Tito Sotto, pumalag sa mga naging pahayag ni Mayor Bullet Jalosjos: "Bibitawan kami ng salita na mare-retain kami. Huh? Para namang napaka-kawawa namin. That kind of statement is improper."

Na-offend raw ang TVJ—Tito Vic, and Joey—nang magpa-interview si Mayor Bullet at sinabi nitong mare-retain ang mga hosts ng Eat Bulaga! partikular na silang original trio na TVJ. "...masagwang pakinggan sa amin 'yong 'mare-retain' kami. Para bang puwede kaming sipain. E, kami nga ang Eat Bulaga!, e," diin niya.

PHOTOS: @senateph & @bullet.jalosjos on Facebook

Na-offend raw ang TVJ—Tito Vic, and Joey—nang magpa-interview si Mayor Bullet at sinabi nitong mare-retain ang mga hosts ng Eat Bulaga! partikular na silang original trio na TVJ. "...masagwang pakinggan sa amin 'yong 'mare-retain' kami. Para bang puwede kaming sipain. E, kami nga ang Eat Bulaga!, e," diin niya.

Matagal umanong nagtimpi si former senator Tito Sotto na magsalita tungkol sa mga isyung bumabalot sa kinabibilangan niyang noontime show na Eat Bulaga!

Na-trigger lang daw siya dahil sa pagpapa-interview ni TAPE, Inc. Chief Finance Officer and Dapitan City Mayor Bullet Jalosjos sa Fast Talk With Boy Abunda kamakailan.

Marami raw kasi itong sinabing in-accurate na siyang naging dahilan kung kaya binasag na niya ang kanyang pananahimik at nagpa-interview na rin sa online show na Update with Nelson Canlas kahapon, April 25.

Pag-amin niya, sinadya raw nila ng kanyang mga kasamahan sa show na umiwas na sa media para hindi na lumaki at manganak ang isyu pero kailangan daw niyang magsalita para ituwid ang mga umano'y maling nasabi ni Mayor Bullet.

Una niyang inilahad sa interview ay kung ano ang nangyayari ngayon behind the camera ng longest-running noontime show sa bansa.

"Ang TAPE Incorporated nabago ang komposisyon. Nandu'n pa rin si Tony Tuviera. Pero ginusto nila, ginusto daw nu'ng board, according to the person talking to us—the acting CEO now or president na pumalit kay Tony Tuviera—ang gusto daw ay i-retire si Tony at pumasok ang grupo nila para ika nga ay patakbuhin ang production. Ganu'n 'yong original na pinaplano," pagsisiwalat ng tinaguriang Tito Sen. 

Hindi umano sila pumayag sa planong ito dahil wala naman daw problema sa ume-ereng show. Kung meron man daw problema, iyon ay sa financing side at problema umano iyon ng TAPE at hindi ng Eat Bulaga!

Sinabihan din umano sila na kailangang baguhin ang pagma-manage sa show dahil nalulugi umano ito. 

"Ang sabi sa amin nalulugi daw. Ang kailangan baguhin ang nagpapatakbo. At kailangan daw i-reinvent ang Eat Bulaga!," pagpapatuloy niya. 

"At meron daw mga portion na bored sila. Papalitan mo ang portion na nagre-rate kasi bored ka? Sabi ko, 'Hindi ka naman audience, ah. Ang audience ang tao, e.'"

Bukod pa doon, sa pagkakaalam daw niya, maganda ang kita ng show noong 2021 at mas malaki pa kinita nito noong 2022 dahil sa mga campaign ads dahil sa election. Kaya naman hindi daw nila nauunawaan ang sinasabi ng mga Jalosjos na nalulugi ang show.

Nagkaroon umano sila ng meeting kasama ang board ng TAPE kung saan nagkaroon daw ng kasunduan na walang mababago sa Eat Bulaga!. 

"We sat down. Pumayag naman [sila] sa mga gusto namin kaya okey na," aniya.

Kaya naman na-offend daw siya nang magpa-interview pa si Mayor Bullet kung saan sinabi nitong mare-retain ang mga hosts ng Eat Bulaga! partikular na silang original trio na TVJ o Tito, Vic, and Joey.

"Alam mo, masagwang pakinggan sa amin 'yong 'mare-retain' kami. Para bang puwede kaming sipain. E, kami nga ang Eat Bulaga!, e," diin niya.

"My unsolicited advice to them is mag-ingat naman kayo ng bitaw ng salita. Nakakasakit 'yong salita ninyo. Kami, pigil na pigil kami. Ang tagal na naming gusto ilabas lahat 'yan pero pinipigil namin tapos babanatan niyo kami ng ganyan?" himutok pa ng actor-turned-politician.

"Bibitawan kami ng salita na mare-retain kami. Huh? Para namang napaka-kawawa namin. I think it's improper, that kind of statement is improper," sey pa ng Eat Bulaga! main host.

Mali rin umano ang inilahad ni Jalosjos na 70 percent ang shares na pag-aari ng pamilya nila sa TAPE, Inc. habang 20 percent naman ang kay Mr. Tuviera. Ang alam daw niya kasi, 75 percent ang pagmamay-ari doon ng mga Jalosjos habang 25 percent naman ang kay Mr. T.

Maging sila man daw nina Vic and Joey ay pinangakuan noon ng shares nang itayo ang TAPE. May utang pa daw kasi sa kanila ang Production Specialists, Inc. na unang naging producer ng Eat Bulaga! Nang magkaroon na ng TAPE, pinangakuan daw sila ng shares doon bilang kabayaran. 

Pero nalaman daw nila recently lang na wala daw inilaang shares para sa kanilang tatlo.

Katunayan, may utang pa raw ang TAPE kina Vic at Joey.

"Wala daw utang kina Vic and Joey ang TAPE? That's completely false. Ang laki ng utang kina Vic and Joey. Mahigit tigte-30 million pesos ang utang kina Vic and Joey...for 2022 alone," patuloy na pagsisiwalat pa ni Tito Sen.

Tingin pa daw niya, hindi talaga desisyon ni Mr. Tuviera ang mag-retire sa TAPE kundi pinilit umano ito.

"I don't think so. I think he was asked to retire. That's my opinion," pahayag niya. 

"They can correct me if I'm wrong. But you can ask Tony if I'm wrong. He was asked to retire."

Bukod nga raw kay Mr. T, marami pa umanong mga haligi ng show at matagal na nilang kasama ang gusto pang i-retire ng board pero ayaw nilang pumayag. 

Sa ngayon ay naka-status quo raw ang sitwasyon sa Eat Bulaga!

Pero ayon kay Tito Sen, dalawa lang ang nakikita niyang p'wedeng patunguhan ng show dahil sa mga kaganapan.

Una, magpapatuloy sila sa current status nito at pakikibagayan nila ang bagong management o kaya naman ay kakalas sila kung ipipilit ng mga ito ang gusto nilang mangyari.

At nang matanong kung willing ba siyang kumalas sa show na minahal niya ng mahigit apat na dekada, "Let's cross the bridge when we get there," tugon ni Tito Sen.

 

YOU MAY ALSO LIKE:

Tito, Vic and Joey, and other hosts, hindi maliligwak sa Eat Bulaga!, ayon kay Bullet Jaloslos

Pika's Pick: Maja Salvador’s management firm announces her “leaving” Eat Bulaga “for the time being.”

Alden Richards, hindi sasama sa napapabalitang bagong management ng Eat Bulaga kung maliligwak sa show ang TVJ

The Butcher | No one is making Tito, Vic & Joey leave Eat Bulaga!

 

FOLLOW US ONLINE: 

Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz

Twitter: twitter.com/pikapikaph

Instagram: instagram.com/pikapikaph/

YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz

TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/

and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.