Sa unang bahagi ng Darna Finalé Mediacon kamakailan ay natanong namin ang isa sa mga direktor ng Darna na si Avel Sunpongco kung sino na ang guest nila sa pagtatapos ng series.
Balita kasing "nag-inarte" umano ang bidang si Jane de Leon kaya hindi natuloy si Regine Velasquez.
Naglabas na ng official statement ang JRB Creative Production through the ABS-CBN Corporate Communications na hindi umano nagtama ang schedules nina Jane at Regine kaya hindi natuloy ang dapat sanay guesting ni Songbird, na minsan na ring gumanap na Darna sa pelikulang Captain Barbell ni Senator Bong Revilla, Jr. noong 2005. Pero may mga tsika pa ring tila si Jane ang sinisisi kung bakit hindi ito natuloy.
Si Jane mismo ang sumagot sa tanong namin sa direktor.
“Actually, for me, it was not an issue naman to begin with," panimula ni Jane. "Sadyang hindi lang talaga nagtugma ang schedule namin ni Ate Reg. I think it's very normal naman sa mga artists. And ginagawa niya 'yung rehearsal niya for her upcoming concert. That time din kasi, I had my endorsement shoots and shows. We try to adjust the schedules, sadyang hindi na talaga kami pinayagan.”
Kinuha na rin ni Jane ang pagkakataon na i-promote ang mga upcoming shows ni Regine bilang patunay siguro na walang issue between them.
“Guys, please don’t forget to support ate Reg sa upcoming concert niya on February 17, 18, 24 and 25...solo concert ni Ate Reg, thank you.”
At nalaman din namin from a source na kaya pala pinipilit daw ni Jane na double na lang niya ang haharap kay Regine na naka-chroma ay dahil nga may endorsement shoot ito na hindi puwedeng ikansela.
Pero hindi nga raw pumayag ang management na hindi mag-face-to-face ang dalawang tunay na Darna kaya hindi na lang itinuloy ang plano.
Sa ibang banda, natanong kay Jane kung ano ang mga hindi niya malilimutang karanasan sa kabubuuan ng shooting niya sa Darna ni Mars Ravelo.
"Marami po, too many to mention," nakangiting lahad niya "Una sa lahat 'yung mg taong naging parte sa buhay ko ngayon...mga direktor, staff, mga co-artists ko at 'yung friendship.
“Hindi ko rin makakalimutan na puro galos ako sa katawan. Sabi ko nga pumasok ako sa Darna na makinis ang katawan lumabas ako na puro bugbog ang katawan," natatawang dagdag niya. "And learnings from my kuya, ate, mga direktor...”
Inamin pa niyang minsan siyang isinugod sa emergency room dahil natusok ng pako ang tuhod niya.
“Sa stunts po ang dami po, na-ER (emergency room) na po ako, may eksena ako with Josh [Joshua Garcia] na pagluhod ko hindi ko alam na may pakong naka-angat tapos tumagos sa tuhod ko. Dugo nang dugo sobrang sakit and sa may buto...
“Buti nandoon si Sir Jeff [emergency medical technicians]. Pinilit kong huwag umiyak pero ng sakit talaga kaya tinakbo ako ng ER para for anti-tetanus [injection].
"Tapos [may time pa na], nasuntok ako ng double ni Borgo [Richard Quan’s role]. Grabe 'yung iyak ko do’n. Sabi ko, first time akong nasuntok sa buong buhay ko at namaga 'yung mukha ko nu’ng time na 'yun. Natapilok din ako at two days kaming pack-up. Marami pa, super dami."
Sa kanyang pagkukuwento, naalala niyang minsan na siyang napaalalahanan ni Coco Martin ukol sa mga aksidenteng maaari niyang maranasan sa set pag nagsimula na siyang mag-Darna.
Naganap daw ito nang nag-guest muna siya sa FPJ’s Ang Probinsyano bilang isa sa mga miyembro ng Black Ops na kalaban nina Coco Martin bago pa in-announce na siya ang gaganap na Darna.
“Sabi ni Coco, ‘Jane pagpasok mo ng Darna marami pa ‘yan, normal ma-aksidente’ So, marami nga po akong aksidente.”
Sa maraming beses na nasasaktan o may aksidente sa fight scenes ni Darna, for sure ay may mga nasisirang costume. Kaya natanong na rin ang bida kung ilan in all ang Darna costumes niya.
“We have 16 costumes," aniya. "Very hard especially kasi kapag beauty shots, meron ding pang-harness [na costume]. Ang madugo talaga kapag harness. Kasi iba’t ibang harness ang meron kami kasi do’n talaga kami tumagal."
At inamin din n'yang nahirapan umano siyang isuot ang costume noong una dahil two- piece ito. At hindi pa umano niya nasubukang magsuot ng two-piece [bikini] sa tanang buhay niya
“Hindi rin po kasi ako nagbi-bikini and swimsuit, so, grabe po talaga 'yung nilunok ko talaga para makapag-two piece,” natatawang balik-tanaw ni Jane.
Samantala, pagkatapos ni Joshua Garcia, pangarap namang maging leading man ni Jane ang crush niyang si Paulo Avelino.
“’Yung isang dream leading man ko si Paulo, he was supposed to be my leading man sa Darna movie and alam din naman po niya na crush ko siya," kinikilig na lahad niya. "Sana, since hindi natuloy 'yung Darna movie, looking forward pa rin po akong maka-trabaho siya. But I’m willing naman po maka-trabaho kahit sino."
Ang Darna, under the direction of Avel Sunpongco, Benedict Mique, at Darnel Joy Villaflor, ay nasa huling dalawang linggo na ngayon. Mapapanood ito Lunes hanggang Biyernes, 8 PM, sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, CineMo, A2Z at TV5, meron din sa iWant TFC.
YOU MAY ALSO LIKE:
Jane de Leon, patagong nag-o-overnight sa dressing room ng ABS-CBN para makatipid sa pamasahe noon
Jane de Leon recalls being emotional nang isukat sa kanya ang iconic costume ni Darna
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber