May nakakaaliw na kuwento si Diamond Star Maricel Soriano nang makausap umano n’ya sa panaginip ang pumanaw n’yang ina na si Rosalinda Dador Martinez.
Nangyari ito sa media conference nila kamakailan para sa ipalalabas nilang pelikula na In His Mother’s Eyes.
Dahil tungkol sa relasyon ng mag-ina iikot ang istorya ng pelikula, natanong ang mga cast tungkol sa kani-kanilang mga nanay.
Dito napakuwento si Maria at sinabing dapat daw ay huminto na s’ya sa showbiz mula nang mamatay ang kanyang mommy noong 2009.
“Ano bang gagawin ko? Dapat umalis na rin ako, mawala na rin ako kasi lahat naman ng ginagawa ko para sa mommy ko. Tapos s’yempre, sa mga anak ko. Tapos na ’yong mga kapatıd ko [kaya] mga anak ko naman,” aniya.
S’ya na kasi ang tumayong breadwinner ng kanilang pamilya at sumuporta sa kanyang mga kapatid.
Ganu’n pa man, hindi umano n’ya makakalimutan ang naging bilin sa kanya ng nanay n’ya noong nabubuhay pa ito.
“Sabi ng mommy ko, ‘Lagi kang magtitira ng para sa’yo.’ Sabi n’ya ’yon,” pagre-recall n’ya.
Nagpakita rin umano ito sa panaginip n’ya kaya’t nakapag-usap umano sila.
“[Napanaginipan ko s’ya]. Bumukas ang pinto. ‘Oh, ’di ba? Bongga!’ ’Yon ang sabi,” pagbabahagi n’ya habang na nakataas ang kamay na s’yang nakita umano n’yang ginawa nito.
“Parang gustong sumayaw, ’di ba? ‘Hindi ba bongga?’ sabi n’yang ganu’n,” patuloy na lahad ng seasoned actress.
“Naloka ako. Sabi ko, ‘Mommy, hanggang d’yan [sa kabilang buhay] bakla ka pa rin. Nakakahiya,” saway umano n’ya dito na ikinatawa ng press people.
“Nakataas talaga ’yong [braso n’ya] parang si Dick [Roderick Paulate]. Ganu’n po,” sabi pa n’ya habang inuulit ang umano’y hand movements ng late mother niya.
Pakiwari ni Maricel, paraan iyon ng nanay n’ya para sabihin sa kanya na iwasan n’ya ang pag-iisip nang hindi magaganda.
“Gusto lang n’ya isipin ko magaganda. Ayaw ko na isipin ’yong ano kasi hindi ’yan matatapos e,” aniya.
Hanggang ngayon kasi, tila ramdam pa rin n’ya ang sakit na mawalan ng isang ina.
“Kasi ito, [sinasabi nila], ‘You just have to get used to it.’ Ang hirap naman nu’ng ‘You just have to get used to it,’” pangre-real talk ni Maria.
“‘Marami naman bagay na [p’wedeng pagtuunan ng pansin].’ Ha? Nanay ko ’yon e. Paano kang ‘Get used to it,’ ’di ba?”
Sabi pa n’ya, kung sakaling kapiling pa rin nila ang nanay n’ya ngayon ay bubusugin raw niya ito ng pagmamahal.
“Kung nabubuhay pa ang mommy ko ngayon, sabi ko, lahat ng gusto n’ya ibibigay ko. Lahat pati buhay ko. Ganu’n ko ka-love ang mommy ko,” emosyonal na pagtatapos niya.
Mapapanood si Maricel sa family drama movie na In His Mother’s Eyes, kasama sina Roderick Paulate, LA Santos, Ogie Diaz, Ruby Ruiz, Vivoree Esclito, and more, starting November 29 in cinemas nationwide.
YOU MAY ALSO LIKE:
Maricel Soriano, proud sa friendship nila ng ex-husband na si Edu Manzano
Newbie actor na si LA Santos, proud Mama's Boy; proud din na hindi siya natarayan ni Maricel Soriano
Eric Quizon sa hiling ni Maricel Soriano ngayong Pasko: “Ang hirap naman ng gusto mo.”
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber