Inalala ni Senator Bong Revilla Jr. ang mga huling sandali ng kanyang ama na si dating senador Ramon Revilla Sr. o Jose Acuña Bautista sa tunay na buhay bago ito pumanaw noong Biyernes, June 26, sa edad na 93.
Kasalukuyang naka-burol ang mga labi ng dating senador at aktor sa Revilla compound sa Bacoor, Cavite.
Sa mga YouTube videos na inilabas ng entertainment writer-vlogger na si Allan Diones na kuha noong Linggo, June 28, sa ikalawang araw ng burol ng dating senador, nagkwento si Senator Bong sa nasabing vlogger at sinabing nagparamdam na noon ang kanyang ama ng pamamaalam.
"Kapag nag-uusap kami n'yan, kami lang dalawa, sabi n'ya sa'kin, 'Anak, nararamdaman ko na...Malapit na ako,’” salaysay ng aktor sa interview. "Sabi ko, 'Dad, ikaw naman. Wala 'yan. Mahaba pa buhay mo. May agimat ka pa.' Kaya minsan nagbibiro s'ya, 'Binigay ko na sa'yo e.' 'Hindi, sa'yo 'yon.' Mga ganun."
Pahayag pa ng junior Ramon Revilla, talagang lumaban nang husto ang kanyang ama para mabuhay para sa kanilang pamilya. At sa puntong ito na binalikan ni Senator Bong ang panahon kung kailan isinugod nila ito sa pagamutan matapos makaramdam ng hirap sa paghinga.
"Prinogram n'ya ang buhay n'ya," dagdag pa ng actor-politician. "Alam mo 'yong pinagdaanan n'ya, 'yong sa first strike pa lang nung nahihirapan s'yang huminga, 'yong una namin s'yang ni-rush sa hospital, mga three weeks ago, alam mo 'yong time na 'yon hindi na s'ya makahinga e."
Matatandaang humingi ng dasal ang actor last May 31 para sa kanyang ama matapos itong isugod sa ospital.
"Akala namin comatose na s'ya dahil in coma s'ya in 20 minutes," patuloy na pagbabahagi ni Bong sa video. "Kinakausap ko 'sya...tulala na s'ya. From St. Dominic to St. Luke's hospital, hindi na s'ya...wala na. Hindi na n’ya alam ang nangyayari. Kumbaga, blackout na s'ya."
Pagdating sa ospital, sinabihan din daw sila ng doktor na seryoso ang lagay ng kanilang patriarch.
"Sabi nung doctor, 'Serious. You're father is serious,'" pababalik-tanaw ng batang Revilla. "Alam mo pagkasabi ng doctor nang ganun, si Andrea (sister ni Senator Bong) lumapit sa kanya [at sinabing], 'Daddy, don't leave us. Pangako mo hindi mo kami iiwan, 'di ba?'"
Biglang nagkamalay daw noon sa emergency room ang dating senador at aktor nang marinig ang pakiusap ng anak n'yang babae.
Kwento pa ni Bong sa interview: “Tapos 'yong BP nya na 60/30 na lang, tumaas 'yon. Doon mo makikita talagang lumalaban s'ya for us, for the family. 'Yong pagmamahal n'ya talagang andun up to the very last minute. Kaya doon kapag kinakausap s'ya talagang nagre-respond s'ya. Basta kapag naririnig n'ya lalo na ang boses ni Andeng. Favorite 'to e. Grabe."
Bumuti rin daw ang lagay nang tinaguriang "Hari ng Agimat" matapos noon at nakuha pa daw makipagbiruan sa kanila.
"Dumating pa ang point na nakakapagkwento s'ya," magiliw na salaysay ng Kapuso star. "Napag-usapan na naman 'yong agimat, tumatawa na s'ya. ‘O Daddy, kumusta ka na?’ Gumagana ulit ang agimat natin.' 'Yon uli ang biru-biruan namin. Sabi ko, 'Bilib ako sa agimat mo.' Sabi n'ya, 'Wala na ang agimat ko. Nasa'yo na e.' Binibiro n'ya sina Andeng, 'Nasa kanya na ang agimat ko.' Sabi ko,'Hindi, Daddy. Nasa iyo.'
"Nagiging palabiro na s'ya," pagpapatuloy ni Bong. "Even 'yong... nagpa-flash back s'ya, 'yong mga naging girlfriend n'ya noong araw. Mga ganun. Pero sabi n'ya, 'Okay na ako. I'm happy.' Ganun ganun. Tapos magpapasalamat s'ya sa amin, sa support ng pamilya sa kanya."
Mula sa ICU [Intenstive Care Unit], nag-request pa daw ito na mailipat sa regular room dahil nga kaya na daw ng katawan n'ya umano.
"Kita mo talagang ang saya-saya n'ya nung time na 'yon. Then after that, nagpalipat s'ya sa regular room. Nung nasa regular room naman s'ya, gusto na n'ya umuwi na."
Ngunit ilang araw matapos gunitain ang Father's Day noong June 21, ay dumating nga ang pinakamalungkot na sandali para sa pamilya Revilla nang magpaalam ang kanilang ama due to heart failure on June 26.
Masakit man, dahil kilalang malapit si Senator Bong sa ama, ay ni-let go na raw niya ang kanyang daddy. Bagamat nakapag-last message pa daw siya sa ama bago ito tuluyang mamaalam: "Sabi ko, 'Daddy, you rest na. Mission accomplished. Nagawa mo na lahat para sa amin. Don't worry I will take care of them. Hindi kami mag-aaway. Pagbubuklod-buklodin ko ang pamilya."
Pinasalamatan din n'ya ang mga taga-suporta ng kanilang pamilya na nagpaabot ng dasal para sa pumanaw niyang ama.
"Nagpapasalamat ako sa mga nagdasal para sa father ko. Thank you po sa suporta n'yo sa aming pamilya. Maraming maraming salamat po. Sa lahat ng mga nakiramay maraming salamat po."
Sa Miyerkules, July 1, ay nakatakdang dalhin ang labi ng dating senador sa House of the Senate sa Pasay City kung saan nagsilbi s'ya nang dalawang termino mula 1992 hanggang 2004.
Muli rin daw ito ibabalik sa kanilang compound sa Bacoor after few hours bago ang nakatakda diumano nitong libing sa Huwebes, July 2, sa Angelus Eternal Gardens sa Imus kung saan nakahimlay din daw ang mga labi ng Revilla/Bautista matriarch.
YOU MAY ALSO LIKE:
Senators Bong Revilla, Tito Sotto, at Ping Lacson, umalma sa mga sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno
Pika's Pick: Sheryl Cruz shares BTS photos of her new TV series with Sen. Bong Revilla
Senator Bong Revilla, willing bang mag-“Tala” dance after ng kanyang viral na “Budots” dance?