Sa storycon ng bagong historical film na Apo Hapon na ididirehe ng premyadong director na si Joel Lamangan, ramdam ang sobrang excitement ng Kapuso actress na si Lianne Valentin, na isa sa napiling maging miyembro ng cast.
Aniya, nakatrabaho na raw niya noon ang magaling na direktor na madalas na kinaiilagan ng mga baguhan dahil marami nang natalakan.
Katunayan, may hindi raw siya makakalimutang karanasan sa pakikipag-trabaho kay Direk Joel noong bata pa siya.
“Noong bata pa ako, pinaiyak niya ako," bungad na rebelasyon niya. "Kasi di ako maka-iyak sa eksena. So, hirap na hirap akong umiyak kahit isipin kong inaaway ako ng nanay ko...di talaga ako maka-iyak kasi bata pa ako noon, e. Tapos, hinead set niya ako. Tapos, pinuntahan niya ako sa set. Tapos palakad pa lang siya, umiyak na ako [sa takot]. Bumalik na siya kasi napa-iyak na niya ako, naglalakad pa lang siya."
Ngayong adult na raw siya, aware siyang marami pa siyang matututunan sa multi-awarded director.
“Ngayon ko lang siya makaka-trabaho ulit. So far, merong konting kaba. Pero alam ko na how he works based sa experience ko. Pero alam kong may matututunan pa ako since it’s been years but I’m very excited to learn from him,” bulalas niya. “Hindi naman siya iyong tipong nagagalit na walang dahilan. He just wants you to excel,” dugtong niya.
Sobrang excited din daw siya sa kanyang role sa maiden offering ng GK Productions.
“I play Vanessa, jealous ex-girlfriend pero hindi siya kontrabida. Of course, kumbaga, may depth iyong character ko rito. I’m a teacher, co-teacher ko si Reyson (played by JC de Vera). Mature woman also na may alam din sa history and all and really wants to help Reyson.
"Masasabi ko ring medyo mataray siya rito kasi nga ba naman, the jealous ex-girlfriend but, I believe na may talagang depth din iyong character," patuloy niya. "May kahahantungan din siya why. Why siya ganyan? So far, hindi ko pa masyadong nababasa iyong script. I mean, ngayon lang naging clear sa akin sa storycon kung ano talaga ang role ko and I’m looking forward to know more about it."
Kahit fictional ang pelikula, proud daw siya na maging bahagi ng isang obrang tumatalakay sa kasaysayan ng bansa.
Ang Apo Hapon ay kuwento ng isang sundalong Hapon na si Kazuo Toro na miyembro ng Japanese Imperial Army na iniwan ang kanyang hukbo upang mamuhay kasama ang mga Igorot sa Norte at tulungan sa kanilang pamumuhay.
Ang kuwento ay mula sa punto de vista ng apo sa tuhod ng Kazuo na si Miyuki (Sakura Akiyoshi), isang doktor na pumunta sa Cordilleras para hanapin at magsiyasat tungkol sa kanyang nawawalang lolo.
Kasama niya sa kanyang pananaliksik si Reyson Olsim, isang Igorot native, historian at consultant ng National Historical Commission.
Ang kuwento ng batang Apo Hapon ay ilalahad ni Lola Flora Bomasang (na gagampanan ni Perla Bautista) na sa tunay na buhay ay 96 years old na at asawa ng best friend ng nasabing WWII deserter-turned-pacifist.
Sa ngayon, excited na raw si Lianne kung paano niya bibigyan ng kakaibang atake ang kanyang role.
“Actually, di ko pa rin alam ang physicalities ng character," pagpapaka-totoo niya. "Ano ba'ng kailangan, sosyal ba siya rito? Mayaman ba siya? So, hindi ko pa rin masabi kung anong preparasyon. Ang gusto ko is to know more about the history ng mga Japanese sa Pinas and 'yong World War II. Kasi iyon ang pinaka-relevant sa movie na ito.
"It’s a historical film. Ang pangit naman kung wala ka ring alam sa movie na ginagawa mo. Iyon 'yong assignment ko for now, to watch like documentaries…” esplika niya.
Sa pelikula, ipakikita rin ang pagkakaibigan ng isang Hapon sa mga Pinoy na umampon sa kanya at binago ang kanilang pamumuhay.
Aniya, natutuwa raw siya na naiiba ang pelikula dahil kakaiba ang ipinakikita nito sa mga pelikulang nagawa na tungkol sa relasyon ng mga Pinoy sa mga Hapon lalo na noong World War II.
Nakaka-relate rin daw siya sa magandang katangian na ito ng mga Hapon.
“I’ve been to Japan last 2018. What I like best sa kanila ay 'yong food talaga. Iyong culture ng Japan is very, alam mo iyon, grabe silang magrespeto rin sa other cultures. Super, pagdating sa morals and values nila,” papuri ni Lianne.
“Di ba nga, may experience ako na lahat ng pinamili ko, naiwan ko sa Starbucks. Nakalimutan ko na may dala pala ako. Tapos naalaala ko lang like after three hours kung saan ko siya iniwan. Pagbalik ko, nandoon pa rin kung saan ko siya iniwan. Nakita ko rin kasi kung gaano sila ka-disciplined. Pagtawid pa lang hinihintay nila bago mag-go ang light. So, doon, makikita mo kung how disciplined and respectful sila. Iyon ang isa sa kinabibiliban ko sa Japanese culture, kung gaano sila ka-disciplined,” pahabol niya.
First time rin niya na may makatrabahong foreign actors kaya excited na siya sa kanyang magiging karanasan.
“Kasi iba ito, movie ito, hindi ito like a teleserye. May mga Japanese actors pa tayong kasama. You really need to prepare in terms of like hospitality. Dahil ikaw iyong Pinoy, kailangang ikaw iyong mapagbigay. Kailangan nating iparanas na ganito tayong mga Filipino. Kasi sila they’re trying to be hospitable… how they greet us. Kung ano 'yong pinararamdam nila sa atin, kailangang ganoon din natin ibabalik sa kanila,” pagtatapos niya.
Kasama rin sa cast sina Fumiya Sankai (dating PBB constestant) bilang batang Kazuo at Nella Dizon bilang Lorena Guirey, ang Igorotang naging asawa ni Kazuo.
Nasa supporting cast din sina Jim Pebanco, Marcus Madrigal, Rico Barrera, at Prince Clemente.
Ayon naman kay Direk Joel, ang pelikula ay tribute sa magandang relasyon ng Pilipinas at Japan.
“Noong panahon ng giyera, maraming pinatay ang mga Hapon,” ani Direk Joel. “Pero sa ngayon, napakaraming mga kababayan natin ang nabubuhay sa tulong ng mga Hapon, sa dami ng OFWs natin sa Japan at ang Japanese businesses that give jobs to many Filipinos dito mismo sa ating bansa,” dugtong niya.
Si Lianne ay kasalukuyan ding napapanood sa GMA teleseryeng Royal Blood na pinagbibidahan ng Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes.
YOU MAY ALSO LIKE:
Matapos maging “sexy mistress,” Lianne Valentin, excited sa bagong wholesome role
Lianne Valentin, ayaw mag-boyfriend para hindi masira ang focus sa career
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber