Kahit pala kumikita na ng pera mula sa pag-aartista ang sexy-drama actress na si Stephanie Raz ay ipinagpapatuloy pa rin n’ya ang kanyang pag-aaral.
Ikinuwento n’ya ’yan sa exclusive virtual interview n’ya with pikapika.ph kamakailan.
Inalam kasi namin mula sa Vivamax actress ang naging journey n’ya sa showbiz at doon nga ay nalaman naming pinagsasabay pala n’ya ngayon ang pag-aaral at ang pag-aartista.
It was in 2021 when she was given a break in the entertainment industry when she landed a role in the Darryl Yap comedy film, Pornstar 2: Pangalawang Putok.
Mula noon ay nagtuloy-tuloy na ang pag-arangkada n’ya sa mga sexy films na ipinalalabas sa Vivamax.
Katunayan, nasa 15 projects na ang nagagawa n’ya sa ngayon, kabilang na dito ang pelikulang Panibugho kung saan bumida s’ya kasama ng kanyang mga real-life sisters na sina Angela Morena at Micaella Raz.
She admits being initially hesitant in doing sexy roles as she is also admittedly the most conservative among her siblings.
“Nu’ng una, nagdalawang-isip ako kung tatanggapin ko kasi, s’yempre, sexy [’yong movie] tapos parang kilala akong conservative…Born Again [Christian], ganu’n,” pag-amin si Stephanie. “Hindi ko in-expect na mapapayag ako."
Fast forward to 2023, hindi na raw n’ya masabi kung alin sa mga pelikula at series na nagawa n’ya ang kanyang pinaka-paborito.
“Hala, ang hirap naman. Baka magtampo ’yong ibang direktor pag nag-sabi ako,” natatawang lahad ng aktres.
“Lahat naman favorite ko. Binigay ko talaga ’yong best ko at effort.”
ALL-GIRL BONDING AND DISAGREEMENTS
Tubong Pampanga ang mother nina Stephanie habang mula naman sa Negros Occidental ang father nila, and that makes her a proud probinsyana.
Pangalawa sa limang magkakapatid na babae itong si Steph at lumaki raw silang close sa isa’t isa ng kanyang all-girl siblings.
“Sobrang close kami. Madalas kami mag-away pero hindi ’yong pisikalan kasi takot din kaming lahat sa isat-isa,” natatawang sabi n’ya.
At dahil all girls nga silang magkakapatid, hindi raw maiwasan na merong inggitan noon lalo na kung meron sa kanilang nabibilhan ng bagong gamit noon.
“Nu’ng bata kami merong [inggitan]. Nu’ng bata, s’yempre, hindi maiiwasan na parang, ‘Bakit s’ya merong ganito, merong ganyan?’ Hanggang ngayon ’yon ’yong pinag-aawayan namin. Hahaha!” natatawang pagbabalik-tanaw ni Steph sa kanilang childhood.
“Pero kaming dalawa ni Mica, parang pantay lang. Kasi kung anong meron ako, meron din s’ya. Same kami lagi, iba lang ’yong color,” natatawa pa ring dagdag n’ya.
Si Micaella rin daw ang kasa-kasama niya sa paglalaro noon sa kalye gaya ng mga normal na bata sa kanila.
“Piko, patintero…basta ang mga kasama namin ’yong friends namin na lalaki sa mga harap ng bahay, sa kapitbahay,” the actress went on.
“Larong pang-lalaki kaming dalawa ni Micaella. Kaming dalawa lagi d’yan. Si Angela, s’yempre, highschool na siya [that time] pero kami talaga ni Mica larong kalye talaga kami, larong pang-lalaki talaga.
“Si Micaella, akala nga namin tomboy kasi dati ’yong galawan n’ya pang-lalaki talaga,” panlalaglag pa n’ya sa younger sister n’ya.
And now that they have matured, nag-iba na rin daw ang bonding nilang magkakapatid.
“’Yong bonding namin nila Angela at Mica, s’yempre, pang-matured na… [about] boys na, ganu’n. ’Yon na ’yong mga topic,” natatawang pag-amin pa ni Steph.
Tsika pa n’ya, pinakamahigpit daw sa kanilang magkakapatid ang ate nilang si Angela pag dating sa kanilang mga manliligaw.
“Si Angela, s’ya ’yong pinaka-strict, e, sa mga manliligaw namin. Parang pangalawang nanay namin s’ya. Ganu’n s’ya magdisiplina sa amin,” lahad pa ng Vivamax actress.
But being older to Mica, she says she also has a tendency to be strict to her as well.
“Strict daw ako minsan…kay Mica lang naman. Also, strict ako sa boys kasi masakit sa ulo si Mica sa boys,” muling panlalaglag n’ya sa nakababatang kapatid.
“Ako naman lagi ang [nagpapayo] sa kanya, nakikinig naman s’ya,” bawi n’ya kay Mica.
Isa pa sa ikinatutuwa raw n’ya sa pagkakaroon ng mga babaeng kapatid ay nakapagsangguni sila isa’t isa pagdating sa fashion.
“Siguro, ’yong pinakagusto ko lang, ’yong nagkakasundo kami sa mga girly things. ’Yong ganu’n, sa gamit, pero iba-iba kami ng taste kaya may masasabihan ka ng, ‘Bagay ba ito [sa akin]?’” aniya.
“Pero ’yong disadvantage, ’yong hiraman, ’yong ganu’n. ’Yong bago pa lang [na damit], hindi mo pa nasusuot, tapos bigla mong makikita sa My Day [Instagram version ng Facebook], suot na nila. ‘Sige, bayaran mo!’” natatawang salaysay pa ng aktres.
Nonetheless, advantage raw for Steph ang pagkakaroon ng mga kapatid na artista gaya n’ya dahil nauunawan nila ang pinagdadaanan ng isa’t isa.
That way, nagiging hingahan nila ang bawat isa dahil alam nilang hindi sila nag-iisa sa journey nila sa showbiz.
“Kahit nasa shoot, tatawag ako kay Angela. Si Mica naman tatawag sa akin. Ganu’n po kami, super close pag dating sa showbiz [work],” tsika ni Steph.
“Tapos kahit alam nilang pagod na pagod [kami], ikukuwento talaga [namin] kung ano'ng nangyari sa set, ’yong ganu’n,” she added.
STUDIES REMAIN A PRIORTY
Napaaga raw ang pagpasok nina Stephanie at mga kapatid n’ya sa showbiz. Ang una raw kasi nilang plano ay susubukan lang pag-aartista kapag nakatapos na sila ng pag-aral.
“Kaso si Tita Lara [Morena], sabi, ‘Uwi kayo dito sa Manila. Punta tayo sa Viva kasi naghahanap daw sila ng mga bagong [artista],’” pagre-recall n’ya.
Medyo mabilis nga raw ang naging journey nila ng pagpasok sa industriya.
“Pero una palang si Nanay Aster [Amoyo], siya ’yong naghahanap ng bagong artist. And then, ayon, nagustuhan kami. And then diretso agad kami sa Viva, luwas agad sa Manila. Walang ano-ano, pirma agad ng kontrata. Hahaha!” natatawang kuwento n’ya.
Pero hindi naman daw naging madali ang lahat para sa kanilang magkakapatid. Pinagsasabay nga kasi nila ang pag-aaral at ang pag-aartista.
Pabalik-balik din daw sila sa hometown nila sa Pampanga para kanilang pag-aaral.
“Nag-aaral pa rin po kami ngayon. Tourism student po ako at OJT [on-the-job training] ko na po ngayon,” masayang lahad ni Steph.
“Hindi naman po kami nag-stop [sa school]. Si Angela [nasa] OJT. Graduating na po s’ya,” pagmamalaki pa n’ya.
“Si Micaella po nandito sa Mandaluyong. Kami po ni Angela minsan umuuwi dito. Minsan, pag may meeting, nag-aaral o OJT [umuuwi kami] sa Pampanga.”
Ramdam umano n’ya ang kanilang hirap at sakripisyo, lalo na ng ate n’yang si Angela.
“Mahirap kasi lalo na kay Angela. ’Yong sa akin po kasi OJT na lang. Wala naman po akong ibang subject. Itong si Angela, pupunta ng school, then babalik sa Mandaluyong pag may gagawin, ganu’n. Mahirap po magbiyahe,” pagpapaka-totoo pa n’ya.
Balewala naman daw sa kanila ang hirap dahil suportado sila ng kanilang parents. Iyon daw ang nagpapalakas ng kanilang loob na magpatuloy sa pag-aaral at sa pag-arte sa harap ng kamera.
“Siguro, nagtiwala na lang kami sa mga magulang namin, sa mga nakapaligid sa amin, sa mga sumuporta para lumakas ang loob namin,” ani Steph.
“Lalo na sa family ko, doon na lang ako kumukuha ng hugot para mawala ’yong hiya kasi, s’yempre, sila nag-push sa akin [para mag-artista], ’di ba?”
REWARD AND RESPONSIBILITIES
Bilang maituturing na siyang isang “working student,” natanong namin si Stephanie kung ano-ano ba ang bills na nakatoka n’yang bayaran ngayong kumikita na s’ya ng pera.
Ayon sa kanya, s’ya daw ang nagso-shoulder ng mga gastusin nila sa bahay nila sa Pampanga.
“Ako ang gumagastos sa Pampanga. Then si Mica ang nagbabayad sa ilaw. Si Angela sa groceries, ganu'n. Toka-toka naman kami,” pagbabahagi n’ya.
Pag dating naman daw sa mga gawaing bahay, ang nanay pa rin daw nila ang madalas nilang kaagapay.
“Wala, si mama na halos, e. Si mama pa rin. Parang nasanay kasi kami sa pag-aalaga ni mama. Pero sa Pampanga, gumagalaw naman kaming dalawa ni Angela,” sey ni Steph.
Sinusuklian naman daw n’ya ito gaya ng pagbibigay n’ya nang buong suweldo niya noong natanggap n’ya ang pinaka-una n’yang salary bilang aktres.
“’Yong una kong suweldo binigay ko lahat kay mama. Kasi sabi ko, unang suweldo [para] kay mama talaga. Humingi lang ako ng pambili ko ng pabango,” kuwento n’ya.
Pabango at bag lang daw kasi ang pinakaluho n’ya.
Dahil dito ay nabiro namin ang aktres kung s’ya na ba ang favorite daughter ng mama nila.
“Hindi, hindi pa rin. Hahaha! Pag nag-aasaran nga kami, [sinasabi ko], ‘Favorite mo naman si Mica.’ [Sumasagot s’ya ng], ‘Anong favorite? Wala akong favorite,’” natatawang pagbabahagi n’ya sa lambingan nilang mag-nanay.
Kapag wala raw shooting o school commitment, mas pinipili daw n’yang manood ng movie o kaya ay matulog. Reward na raw n’ya ’yon sa kanyang sarili.
“Pag nag-aya naman 'yong fam, sumasama naman ako. Sayang din ’yon. Libre din ’yon,” kalog na hirit niya.
SHOWBIZ AND ITS DEMANDS
Kung simpleng bagay ang reward ni Stephanie sa kanyang sarili, todo naman daw ang ginagawa n’yang paghahanda sa tuwing may gagawin s’yang project.
At malaki awang pasalamat niya sa paggabay sa kanilang magkakapatid ng kanilang Tita Lara Morena. May pa-seminar and acting workshop daw kasi ang kanilang tiyahin para sa kanila bago sila sumabak sa aktingan.
“Sa pag-arte, si Tita Lara wag na tayo lumayo. Sa kanya po kami nagsimula and ang dami namin natutunan sa kanya. Before naman kami pumunta sa shoot tinuturuan naman po n’ya kami,” saad n’ya.
Naturuan din daw sila na dapat mahusay silang makisama sa mga tao dahil ang mga pelikula o series ay mga collaboration project ng lahat ng mga bumubuo nito, sa harap man o likod ng kamera.
“Sobrang importante [ng pakikisama] kasi lalo na pag may eksena, ’di ba? Ako talaga kahit mahiyain ako kinakausap ko talaga kung sino ang magiging kaeksena ko,” pagpapatuloy ng aktres.
“Para kapag sinalang ka na sa eksena, mo hindi ka na mahihiya-hiya o malilito, ’di ba? ’Yong pakikisama talaga… at saka wag kang plastic,” diin pa n’ya.
Kasama rin daw sa preparation n’ya ang pagda-diet and exercise dahil nga nagpapakita sila ng skin so dapat they are in their best shape kapag kukunan ang kanilang intimate scenes.
“Ako talaga, nag-diet ako and workout. Pinag-workout ako talaga ni Tita Lara and diet talaga. And sobrang strict ni Tita Lara pag dating diyan,” tila sumbong pa ni Steph.
“So, ayon, nu’ng pumayat na ako, bahala na, kain lang nang kain. Sobrang hirap lalo na nasanay ka sa lamunan na talagang malała, ’di ba?” natatawag pangre-real talk pa n’ya.
Kaya kung may natutunan man daw s’ya sa pag-aartista, ito ay ’yong dapat ay ng aktor ang kanyang ginagawa. Hindi raw kasi alam ng karamihan na masyadong demanding ang showbiz industry at hindi basta't glitz and glam lang.
“Siguro dito, kung gusto man nilang mag-artista, dapat magpaka-totoo sila sa sarili nila and ibigay lang nila ’yong best nila. At saka wag kalimutan si God,” pahayag pa ni Steph.
ON BASHING AND INDECENT PROPOSALS
At dahil nagpapa-sexy nga s’ya sa pelikula, kakambal na raw nito ang pambaba-bash mula sa mga netizens na hindi kayang ihiwalay ang roles sa tunay nilang pagkatao.
Ganu’n pa man, hindi na raw ito binibigyang-pansin pa ng aktres.
“Dedma lang,” aniya. “Pag sa Facebook wala na akong paki. Kasi sa Facebook talaga doon marami [bashers], ’di ba? So, sa IG [Instagram], pag may nag-comment naman [nang hindi maganda], automatic made-delete mo, maba-block mo.”
Na-experience na rin daw n’yang ma-bash ng mga kaklase n’ya mismo dahil sa kanyang trabaho.
“Naranasan ko din naman ’yong iba kong classmate bina-bash ako. So, nu’ng nakita ko [sila] sa school super greet sila sa akin,” pagbabahagi pa ni Stephanie.
Shini-share daw kasi ng mga ilan sa mga ito ang screenshots ng mga daring scenes n’ya sa movies n’ya tapos ikinakalat nila ang mga iyon sa social media.
“Picture lang then may comment. Nabasa ko, nakita ko ’yong mga classmate ko [ang may pakana]. So, dedma lang,” sey pa n’ya.
Hindi rin daw nakakaligtas ang aktres sa mga indecent proposals o iyong mga nag-aalok ng pera o luxury things in exchange for sexual favors.
“Ay naku, sobra. Magugulat ka sa request. Ang dami, sobra. Sabi ko, hindi naman ako ganu’n. Nagpapa-sexy lang naman,” pagtatapat n’ya sa amin.
Gaya ng bashing, hindi na rin daw pinapansin ni Steph ang mga ganitong messages na natatanggap n’ya. Hindi rin daw s’ya apektado.
“Nababasa ko pero hindi naman ako nasasaktan. Mas masasaktan siguro ako kapag family ko ang nagsabi na [masama ang ginagawa ko],” she said.
“Trabaho lang ito. Hindi naman nila alam kung ano ’yong nasa likod ng camera, ’di ba?”
DREAM ROLE AND DREAM LEADING MAN
Samantala, kung mabibigyan daw ng chance, gusto raw ni Stephanie na gumanap bilang isang sirena. Ito raw kasi ang childhood dream n’ya.
“Marunong naman akong mag-swimming and nu’ng bata ako si Ariel talaga [ng The Little Memaid] 'yong favorite [Disney character] ko. ’Yong mga costumes ko din mermaid,” kinikilig na sabi n’ya.
At s’yempre, kung magkakaroon man daw s’ya ng leading man sa kanyang mermaid-themed movie, hiling n’yang maka-tandem celebrity crush n’yang si Paulo Avelino.
“Ang g’wapo n’ya, ang hot n’ya,” kinikilig na paglalarawan ni Stephanie sa Kapamilya actor.
“S’yempre, s’ya ’yong taong mami-meet ko, magkakagusto talaga ko, ’yong ako ’yong may crush sa kanya. Parang sa Fan Girl [movie nya],” lahad pa n’ya sa iniisip n’yang kuwento ng kanilang magiging pelikula kung sakali.
SELF LOVE AND IDEAL GUY
Nang makumusta naman namin ang lagay ng puso n’ya at this point, matipid pero natatawang sumagot si Steph.
“Secret. Charot! Hahaha! Masaya ako,” sagot n’ya.
“Basta masaya ako ngayon. Nand’yan ang family ko, may nagmamahal sa akin, at saka ’yong mga fans na nagmamahal sa akin,” dagdag pa n’ya.
Pag dating naman sa lalaki, mas matimbang daw for her ang sense of humor kesa sa looks.
“Wala naman akong ideal guy. Basta swak sa akin, magka-vibes kami, ganu’n. Kahit hindi ka-gwapuhan basta may sense of humor,” pagtatapos n’ya.
Panoorin ang kabuuang interview ng pikapika.ph with Stephanie Raz dito:
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber