Humingi ng tawad sa publiko ang comedian-TV host na si Wally Bayola dahil sa isyung kinasasangkutan n’ya ngayon, ang pagmumura sa telebisyon.
Sa segment kasi kahapon, August 10, ng noontime show na E.A.T. na “Sugod Bahay Mga Kapatid” - kung saan kasama ni Wally si Jose Manalo at ang Nigerian content creator and TV host na si Daniel Oke o mas kilala ngayon sa bansag na Zombie - nagulat ang mga manonood nang biglang may nagmura sa background.
Ang nangyari, habang nagsasalita sa screen si Jose, na in-character sa role n’ya bilang “mayor,” narinig naman sa background ang sigaw na “P*t*ng*na” na malinaw na mula kay Wally na gumaganap namang “Dabarguard” sa segment na ito.
Dahil sa unexpected na pangyayari, halatang nagulat ang tao sa TV5 studio sa pangunguna nina Tito Sotto, Vic Sotto, and Joey de Leon (TVJ).
Maririnig din na may napa- “Hoy!” pa biglang pagsaway na tila boses ni Paolo Ballesteros.
Ganu’n pa man, nagpatuloy ang segment at ang show na parang walang nangyari.
Mabilis naman itong umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa netizens kaya agad na naging top trending topic si Wally.
May mga nakaunawa sa kanya at ipinagtanggol s’ya, pero marami rin ang hindi natuwa sa kanyang nasabi on-air.
May mga kumalampag din sa Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB para review-hin ang pangyayari sa Kapatid noontime show.
Ngayong araw, August 11, nag-sorry sa publiko si Wally.
Bago mag-start ang kanilang segment, nag-intro muna si Jose na hindi raw nila kinukunsinti ang nangyari kahapon.
“Marami akong narinig, marami akong nabasa online, at marami rin pong tumawag sa akin tungkol dito. Naniniwala po kami…kasi po meron tayong mga ganitong bagay, bagama’t hindi naman po namin ito sinasadya, pero kinakailangan po natin itong ayusin,” panimula n’ya.
“Kaya naman po nandito kami ngayon para ituwid po natin ’yong nagawang hindi nagustuhan o narinig ng bawat isa sa atin. Kaya dapat po tayong nakikinig,” pagpapatuloy n’ya.
“At hindi lang ’yan, nagpapakumbaba po. ’Yon ang pinaka-importante, ’yong magpakumbaba po tayo bagama’t hindi naman natin sinasadya ang mga bagay na ito. At ’yong kasama natin na isang ‘Dabarguard,’ nakapagsalita na hindi naman n’ya ito sinasadya. Kaya aayusin po natin ito.”
Kasunod nito ay tinawag n’ya si Wally para pumagitna sa screen. Dito na emosyonal na nag-sorry ang komedyante sa mga viewers.
“Ako po ay may nabitawang salita na hindi ko po dapat sinasabi. Nagkamali po ako doon at ako po ay humihingi ng inyong paumanhin, at pag-unawa ninyong lahat. Pasenya na po. Pasensya na po sa lahat,” nagpapakumbabang sabi n’ya.
Ipinunto naman ni Jose na mahalaga sa mga ganitong insidente ang pagpapakumbaba.
“Mas maganda ’yong ganun, hindi tayo nagmamatigasan. Ang importante humingi tayo ng kapatawaran,” aniya.
Sisikapin din daw nila na hindi na maulit ang pangyayari kahapon.
“Nandito po kami para humingi ng despensa sa inyo at makakaasa po kayo na hindi na po mauulit ang mga bagay na ito,” pagtatapos ni Jose.
Samantala, nag-issue na ng Notice to Appear and Testify ang MTRCB sa pamunuan ng E.A.T. dahil sa isyung kinasangkutan ni Wally.
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber