe ng mga produkto mula probinsya pa-Maynila. 

 

Sinuportahan ni Pedro ang ambisyon ni Gloria dahil ubos na ang baraha nila. Sa Premiere Productions muna nagtungo si Gloria pero puro kahihiyan ang ginawa n’ya du’n. Maliit ang papel at konti lang dialogue. Pero puro buckle pa din siya.

Di nga kasi marunong mag-Tagalog.

 

Nag-try naman siya sa Sampaguita kung saan balik-extra siya. Ang mga role niya: pamparami sa likod. Minsan, ginawa siyang taga-hawak ng kapa ni Tessie Agana. 

 

Dumating ang big break niya ng ginawa siyang support ni Alicia Vergel sa Madame X. Mula Gloria Galla, ginawa siyang Gloria Romero. Kinuha nila ang apelyido mula kay Eddie Romero, isang Sampaguita director na naging National Artist.

 

Isang araw, nagpaalam si Gloria para umuwi ng Pangasinan upang dalawin ang puntod ng nanay niya na kalauna’y inilipat niya sa Mt. Carmel sa New Manila 

 

Tanong ng Sampaguita boss na si Dr. Jose Perez: 

“Sikat na artista ka na. Saan ka sasakay?” 

 

“E, ’di sa Pantranco pa din po,” sagot niya. 

 

Pag balik n’ya galing province, sinalubong siya ng isang driver na naka-uniform sa bus station. 

 

“Pinasusundo po kayo ni Dr. Perez.” 

 

Pagsakay niya ng isang maroon na Studebaker, sabi niya sa driver: “’Di ito ang kotse ni Dr. Perez, ah.”

 

Sabi ng driver: “Inyo po ito – kasama ako.”    

 

Si Gloria ang naging pinakasikat ng bituin nu’n. Habang si Nida Blanca na karibal niya ay tumatanggap ng P8,000 per film, ang talent fee niya ay P10,000.

 

Pero na-in love din ang lola n’yo – sa matinee idol na si Juancho Gutierrez na galing Letran. Ikinasal sila nu’ng Sept. 24, 1960 sa Santuario de San Antonio sa Forbes Park na ni wala pang pintura nu’n. 

 

Nagkaroon sila ng isang anak – si Maritess Gutierrez, isang chef na minsan ay nanalong Metro Filmfest best supporting actress para sa Halimaw sa Banga. Dahil ang karera ng artista ay lumalamlam pag nag-asawa, nabawasan ang interes kay Gloria. Pero di siya nawala.

 

Pero naman. Ginawa siyang parang lumang basahan sa showbiz. Sabi nga niya: “Sa billing, ang pangalan ko, minsan nasa itaas. Minsan, nasa ibaba, Minsan nga, ni wala.”

 

Ang pinakamasakit nu’n ay ’yung panahong ginagawa na lang siyang aswang sa mga horror films. Biruin n’yo, mula Virgin Mary roles, ginawa s’yang kakatakutan. Pero tiniis niya lahat ’yun. 

 

Buti na lang, bilog ang mundo. Nu’ng Dekada 80, ginamit ng Viva, Regal at Seiko ang mga senior stars upang umalalay sa mga batang artista. Kasama si Gloria sa mga binigyan muli ng importansya.

 

Pagtungtong ng bagong milenyo, nahirang si Gloria bilang best actress ng taon para sa Tanging-Yaman. Nag-title role din siya sa mga pelikulang Bahay ni Lola at Singsing ni Lola. Balik-suwerte na naman siya sa showbiz.

 

Di naman siya masyadong pinalad sa usaping marriage. Naging shaky ang pagsasama nila ni Juancho hanggang nagkahiwalay. Nagbalikan nu’ng 1979 pero nagkahiwalay muli. 

 

Bumalik muli si Juancho sa huling pagkakataon nang ito’y maysakit na. Dakila talaga si Gloria dahil siya ang nag-alaga dito hanggang sa huling hininga. 

 

Kahit 88 na si Gloria, gandang-ganda pa din kami sa kanya – dahil siguro napaka-elegante niya. Wala siyang cosmetic surgery – maliban sa eyebag operation nu’ng Sept. 21, 1971, habang kasalukuyang binobomba ang Plaza Miranda. These past decades, pa-Flawless-Flawless lang s’ya na non-invasive ang mga procedures.

 

Maraming nang artista ang dumating at umalis pero walang tatalo sa tunay na reyna. Lahat sila, daig ni Gloria Romero.”

YOU MAY ALSO LIKE:

TUTOONG BUHAY NG MGA SIKAT #1: Joey de Leon

This Is Showbiz #37: Wilma Doesnt, hinarap ang tunay na mga magulang para mas buuin ang pagkatao

 

This is Showbiz #32 — Meryll Soriano: istorya ng pagiging nanay sa isang teenager at sa isang newborn

This is Showbiz Episode No. 31: Rodjun and Rayver Cruz, magkapatid na, mag-best friends pa

This is Showbiz Episode No. 30: Mikee Quintos at Kelvin Miranda, miss na miss na ang isa’t isa

EXCLUSIVE! This is Showbiz Episode 29: Christian Bables, bokya sa mga artista search noon; multi-awarded actor ngayon

This is Showbiz #28: Getting to know the boy behind the actor Elijah Canlas

FOLLOW US ONLINE: 
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz

Tiktok: https://www.tiktok.com/@pikapikashowbiz
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.