Bukas daw na muling magmahal ang aktor na si Tom Rodriguez matapos ang kontrobersyal at palaisipang hiwalayan nila ng aktres na si Carla Abellana.
Sinabi ’yan ng Kapuso leading man nang makapanayam s’ya ng comedian-vlogger and talent manager na si Ogie Diaz, na in-upload sa YouTube channel ng huli kahapon, December 1.
Sa US namamalagi si Tom ngayon at sinunggaban na ni Ogie ang pagkakataon na makumusta ang aktor nang mapunta ito doon para tumanggap ng award.
Nagpa-unlak naman aktor at kabilang nga sa kanilang napagkuwentuhan ang naging hiwalayan nila ni Carla.
Palaisipan pa rin kasi sa publiko ang pinag-ugatan noon kaya’t nagsulputan ang iba’t ibang umano'y rason ng kanilang separation.
Kabilang na nga dito na may babae umanong naka-one night stand si Tom. Lumabas din ang issue na bading umano ang Kapuso actor at nananakit umano s’ya ng babae.
Sa kabila ng lahat ng ito ay nanatiling tahimik si Tom. Kaya naman diretsahan s’yang tinanong ni Ogie kung wala ba s’yang planong linawin o itama ang mga issue na ito.
Ayon sa aktor, ayaw na n’yang pag-aksayahan pa ng oras para ipaliwanag sa publiko ang kanyang side.
“I don’t want to correct. I feel like there’s no need. Kasi people will make... That’s what I realize, e, nu’ng nawala lahat,” sagot n’ya.
Hindi naman daw kasi n’ya mababago pa ang gustong isipin ng publiko sa kanya.
“I realize na kung ano man ’yong gustong isipin ng mga tao they will already think about it whether it’s for you or against you. So, me trying to spend energy na i-korek ’yon, it will never stop,” paliwanag ni Tom.
“Kasi hanggang saan ka titigil? Kung umpisahan ko dito, sige, i-korek ko sa’yo, i-korek ko sa kanya, until when? So, buong buhay ko ’yon lang gagawin ko? Live my life to correct what other people perceive of me or do I just simply live my life?”
Alam naman daw kasi n’ya sa sarili n’ya kung ano ang totoo.
“As honestly as I can, somehow, I really try na just righteous path na matuwid, wala kang inaagrabyadong ibang tao. As long as kaya kong tingnan ’yong sarili ko sa salamin, I should be fine. Parang ’yon na ’yong standard of living ko ngayon,” aniya.
Naurirat pa ni Ogie si Tom kung totoo ba ang issue ng pagkakaroon n’ya umano ng babae, o kaya naman ay lalaki dahil gay umano s’ya.
“Soon, alien siguro. Inter-dimensional…” pabirong sagot ng aktor.
Hindi raw s’ya apektado sa issue ng pagiging bading na ibinabato sa kanya, na itinuturo pang dahilan ng iba kaya sila nauwi sa hiwalayan ni Carla.
“If that’s the worst that someone can call me, that’s not an insult to me,” ani Tom.
“A lot of the best people, most of the best people I know happen to be of that persuasion, happen to be gay…best people I’ve known,” he continued.
“So, kung ’yon lang inaano, hindi insulto sa akin ’yon. Anyway, I don’t mind hearing it. It’s not the truth but it doesn’t bother me.”
At dahil medyo paligoy-ligoy pa si Tom ay tinumbok na ni Ogie ang gusto n’yang marinig mula sa aktor, just either yes or no.
“No,” mabilis pero kalmadong sagot ng celebrity hunk. “Ganu’n kasimple, no. But it’s up to them if they’re gonna believe it or not. Personally, sorry I don’t care. I don’t care if they believe me or not.”
Sa isyu naman ng pagkakaroon n’ya ng ibang babae, natatawang balik-tanong ni Tom kay Ogie, “Ngayon o dati?”
Wala naman daw kasi s’yang naging ibang babae noon, lalo na nu’ng kasagsagan ng romance nila ni Carla.
In-address din n’ya ang issue naman ng pananakit ng babae. Wala daw itong katotohanan.
“Never. Physically, never. [Sa] emotion siguro kasi tao tayo. Lahat tayo may nasasabi. [Physically], never. Siguro nu’ng bata ako, kami ng mga ate ko. But after puberty, kahit mga sisters ko, never,” lahad ni Tom.
Dahil itinanggi n’ya ang lahat ng issue ay nahiritan pa ni Ogie ang aktor sa kung ano lang ba ang p’wede n’yang aminin sa publiko.
“Tao lang ako. I have my mistakes. Siguro hindi ’yong mga ibinibintang sa akin per se. But I have things that I have to be accountable for. That, I have no problem saying. May mga mali ako na kailangan kong pagbayaran, at pinagbayaran ko,” saad n’ya.
Pag-amin pa ni Tom, umiiyak pa rin daw s’ya paminsan-minsan dahil sa mga nangyari sa kanila ni Carla.
“There are times pa rin, yeah. S’yempre, ang daming panghihinayang…all the years that you’ve been together, all the dreams that you had and built together,” he confessed.
“Pero like I said, if it’s meant to be, what can you do? There are more moments that I’m living. There are more moments that I’m regretting the past. All I can do is learn from it and move forward.”
At nang matanong s’ya kung mahal pa ba n’ya si Carla…
“Of course. Hindi naman agad-agad mawawala ’yon,” diretsahang sagot n’ya.
“But it will transform into other things. Siguro the love may never disappear but it will change, it will develop, it will grow on its own way…whether together, apart, it will grow on its own way,” dagdag pa ni Tom.
Isa pa sa inamin n’ya ang nagkaroon s’ya ng suicidal thoughts noong sariwa pa ang hiwalayan nila ni Carla.
“Hindi naman tendency pero in recent months ang tindi ng depression ko. Dumating ako sa point na ganu’n, na I thought that was the only way out,” pag-amin n’ya.
Pamilya daw n’ya ang nagpalakas ng kanyang loob para malagpasan ang kabanatang iyon.
“S’yempre, family… Ayoko isipin ng mga pamangkin ko na ‘Ah, Tito Tom did this. It’s an escape,’” lahad ni Tom.
“Kasi sometimes, it’s our brains that tells us that, e. ‘That’s the only way.’ But it’s not. There’s a noise. Minsan iniisip natin we are out thought, we are our emotions. Radyo tayo, nakakasagap lang tayo.
“Minsan hindi natin alam galing ba sa atin ’to? Pag hindi natin hinihimay, mas madali s’yang pakinggan. And then you realize that it’s never an answer, it’s never a solution. Life goes on.”
Mas tumatatag na din daw s’ya ngayon dahil sa tindi ng kanyang pinagdaanan.
“Tumitibay kasi marami akong nalampasan na akala ko hindi ko kaya. Akala ko kamatayan ko, literal. A lot of it, emotional na nangayayari pero sometimes, an ego death feels like literal death,” pagbabahagi n’ya.
“And akala ko hindi ko malalampasan ’to. Tapos nu’ng nalampasan mo, ‘O, pag ito ang nangyari hindi ko na talaga kaya.’ ‘Pag ito na talaga, ayoko na. Suko na ako.’
“Then you realize, ‘I’m still here. As long as I draw breath, you can still course correctly. You just keep going, keep living, improving, just try to be a better person.”
At dahil nag-file na rin ng divorce si Tom sa US, para kapwa na daw sila maging malaya ni Carla, ay natanong s’ya kung bukas ba s’ya na magmahal muli.
“I thought I wouldn’t anymore but now I’m open to it. I’m open to the thought, that idea that life goes on. Life moves on,” sagot n’ya.
Nakakuha rin daw s’ya ng aral sa life story ng kanyang late father na si William Mott.
“I’ve seen it with my dad. When he passed away, second family kami. And when he passed away, he was surrounded by the people who loved him. I saw he lived a beautiful life. Simple but it was true,” he shared.
“His first love was gone too but it doesn’t necessary to stop there. You can still love again; you can still build a life. Akala ko dati ayaw ko na because there was that resentment. But life, universe, you gave it your all. Parang, ‘Ayoko na. Pagod na ako.’ Pero now you think why stop yourself? If it’s you in the cards, sige.
“Pero it’s not something I can plan. Those are plans that are too big for me. Nasa Kanya na ’yon whatever will happen in my life. But I don’t want to close my door,” pagtatapos ni Tom.
Panoorin ang kabuuan ng interview ni Ogie Diaz kay Tom Rodriguez dito:
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber