Marian Rivera, binistong mas madalas "mangalabit" si Dingdong

Sa pagto-throwback  ni Marian Rivera with Boy Abunda, sinabi niyang hindi umano sila magkasundo ni Dingdong Dantes noong panahon ng MariMar at naging slightly friends lang sa set ng next teleserye nilang Dyesebel. Hindi niya inakala na si Dong pala ang nakatadhana sa kanya.

PHOTOS: @MarianRivera on Facebook

Sa pagto-throwback ni Marian Rivera with Boy Abunda, sinabi niyang hindi umano sila magkasundo ni Dingdong Dantes noong panahon ng MariMar at naging slightly friends lang sa set ng next teleserye nilang Dyesebel. Hindi niya inakala na si Dong pala ang nakatadhana sa kanya.

Nakakaaliw ang pa-throwback at naughty revelations ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera tungkol sa kanila ng mister n’yang si Dingdong Dantes.

Naganap ito nang sumalang s’ya as celebrity guest sa first-ever episode ng Fast Talk with Boy Abunda na ipinalabas kahapon, January 23.

Isa nga sa napag-usapan nila ng nagbalik-Kapusong si Boy Abunda ang unang pagtatambal nila ni Dingdong sa remake ng Mexicanovela’ng MariMar noong 2007.

Sentimental si Marian pag ang teleseryeng ito ang pinag-uusapan dahil ito ang nagbukas ng maraming opportunities sa kanya sa showbiz. Ito rin ang naging simula para bansagan s’ya bilang Kapuso Primetime Queen, at s’yempre, naging daan din ang MariMar para makilala niya si Dong na husband na n’ya ngayon. 

Seryoso kaming dalawa dito sa MariMar kasi parang ang alam ko ito ’yong big break din n’ya sa soap [opera]. Ako din, concentrated din ako sa character ko na…ayokong biguin ang GMA. So, parehas kaming naka-focus sa trabahong ito, na hindi namin inaakala na tatangkilikin s’ya ng mga tao,” lahad ni Marian sa Fast Talk.

Pero pag-amin n’ya, nag-iisnaban daw sila noon sa set habang ginagawa nila ang nasabing teleserye. Natanong kasi ni Tito Boy kung paano ang relasyon nila ni Dong that time. 

“Wala,” diretsahang sagot ni Yan na tila kanya ring ikinahiya. “Ano kami, e… Medyo hindi kami magkasundo sa MariMar. Hindi kami nagpapansinan. Maldita kasi ako, e.”

Kapwa sila natawa ni Boy sa pagpapakatotoo n’ya. 

Naging “slightly” friends naman daw sila ng actor-TV host bago matapos ang kanilang primetime show.

Kuwento pa n’ya, nainis daw s’ya noon kay Dong nu’ng sinabihan s’ya nitong suplada umano s’ya noong nagtambal sila for the second time sa fantasy series na Dyesebel.

“May mga pagkakataon na hindi ko makakalimutan... Nu’ng panahon ng Dyesebel, sabi n’ya sa akin, ‘Ang suplada mo naman. Tini-text kita, hindi ka nagre-reply. Siguro naka-prepaid ka lang.’ Nagalit talaga ako. Kasi ang totoo nu’n, naka-prepaid lang talaga [ako],” natatawang pagbabalik-tanaw pa rin ni Marian.

“E, nasa isla kami nu’n sa Palawan. Bumili ako ng maraming [prepaid] cards. Pag wala na akong [load] pupunta ako sa dulo, nagka-kaskas ako para mag-load ako. So, affected ako sa sinabi n’ya na ‘Siguro naka-prepaid ka lang’ kasi totoong naka-prepaid ako nu’n,” pagpapatuloy n’ya.

“Tapos sabi ko, ‘Pag sumuweldo ako, magla-line na ako.’ So, naka-line na ako nu’n after. May ganu’n kaming pagkakataon [ni Dong].”

To cut the long story short, sila rin ang nagkatuluyan at nauwi sa kasalan na at present nhga ay biniyayaan na ng dalawang supling. 

At dahil pareho silang attractive ni Dong at hindi maiiwasang may titingin at titingin sa kanila, nausisa ni Tito Boy si Marian kung paano nila hina-handle ang selos. 

“Meron kaming heart-to-heart talk. Hindi ’yon nawawala sa amin at hindi nawawala sa amin ang date namin every month. Kailangan meron talaga kaming ganu’n. kailangang nag-uusap kami [kung] ‘Anong problema, anong masaya, anong nangyari sa’yo?’” lahad ng aktres.

“Siguro in a relationship magandang open kayo sa isa’t isa. Ako, very vocal ako, Tito Boy, e. Pag may nararamdaman ako, on the spot sasabihin ko sa kanya. ‘Ay, ayoko ito.’ ‘Ito ’yong nararamdaman ko,’” pagbabahagi pa n’ya.

“So, alam na n’ya kung paano i-handle. At si Dong kahit hindi s’ya magsalita, sa tagal ng pagsasama namin, nababasa ko na s’ya. So, alam ko pag may problema s’ya, alam ko pag masaya s’ya. Palagi kaming… in a way, sensitive kami sa isa’t isa lalo na sa nararamdaman namin.”

Sa puntong ito ay naging naughty na ang question ni Tito Boy at tinanong nito si Marian kung sino ba sa kanila ni Dong ang unang nangangalabit tuwing “may pangangailangan.”

Dito ay saglit na natigilan at natawa muna si Yan bago s’ya nakapagsalita.

“Parang ano…parang parehas kami. Hahaha!” natatawang sagot n’ya.

“Sino ang mas madalas?” pag-uusisa pa ni Tito Boy.

“S’ya!” mabilis na sagot n’ya sabay tili. “S’ya talaga.”

Agad na kambyo n’ya, malambing lang daw talaga kasi ang kanyang mister na malayo sa imahe nito on TV. 

“Very ano kasi si Dong…napaka-sweet na tao. At ang maganda kasi kay Dong, kahit ganu’n ’yong nakikita n’yo sa kanya, pero sa totoong buhay sobrang lambot n’ya na tao. Sobrang lovable talaga,” pagbibida ni Marian sa kanyang asawa. 

“At saka ’yong comedy n’ya, pag nagpapatawa s’ya, nakakatawa kasi parang hindi tuma-timing ’yong pagdyo-joke n’ya…na doon ako tawang tawa. Alam n’ya kung paano ako paligayahin…literal,” dagdag pa n’ya.

At nang matanong pa s’ya kung ano ba ang immediate plan nilang mag-asawa, kung nagpaplano ba sila for their third baby o magbabalik-trabaho muna s’ya. 

“All of the above,” matapang na sagot n’ya.

Hiling naman daw talaga n’ya na makabuo pa sana ng isa pang anak pero depende daw iyon kung ipahihintulot ng Itaas. 

“Talagang minsan, susubukin ka din at sasabihin ng Panginoon na S’ya talaga ang makapangyarihan. Kahit anong plano mo, kung hindi ibibigay sa’yo, hindi. So, kung ano'ng plano ni Lord sa amin, kung bigyan kami ng pangatlong pagkakataon, why not?” ani Marian.

“Pero kung hindi, hindi na masama, Tito Boy. Meron akong Sixto at Zia…na super happy naman namin.”

Pero kung may sigurado man daw, ito ay ang pagbabalik n’ya sa paggawa ng teleserye na ipapalabas daw ngayong taon. 

“And sa work, talagang hinahanap ko na din talaga. Kaya abangan n’yo po ang pagbabalik ko ngayong 2023. Nag-promote!? Nag-promote na... Itong year na ito. Totoo na po ito. Totoo na po ito!?” pagtatapos ni Marian.

 

YOU MAY ALSO LIKE:

Marian Rivera, napaluha nang balikan ang panahong lumalaki s’yang malayo sa kanyang Spanish father at OFW mother

Christmas wish ni Marian Rivera: “To get pregnant.”

Marian Rivera turns business relationship into friendship

 

FOLLOW US ONLINE: 

Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz

Twitter: twitter.com/pikapikaph

Instagram: instagram.com/pikapikaph/

YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz

TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/

and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.