Kris Aquino, deadma sa “lies and intrigues” na banat ng anak ni Tarlac Mayor Cristy Angeles sa kanya; designates Angel Locsin as her official representative sa mga campaign sorties ni VP Leni

Sa Tarlac campaign sortie ng tambalang Leni-Kiko ibinulgar ni Kris Aquino na si Angel Locsin-Arce ang magiging representative niya sa pag-iikot nina VP Leni at Sen. Kiko sa bansa dahil aalis siya patungong Amerika para magpagamot. Bagay na hindi raw pinag-dalawahang-isip ni Angel. “Hindi pinag-isipan, sabi n’ya, ‘Of course, ate, ako ang gagawa para sa’yo,’” k’wento pa ni Kris. Samantala, may banat ang anak ni Tarlac Mayor Cristy Angeles na si Anvi Angeles (inset) sa mga naging parinig ni Kris sa una, during the Tarlac campaign sortie. Sa ibang partido kasi nakapanig ang mga Angeles at noong gabing ’yon, namutawi sa bibig ni Kris ang mga katagang “walang utang na loob,” pertaining to the mayor, whom she did not name but the crowd chanted her name anyway.

Photos: VP Leni Robredo Facebook Page / Anvi Angeles Facebook Page

Sa Tarlac campaign sortie ng tambalang Leni-Kiko ibinulgar ni Kris Aquino na si Angel Locsin-Arce ang magiging representative niya sa pag-iikot nina VP Leni at Sen. Kiko sa bansa dahil aalis siya patungong Amerika para magpagamot. Bagay na hindi raw pinag-dalawahang-isip ni Angel. “Hindi pinag-isipan, sabi n’ya, ‘Of course, ate, ako ang gagawa para sa’yo,’” k’wento pa ni Kris. Samantala, may banat ang anak ni Tarlac Mayor Cristy Angeles na si Anvi Angeles (inset) sa mga naging parinig ni Kris sa una, during the Tarlac campaign sortie. Sa ibang partido kasi nakapanig ang mga Angeles at noong gabing ’yon, namutawi sa bibig ni Kris ang mga katagang “walang utang na loob,” pertaining to the mayor, whom she did not name but the crowd chanted her name anyway.

Marami ang nagtaka kung bakit pink heart-shaped ang entablado sa ginawang campaign rally nina VP Leni Robredo at Senator Kiko Pangilinan na ginawa sa Tarlac nitong nakaraang Miyerkoles, Marso 23.

Naramdaman kaya ng mga organizers ng sortie na darating si Kris Aquino na siyang naging special guest sa nasabing sortie nina VP Leni at Senator Kiko para sa kanilang kandidatura sa pagka-presidente at bise presidente ng Pilipinas sa darating na May 9, 2022 elections. Kilalang mahilig sa heart-shape ang tinaguriang Queen of All Media.

Nagulat nalang kasi ang mga Tarlakenyos ng gabing iyon sa pagsulpot ni Kris kasama ang dalawang anak na sina Joshua at Bimby dahil alam naman ng lahat na may mga iniindang sakit ang una at mas kailangan nito ng sapat na pahinga bilang paghahanda sa ikatlong Xolair treatment niya sa darating na Linggo. Kapag consistent kasi na walang negatibong resulta ang treatment ay tuloy na ang pag-alis niya patungong Amerika kung saan mananatili sila ng ilang buwan para sa series medical tests na gagawin sa kanya.

Pero ayon na rin kay Kris nang magsalita siya sa entablado:  “I only found out yesterday na sa Tarlac pala ang rally ni VP Leni, so sabi ko, ‘I’m going and nobody can stop me.’

Kung matutulak sa Amerika, iyon na ang huling tsansa niya na maikampanya nang personal ang kanyang kandidato. Kaya bagama’t hirap sa pagsasalita si Kris ay hindi pa rin niya napigilang maghayag ng damdamin.

“Kung alam n’yo lang ‘yung nerbyos na binigay ko sa lahat pero I said for my dad, the Filipinos are worth dying for. 

“Para po sa akin ang umapak dito sa Tarlac is worth all the risks dahil kailangan ko pong magpasalamat.

“Hindi ninyo kami iniwan. Hindi ninyo kami pinabayaan.  Well, kayo except for you know who?”

Naghiyawan ang lahat sa sinabing ito ni Kris dahil kahit na wala siyang binanggit na pangalan ay alam ng publiko kung sino ang tintutukoy nito—ang incumbent mayor ng Tarlac na si Cristy Angeles na balitang naka-suporta umano sa kalaban nilang kandidato.

At inamin nga niya na nabubuwisit siya kaya’t kahit na binilinan siyang huwag makipag away ay hindi pa rin siya nagpa-awat.

“I’m sorry na hindi ako ’yung mabait na Aquino. Ako lang po ang ganito sa pamilya na sasabihin ang totoo dahil nakaka-buwisit talaga ’yung walang utang na loob! 

“Pero dedma na ro’n.  Let’s focus sa importante, di ba?” kambiyo niya.

At sa puntong iyon na niya inilatag ang mga dahilan kung bakit despite her medical condition ay nandoon siya sa Tarlac sortie.

“Why am I here?  Nandito ako dahil mahal na mahal ko ang pamilya ko. Kung hindi dahil sa Tarlac, walang Benigno S. Aquino, Jr. That would be my dad na ipinanganak sa Concepcion, nag-mayor, nag vice governor, nag-governor at nag-senador dito mismo sa 2nd district,” balik-tanaw ni Kris.

At nabanggit din ng mommy nina Josh at Bimby na sa nasabing distrito rin nagsimula ng political career ng nasirang kuya niya na si PNoy na ibinoto ng mga taga-Tarlac bilang congressman noong 1998. At sa mga taong 2001 hanggang 2004 ay walang lumaban sa narating nito ang pagka-presidente ng bansa dahil pinagkatiwalaan siya ng mamamayan noong 2010.

“Ako po ang unang nag-endorse kay VP Leni nu’ng 2016,” pagpapatuloy niya. “Why did I dot it? Kasi may utang na loob ako kay Mayor Jess na naging Secretary Jessie [Robredo].

“Inelegant niya ako nu’ng kampanya ni Noy [sa pagka-presidente].  Medyo naging love-hate ang relasyon namin dahil minsan sa isang araw 22 ’yung slots na nilalagay niya sa schedule ko. Pero ang importante nanalo. So, nu’ng namatay siya [Jessie], it also broke my heart.

“And noong tatakbo na si Congresswoman Leni, pumunta talaga ako ng Naga at kinampanya ko siya to be congresswoman.  Naniniwala kasi ako na kung sino ’yung sinuportahan mo sa umpisa, hanggang sa dulo dapat nandoon ka.”

Inilahad din ni Kris kung bakit gustong-gusto niya si VP Leni.

“Actually, alam n’yo po kung bakit ko siya [VP Leni] talaga gusto? Kasi I judge a person base on the fact na nanay ako...nanay siya, ang ganda ng pagpapalaki sa mga anak niya.

“Lahat masisipag... ’yung tatlong daughters, lahat sila magalang, madasalin. Meron pong magiging doctor, merong isa na naka-scholarship sa New York, ’yung oldest pa, nag-masters sa Harvard. Hindi peke!” banat niya na ikina-hiyaw ng mga tao.

At nang ikuwento niya na paalis siya patungong Amerika para magpagamot, sumigaw ang crowd ng: “Laban, Kris!”

Na agad niyang sinuklian ng sagot na: “Of course, para po sa inyo, para sa dalawa [kong anak], at para sa mga excited na mamatay ako, s’yempre lalaban.”

At that point ay binanggit niya sa mga taga-Tarlac na meron siyang surpresa. Saka niya tinawag at pina-akyat sa stage ang kaibigang si Angel Locsin na noon ay naka-halubilo sa crowd, gaya ng ginawa nito sa Pasig sortie.

Pinagbigyan ni Angel ang kanyang Ate Kris dahil ang nais daw nito ay magbigay-pugay ang tinaguriangreal-life Darna sa mga Tarlakenyos.

“Bihira lang po ako aakyat sa stage kasi hindi naman po ako talaga sanay umakyat sa stage. Kahit artista ako, mas gusto ko kasama ko po kayo sa crowd,” pagpapaliwanag ng aktres.

“Kaya po ako lumabas dito dahil naniniwala po talaga ako kay VP Leni na kahit na ano’ng ibato ninyo sa kanya, sabihin na natin lahat ng intriga, lahat fake news pero walang makaka-deny na sa lahat ng bagyo, sakuna, pandemya, hindi niya tayo pinabayaan.”

At doon na rin ibinulgar ni Kris na si Angel ang magiging representative niya sa pag-iikot nina VP Leni at Sen. Kiko sa bansa dahil aalis nga siya.

Bagay na hindi raw pinag-dalawahang-isip ni Angel.

“Hindi pinag-isipan, sabi n’ya, ‘Of course, ate, ako ang gagawa para sa’yo,’” k’wento pa ni Kris.

At dito na rin inamin ni Kris na kaya na kay VP Leni ang puso niya ay dahil sa kasimplehan nito.

“I will reveal a secret because alam n’yo naman ako, madaldal. Noong namatay po si Noy, may sulat akong nabasa na in-address niya kay VP Leni,” muling pagbabalik-tanaw ni Kris. “Hindi po naipadala ito and I will not reveal kung ano ang ibang laman niyon dahil confidential na ’yon... pero mayroong isang paragraph na talagang tumama sa puso ko.

Sinabi ni Noy...sa lahat, meaning parang sinasabi niya sa lahat ng kapartido,Sa’yo ko nakikita na iisa ang pananaw, iisang ang vision...’

“In other words, sinabi ni Noy na, ‘Sa’yo ko nakikita ’yung sincerity at ’yung ability na unahin ang mga tao bago ang sarili.’

Alam n’yo po, noong nabasa ko ’yon, sinabi ko sa sarili ko, ‘You have to fight for her dahil sa kanya bilib si Noy. And totoo naman, marami silang qualities na pareho.”

At ang mga pagkaka-pareho nga raw nina PNoy at VP Leni ay ’yong kahit na anong fake news ang ibato ay hindi pumapatol, hindi laging nagpapa-picture, at ang pinaka-importante ay kagaya raw ito ni PNoy na sa matuwid na daan nais lumakad at walang intension na nakawin ang pera ng taumbayan.

Kagaya rin daw ni PNoy, nanatiling napaka-simpleng tao lang ni VP Leni na kahit nahalal ng bise president ay hindi pa rin iniwan ang simpleng Bahay nitong tinitirhan.

Sa puntong iyon, hiniling daw niya sa mga organizers na sa kanya ibigay ang privilege na siya ang magpakilala kay VP Leni para iharap sa mga Tarlakenyos.  

At sa kanyang pag-introduce dito, sinabing niya: “Our future President... because the last man standing will be a woman!”

Samantala, habang sinusulat namin ito ay bumuwelta na kay Kris ang anak ni Mayor Cristy Angeles na si Anvi Angeles.

Sa pamamagitan ng Facebook, tila may gigil na inilahad ni Anvi ang saloobin sa mga parinig ni Kris sa Leni-Kiko Tarlac sortie na may kinalaman sa kanyang inang mayor na bagama’t hindi pinangalanan ni Kris ay natukoy na ito ay ang kanyang ina dahil na rin sa chant ng mga taong naroroon.

Inalmahan ni Anvi ang “walang utang na loob” na paratang ni Kris sa entablado.

“Ms. @krisaquino , we would like to know kung ano po ang ‘utang na loob’ ng family namin na binabanggit niyo?” direktang pag-a-address ni Anvi kay Kris sa kanyang Facebook post.

Ani Anvi, mataas ang paggalang ng pamilya niya sa pamilya Aquino, pero wala umano siyang matandaang pagkakataon na nanghingi sila ng pabor sa mga Aquino. Kung tutuusin daw ay it’s the other way around.

“Since the beginning, we had high respects for your family. Sa amin pong pagkaka-alam, never did we ask for any help or favor from your family. Ilang beses po humingi ng tulong si Ma’am Cory sa family namin since PNoy ran for Congress and Senate. And when he ran for president, my mom was tasked to be the provincial conveyor under the People Power Volunteers for Reform here in the province of Tarlac.

“Wala po kaming hiningi ng kahit anong tulong o pabor (pinansyal man o trabaho) na kapalit sa pamilya ninyo. Ito po ay sa kadahilanang mataas ang aming respeto sa inyong ina.”

Piping-saksi umano siya sa mga naging sakripisyo ng kanyang mga magulang para sa Aquino family.

“I was a silent witness to the sacrifices, kapaguran at malasakit ng parents po namin sa family niyo po.”

Para kay Anvi, malisyo ang pagkaka-atake ni Kris sa kanyang ina at nais niya raw putulin ngayon palang ang mga kasinungalingan at pangma-malign ni Kris sa “small city mayor” like her mom.

Dahil kung mayroon man daw totoo, hindi sa mga Aquino kundi sa tiyuhin niyang si Danding Conjuangco may utang na loob ang kanyang pamilya.

“But for you to maliciously accuse my mom in public of ‘walang utang na loob,’ I cannot let your lies & intrigues malign my mom just for the political mileage of your candidate. We owe it to Boss Danding and Cong. Henry Cojuangco when they encouraged my mom to run for Board Member and then city mayor under the NPC. Apparently, hindi po niyo alam ang nangyayare dito sa Tarlac City.

“For me, this is not the style of a Grand Rally Campaign for a presidential candidate that a national figure like you to be personally attacking a small city mayor like my mom.

“Kahit ganito Lang po kami kaliit na tao, marami pa rin naman po ang naniniwala, nagtitiwala, at rumerespeto sa aking ina lalo na po sa kanyang karakter at kakayahan.”

Huling hirit pa ni Anvi kay Kris: “Siguro po naturuan din kayo ng tamang pag-uugali ng magulang po ninyo. We hope and pray that whatever hatred, anger, and jealousy inside your heart and mind will be replaced with kindness, love, and patience. Praying for God’s enlightenment.”

At press time ay wala pang sagot si Kris sa pahayag na ito ng anak ni Tarlac Mayor Cristy Angeles.

 

Ms. @krisaquino , we would like to know kung ano po ang “utang na loob” ng family namin na binabanggit niyo? Since the...

Posted by Anvi Angeles on Wednesday, March 23, 2022

 

YOU MAY ALSO LIKE:

Kris Aquino, may patama kay “ex”: “...hindi marunong tumupad sa mga pinangako.”

Pika's Pick: Kris Aquino and sons Josh and Bimby make a surprise appearance at the Tarlac leg of the Leni-Kiko campaign sortie

“Be kind to everyone, including your ex” statement ni Ruffa Gutierrez sa Instagram, sagot ba niya sa mga patutsada ni Kris Aquino sa Tarlac?

 

FOLLOW US ONLINE: 

Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz

Twitter: twitter.com/pikapikaph

Instagram: instagram.com/pikapikaph/

YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz

TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/

and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.