Ruby Ruiz, sinabihan ng Hollywood actress na si Nicole Kidman ng: "We have chemistry."

Ani Ruby Ruiz, na-overwhelm daw siya noong unang makaharap niya ang multi-awarded Hollywood actress na si Nicole Kidman, who's also the co-producer of Expats. Hindi raw s’ya makapaniwala na nakaharap n’ya ang isa sa pinakasikat na artista sa buong mundo.

Photos: Ruby Ruiz and Cornerstone Studios

Ani Ruby Ruiz, na-overwhelm daw siya noong unang makaharap niya ang multi-awarded Hollywood actress na si Nicole Kidman, who's also the co-producer of Expats. Hindi raw s’ya makapaniwala na nakaharap n’ya ang isa sa pinakasikat na artista sa buong mundo.

Napa-major throwback ang award-winning actress na si Ruby Ruiz sa mga nakakatuwang moments nila together ng Hollywood star na si Nicole Kidman.

Naganap ang pagkukuwento niya sa solo media conference n’ya kamakailan hosted by Cornerstone Studios na ginawa para magkaroon naman siya ng pagkakataong mai-promote ang ipinagmamalaki niyang Hollywood mini series na Expats.

K'wento ito ng mga tight-knit group of expatriates na nakatira sa Hong Kong at gumanap siya bilang si Nanny Essie ng mga anak ng interracial couple played by Brian Tee at Nicole Kidman.

Dahil she's the closest everyone can get to Nicole Kidman, kaya maraming tanong ang press tungkol sa naging ugnayan nila sa loob ng 11 months na magkasama sila sa shooting sa Hong Kong at Los Angeles, kabilang pa ang ilang weeks na pagka-quarantine sa Maldives. Na-extend daw kasi nang na-extend ang originally ay three months na kontrata niya.

Naging very indulgent naman si Ruby sa pagsagot ng mga tanong lalo pa't nami-miss na niyang mag-shooting kasama ang Expats group. Two years ago pa kasi ito at sakop pa ng pandemic era ang pagla-lock in shoot nila.

Ani Ruby, na-overwhelm daw siya noong unang makaharap niya ang multi-awarded Hollywood actress, who's also the co-producer of Expats.

“Parang merong cast visit ’yong immediate cast, pinuntahan namin s’ya kung saan s’ya nagi-stay," panimulang k'wento ni Ruby. "Parang she hosted a parang merienda, lunch. Ganun.

“Isa-isa kaming pinakilala nu’ng director. Nu’ng ako na, [sabi n’ya], ‘Oh my gosh! So, you’re playing Essie?’ Kasi matagal na-cast si Essie, e. So, parang tuwang-tuwa s’ya,” pagpapatuloy n’ya.

“Tapos ako naman na-overwhelm. Parang, s’yempre, shake hands pa lang noon, ’di ba? Nakatingala ako dahil ang tangkad n’ya.”

Hindi raw s’ya makapaniwala na nakaharap n’ya ang isa sa pinakasikat na artista sa buong mundo.

“‘Oh my gosh,’ sabi ko. ‘Is this for real?’ Sabi n’ya, ‘Welcome! Welcome aboard.’ Tapos, sabi

ko, ‘Is this for real?’ Tapos sabi n’yang ganu’n, ‘Yeah, touch me. Touch me,' sabi n’ya. Tinouch ko naman. Hahaha! Sa braso lang. Ganu’n,” natatawang balik-tanaw pa ni Ruby.

Warm and accommodating daw sa kanila ang aktres.

“Doon palang very, very ano na s’ya… accommodating. Kasi alam n’ya… Aware s’ya, e, s’yempre, sa cast, s’ya ’yong pinaka A-list. Asian naman ’yong [ibang cast], ’di ba, So, aware s’ya na ’yong effort para maging komportable will come from her and she did it successfully,” pag-aanalisa n’ya.

Binalikan din n’ya ang unang beses na magkatabi sila sa set sa unang araw ng shooting na kung saan inabutan umano s’ya ng gutom.

“It’s a funny anecdote," patikim niya. "Nu'ng una kaming magkatabi for that first day kumakalamkalam talaga ang sikmura ko noon. Tumutunog talaga,” natatawa na namang k'wento niya.

“‘Oh my gosh! Hindi pa p’wede. Mamaya pa [p'wede kumain]. Parang an hour and a half pa bago kami kakain. So, nagshu-shooting, ganyan,” she continued.

Nakita na lang daw n’yang naglabas na mansanas si Nicole pero hindi raw s’ya nito inalok.

“Magkatabi kami. Meron s’yang nilabas Granny Smith, ’yong kulay green na maasim na mansanas. Pero kahit ’yon talagang papatusin ko na kasi gutom na gutom na ako,” pagpapaka-totoo pa n’ya.

Kaso, hindi raw siya inalok manlang nito.

“Nilabas n’ya tapos kumain s’ya. Sabi ko, ‘Ano ba naman ito? Ang sama ng ugali. Hindi man lang mag-alok. Hahaha!”

Naintindihan naman daw n’ya ’yon dahil baka ganu’n ang kultura doon o kaya naman ay dahil sa umiiral na Covid-19 pandemic that time.

“’Yon pala, wala sa kanila ’yon, especially, ’yon nga hindi sila ganu’n baka… you know, lalo na [may] Covid that time, e, ’di ba?"

Ang nakakatawa pa, naikuwento raw n’ya iyon nang pabiro sa direktor nilang si Lulu Wang bilang part ng kanilang small talks sa set.

‘My gosh! I’m starving. My God, she’s so insensitive.’ Hahaha! 'Because in our culture, even if you don't mean it [you invite people to eat with you.]’ Hahaha! Totoo naman, di ba? You always offer. ‘No, no, no. It's because of the pandemic,’” esplika naman daw ni Lulu Wang.

In turn, nakarating din daw kay Nicole ang tila sumbong n’ya kung kaya’t naging pala-alok na ito, lalo na sa kanya.

“Nakarating yata sa kanya, kaya every time meron s’yang mga paandar, pa-kape, whatever...food, she'd always ask me, ‘Have you tasted it? Have you tried it.’ ‘Don’t forget Ruby,’” masayang kuwento pa ng aktres.

Hindi naman daw s’ya nagpatalo dahil ibinida n’ya doon ang all-time Pinoy favorite bread natin noong nagkaroon s’ya ng chance.

“Mayroon na eksena sa Expats na ayaw ng mga bata ’yong dinner buns, ’yung the usual na parang pan de lemon, ’yong dinner buns,” aniya.

Doon umano n’ya nai-suggest na p'wedeng pamalit ang pandesal.

“Sabi ni Nicole, ‘What's pandesal? So, ginoogle kaagad nila. ‘What’s pandesal? Let's ask Ruby.’ So, ini-explain ko. ‘You know, we usually eat it in the morning for breakfast but we also eat it any time of the day..." esplika naman daw niya.

Dinagsa naman daw s’ya ng sunod-sunod na tanong ni Nicole dahil dito.

“‘Is it sweet?' Tanong s’ya nang tanong. Ang daming Q&A, ang daming talk show ni mommy, na ang feeling ko gusto lang naman n’yang matikman.

“So, nag order tayo ng pinakamasarap na pandesal. S’yempre, hindi naman tayo papahuli. Nu’ng natikman nila gustong-gusto nila,” pagmamalaki niya.

Makailang beses din umano s’yang nahuli ni Nicole na patagong kumakain sa set. Bawal na bawal daw talaga kasi iyon. 

Every six hours daw kasi ang schedule nila sa pagkain at hindi s’ya sanay sa ganoon.

“Hindi sanay ang tiyan ko. Bawal sa akin ang nagugutom talaga. So, meron akong maliit na tote bag. Merong laman na...may candy, may tsokolate, may chips,” patuloy na pagbabahagi ng aktres.

“So, pag nasa isang sulok ako, susubo ako. Lagi n’ya akong nahuhuli tapos sasabihan ko siya, 'Ssshhh.'

Kikindat s’ya sa akin."

Hirap lang daw siya kung minsan intindihin ang heavy Australian accent nito. Buti nalang daw at kasama niya ang anak para mabilis mai-google kung ano ang ibig sabihin ni Nicole na kalauan ay tinatawag na niyang NK.

Kalaunan daw ay naging magiliw na sa kanya ang blue-eyed actress. At hindi naging lingid ito sa kaalaman ng production staff.

"Kaya pag dumarating ako, 'What did she tell you? What did she ask?' Ako naman, 'She asked me what I did during my day off...I told her I did my laundry.'"

At dahil Nicole took a liking on her, minsan daw ay siya ang ginagawang pain ng mga ito pag alam nilang tila wala sa mood o stressed and actress.

"Pag nakita naman niya ako, 'Oh, hi, Ruby!'"

At dahil kinagiliwan na nga s’ya ng Hollywood star, naging mabait daw talaga ito sa kanya at may bonus na mga regalo pa sa kanya.

“Very generous si Nicole, not just sa akin but to everyone. Pero sa akin natutuwa kasi s’ya so may konting gifts akong natatanggap sa kanya,” pagtatapos ni Ruby na ayaw i-reveal kung ano ang mga nairegalo sa kanya ng mahusay na Australian actress.

But more than the gifts, pinaka na-appreciate ni Ruby ang mga pag appreciate din sa kanya ni Nicole. Mayroon daw kais silang matinding confrontation scene (na mapapanood sa episode 5). Aniya, niyakap s'ya nito pagkatapos at pinuri.

"Sabi ko naman, 'No, it's you...you carried that scene.' Sabi naman niya, 'No, it's you...' Nag-etchosan kami. Haha! But seriously, sabi niya, 'We have chemistry, Ruby.' E, s'yempre para sa akin, napaka-laking ano no'n di ba? Pero ano talaga, ang galing-galing niya. Ang dami ko ring natutunan talaga sa kanya as an actress."

Samantala, palabas na ang Expats mini series nina Ruby Ruiz at Nicole Kidman sa Prime Video, kung saan din ipinalabas ang highly successful Linlang ng Dreamscape Entertainment, kung saan kabilang din si Ruby sa cast.

 

 

 

 

 

FOLLOW US ONLINE: 

Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz

Twitter: twitter.com/pikapikaph

Instagram: instagram.com/pikapikaph/

YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz

TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/

and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.