Mayor Isko Moreno, binalikan ang “basurero-to-glitz and glam” showbiz life niya; payo niya sa mga baguhan, “mag-ipon nang mag-ipon dahil hindi lahat ng oras ay tag-araw.”

PHOTOS: @iskodomagoso on Instagram, @EBCfilms on Facebook

PHOTOS: @iskodomagoso on Instagram, @EBCfilms on Facebook

Nagbahagi ng kanyang karanasan si former actor and now Manila City Mayor Isko Moreno na talaga namang kapupulutan ng aral ng mga kabataang nasa showbiz lalo na ang mga baguhan pa lamang sa industriya at maging ang mga gustong sumubok sa showbiz. 

Naging guest kasi si Mayor Isko, na sikat ngayon sa bansag na Yorme, sa episode 5 ng PELIkwentuhan, isang online show hosted by actress Gladys Reyes, na napanood ng live kagabi, August 24, sa Facebook page ng EBC Films. 

Noong umpisa, ikinuwento ni Mayor Isko na nasa lamay daw s’ya noon nang maispatan ng isang talent scout na si Daddie Wowie Roxas.  

Isang gabi... Namatay si Aling Nita... Naglalamay ako, s'yempre alam mo naman sa lamay may libreng chicha [pagkain]” masayang pagbabalik-tanaw ng alkalde. “Kunwari nakiki-kape ka lang pero may ina-angga ka. Na-discover ako sa lamayan ng patay. 

Nakita ako ni Daddie Wowie kasi tiyahin n'ya si Aling Nita. I was offered... Sabi, kung gusto ko daw mag-artista. Binigyan ako ng tarheta [calling card]. Pumunta ako sa Banahaw [Quezon City, sa bahay ni Daddie Wowie]. Then February 1993, I was introduced to That's Entertainment, kay Kuya Germs. Doon ako nag-audition."

At napasama nga sa Monday Edition ng musical-variety show noon si Yorme kung saan nakatambal niya ang former child star na si Bamba. Hindi nagtagal napabilang din s'ya sa mga telesine na ipinapalabas sa GMA Network. 

"Usong-uso noon ang telesine ng GMA-7,” patuloy ni Yorme. “Ngayon, teleserye. Noong panahon natin, telesine.”

Mula telebisyon ay pinasok din ni Isko ang pag-arte sa pelikula under Seiko Films. 

"A few months thereafter...and [through] perseverance, Robbie Tan saw me and offered me to be an in-house artist of Seiko Films," pagpapatuloy ng actor-turned-public servant. 

"Kasi noong araw, ang Seiko Films nagpo-produce ng tweetums movies tulad ng Regal [Entertainment]. I was asked by Mr. Robbie Tan to be part of Seiko Family. So,  doon na ako nag-umpisa sa pelikula."

Nakatambal n'ya sa kanyang first full-length film ang drama actress na si Claudine Barretto para sa pelikulang Muntik na Kitang Minahal

Dito natanong ni Gladys si Mayor Isko kung ano ba ang mga challenges na kinaharap n'ya noong nag-uumpisa pa lang s'ya sa showbiz. 

Tugon naman n'ya, isa daw dito ang pag-develop ng talent at pagiging professional sa work dahil napapanood nga sila sa telebisyon. Kaya daw marami silang workshops noon. 

"You really have to craft your talent," paglalahad n'ya. "'Yong ganito kasing klaseng show, nabibigyan ka ng chance to develop yourselves and see yourselves on national television. So, makikita kung nakukuha mo ba 'yong mga tinuro sa'yo through workshops.

"One thing that Kuya Germs taught us very well and That's Entertainment for that matter is on how to be professional with the trainings," sey pa ni Mayor. "Kasi may dress rehearsal ka, meron kang acting rehearsal. 'Di ba marami tayo nu'n? That's reporting, That's acting, That's dancing, That's singing, and all other things."

Isa pa sa naging kalaban ni Isko noong nag-uumpisa s'ya sa showbiz ang laging pagod at kulang sa tulog dahil nga sa dami ng kanilang commitments at out-of-town shows. 

"You really have to wake up as early as possible and [be] a professional when you deal with your colleagues, co-actors and co-actresses. Minsan wala kang tulog. Totoo 'yong sinasabi ni Kuya Germs. 'Walang Tulugan.' Pagkatapos mo mag-taping, sa gabi, meron tayong provincial shows. Pupunta tayo sa mga probinsya. Kakanta. Puyat ka. Pagod ka sa b’yahe. Ganu’n nang ganu’n. 

"Isa talagang malaking challenge ay ang emotional, psychological, physical," dagdag pa ni Mayor Isko. "So you really have to be focussed for you to make a dent in the entertainment industry. 

"Ang daming g’wapo. Ang daming maganda. Ang daming may talent. Imagine-in mo, how can you be different from the other?”

Para kay Yorme, mas nahirapan daw s'ya noon na mag-adjust sa environment noong bagets pa s'ya at nagsisimula pa lang sa showbiz. Ibang mundo daw kasi ito na malayo sa kung saan s'ya nanggaling. 

"Sa environment, yes, napakahirap [mag-adjust]," paliwanag n'ya. "Sa trabaho hindi. In fact, 'yong pagtatrabaho ng pag-aartista kumpara sa trabaho ko before that, balewala. 

"Kasi unang-una, 'yong adjustment sa enviroment, s'yempre medyo magaspang ako kasi hindi mo naman masisi na I grew up in a very challenging community. Kung bakit minsan kailangan kong makibagay, s'yempre, 'yong iba, anak-mayayaman, tapos 'yong iba star na, 'yong iba may pangalan na, iba superstar na

"S'yempre, merong tinatawag na inferiority complex. So, iyon 'yong environmental challenges, from basurahan to glits and glamour. Wala namang in-between, e. Kumbaga, jump talaga, e. So 'yon talaga ang hirap-hirap sa umpisa. Pero one way or another, makaka-blend ka."

Na-enjoy naman daw noon ni Mayor Isko ang buhay artista noong kabataan n'ya dahil nakakakain daw s'ya ng limang beses sa isang araw habang nasa air-conditioned area at naghihintay ng takes n'ya. 

Prior to his showbiz career kasi, aminado si Mayor Isko na paggiging basurero at pedicab driver ang trabaho n'ya para kumita ng pera.  

"Noong basurero ako, kailangan ko kalkalin lahat ng basura sa El Cano, sa Divisoria, M. de Santos, Sto. Cristo, Ilaya, Tabora, lahat 'yon," pagre-recall pa rin n'ya. "Kailangang kalkalin ko lahat para kumita ako ng pera."

Naranasan din daw noon ng 45-year-old actor-politician na maghanap ng pagpag o 'yong mga pagkain sa basurahan para may makain.  

"Pagka gabi, aabangan ko pa 'yong Jollibee kung magsasarado na [dahil] kukuha pa kami ng batchoy o 'yong tinatawag na pagpag," pagpapatuloy pa n'ya. "Pero batchoy ang tawag namin doon. Para pagka gabi, ipi-prito uli namin 'yong tira para patay ang germs. May chicha ka na.

"Kung ikukumpara mo s'ya, I look at it na sobrang blessing kasi [naka-upo at nag-aantay] ka lang. Ang una kong [sahod], P1,500] sa Young Love, Sweet Love.

(Ang Young Love, Sweet Love ay isang teen drama anthology hosted by Kuya Germs and then later by singer-actress Manilyn Reynes na umere noon sa RPN 9 mula 1987 hanggang 1993.)

"Kapag nagsa-sidecar boy ako, dahil nag-pedicab [driver] ako [noon], singkuwenta ang neto ko. Labas na ang boundary. E, 30 days times 50, that's P1,500. So, 'yong P1,500 ko, naghihintay ako maghapon-magdamag...P1,500 ang kinita ko kumpara mo sa 30 days. Umula't bumagyo, magkaroon ng delubyo, kailangan kong pumasada. Without it, D'yos ko, walang in-ka [kain].

Kaya naman ganu'n na lang ang pasasalamat n'ya sa namayapang star maker na si Kuya Germs dahil tinuruan daw s'ya nito kung paano mag-ipon. 

"Ako, maswerte lang ako kay Kuya Germs," patuloy ni Yorme. “Sinabihan na ako ni Kuya Germs... Talagang lagi n'yang sinasabi sa akin, ‘Ten percent ng income mo, itabi mo na 'yan at kalimutan mo na.’ Si Kuya Germs din ang nagturo sa akin mag-libreta, na mag-ipon nang mag-ipon dahil hindi lahat ng oras ay tag-araw."

Nang tumagal na at nagkapangalan sa showbiz, naging challenge naman daw kay Yorme before kung paano ba tatagal sa industriya. Mabilis kasi ang phasing sa show business dahil maya't maya ay may dumarating na mga baguhan.

"Staying on top," pahayag ni Isko. "Isang challenge sa mga artista 'yan. How to maintain. And I have to be honest with you. There is a principle of gravity that anything that goes up must come down. Hindi pupuwedeng nadoon ka lagi [sa taas]. 

"So, the point is you have to ready yourself also, that some new born, mas gwapo sa'yo, mas maganda sa'yo, mas magaling sa'yo at mas tatangkilikin ng mga manonood. Having said that, dapat, kung alam mo na kaagad 'yon, sa umpisa pa lang mag-ipon ka nang mag-ipon, magsubi ka nang magsubi.

"And continue to develop your craft. Naturally, you will stay there. Hindi nga lang sa itaas na itaas pero you'll maintain it there along the way as you fade out. Kumbaga, pagtiklop ng araw bababa ang telon," patatapos ni Mayor Isko.

 

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.