Katya Santos at fiancé na si Paolo Pilar, mas uunahin ang magka-baby kesa sa pagpapakasal

Bukod sa nakaka-stress ang pagha-harvest ng egg cells for IVF para magka-baby, inamin ni Katya Santos na nakakapanglumo rin umano ang gastos para dito.

PHOTOS: @simplykatya on Instagram

Bukod sa nakaka-stress ang pagha-harvest ng egg cells for IVF para magka-baby, inamin ni Katya Santos na nakakapanglumo rin umano ang gastos para dito.

Wala pa umanong ginagawang paghahanda sa kanyang kasal ang aktres na si Katya Santos dahil mas priority daw nila ng fiancé n’yang si Paolo Pilar ang magka-baby.

Iyan ang inilahad n’ya nang makausap namin s’ya kamakailan right after ng grand media conference para sa upcoming movie nila na Sunny.

Kinumusta kasi s’ya ng entertainment press sa buhay n'ya ngayon after n’yang mag-engage nitong nakalipas na January.

Dito naikuwento ng former Viva Hot Babes member na mas uunahin daw nila ng non-showbiz partner n’yang pagbuo ng anak bago ang pagpapakasal.

Wala pa. Actually, inuuna kasi namin magka-baby,” pagre-reveal ng aktres.

Katunayan, naka-IVF o in vitro fertilization s’ya ngayon dahil medyo hirap na rin umano s’yang magbuntis dahil sa kanyang edad.

“Right now, I’m with the process of IVF…we started last year. S’yempre, with my age, I’m already 42 so we prioritized na mag-baby muna more than the wedding,” paliwanag n’ya.

Kaya naman wala pa raw s’yang maibibigay na detalye tungkol sa magiging kasal nila ni Paolo.

“So, honestly wala pa talaga. Hindi pa talaga namin naiisip ’yong kasal kasi nga parang hindi lang namin napag-uusapan,” ani Katya.

Itong ring na ito….the engagement happened lang because my partner lang wanted to really assure me —dahil nga mahirap ’yong pinagdadaanan namin sa IVF—na nandito s’ya. Whatever happens magpapakasal kami, build a new family,” she went on.

“So, ’yon lang naman ’yong reason talaga and, s’yempre, para makasal din talaga. But mostly because of IVF kasi grabe talaga ’yong pinagdadanan namin sa kanya. Sobrang hirap din kasi.”

Matagal na rin umano nilang sinusubukang magka-anak pero palagi raw silang nabibigong makabuo.

“Yes, oo, matagal na kami nagta-try mag-baby kaya lang hindi talaga religiously trying. Hindi kami nagpapa-check. Parang inisip ko lang kasi nu’ng before 40 [years old] parang, ‘Wala naman akong problem kasi may [first] baby naman na ako.’ Ganyan,” sabi pa n’ya.

Pero hindi lang daw s’ya aware na may problema na rin pala sa health n’ya kung bakit hirap s’yang mabuntis. Hindi lang umano n’ya ito nararamdaman.

“Again, nu’ng nagpa-check ako, parang doon lumabas lahat so na-realize ko hindi pala porket wala kang nararamdaman, e, wala kang problema,” sey ni Katya.

“Kasi I know I’m perfectly healthy. Wala naman akong ginagawa. Nag-e-exercise ako, healthy living… But then, pag sa babae pala, dapat pala regularly nagpapa-check ka,” pagpapatuloy n’ya.

“So, we found out I have myoma… Ang daming underlying issues and then medyo mababa na ’yong ovarian reserve ng eggs. That's why we opted for an emergency IVF. So, simula nu’ng ma-check yon hanggang ngayon nag-a-IVF kami.”

Sa ngayon, nakakalimang harvest na raw sila ng egg cells n’ya.

“We had already five harvest. So, meron na kaming dalawang embryo. And hopefully this July, i-implant na s’ya,” pagbabahagi pa ni Katya.

Pero need pa raw muna n’yang maoperahan sa kanyang reproductive organ.

Kailangan pa nga ako ulit operahan for the myoma and the endometriosis kasi ang dami, e. Kasi, s’yempre, alam mo ’yon pag-turn na ng 40’s, ’di ba, ang babae lumalabas na ’yong mga sakit,” she shared.

Hindi ko alam kaya sabi ko, ‘Wala naman akong nararamdaman pero ’yon na nga.’ ’Yon ’yong sad but naayos naman. So, hopefully, by July, tatapusin ko lang ’yong isang show ko na gagawin, and then implant na namin.”

Ganito s’ya kapursigido dahil gusto raw n’yang mabigyan ng anak ang kanyang partner. Also, naghahanap na rin umano ng kapatid ang daughter n’ya from her former husband.

“Yes, gusto ko pa talaga magkaroon ng isa pang baby. Kasi ’yong daughter ko ngayon is already 10 years old and, s’yempre, naghahanap na rin ng kapatid at saka, at least dalawa lang. Isa pa… isa na lang,” saad n’ya.

At s’yempre, para may baby din kami together [ni Paolo], ’di ba? At least, lalaki man lang or babae, kahit ano basta dalawa lang. At least dalawa sila, magkaroon kami ng anak.”

Kung hindi raw kasi n’ya ito gagawin ngayon ay higit na mahihirapan s’yang gawin ito sa mga susunod na mga taon. 

“Kasi ano na rin, e, ang hirap na rin ipilit kasi 42 na ako. Baka hindi ko na rin kayanin magkaroon pa ng ilan pa, ’di ba? Kung mabuo ’yong dalawa, e ‘di kambal sila. ’Yon na lang ’yong pinagpi-prayer namin,” pagpapakatotoo ng aktres.

Ipinaliwanag din ni Katya kung gaano ka-challenging at kaselan ang magbuntis through IVF.

“Actually, sa five harvest dalawa lang ’yong… kasi every harvest tatlong eggs lang ’yong nakukuha tapos hindi successful ’yong iba. Minsan walang nagiging success,” pagbabahagi n’ya.

“So, sa limang times na nag-harvest ako, dalawa lang ’yong magandang embryo namin na p’wedeng ilagay sa akin. Of course, pag in-implant sa’yo, hindi s’ya 100 percent granted na mabubuo,” she continued.

Laging usually, at first, may iba hindi nabubuo talaga, ’di ba? Failed. So, hopefully, we’re praying na ’yong dalawang ilalagay, mabuhay s’ya or kahit isa sa kanila mabuhay para sure na merong isa.

Iba rin daw ang epekto ng prosesong ito sa katawan ng isang babae. 

 “Grabe, grabe talaga. Kailangan matibay ka kasi since na nag-start kami…ano kasi s’ya, e, emotionally, mentally draining,” pagtatapat ni Katya.

Kasi isipin mo, mag-inject ka ng gamot para gumanda ’yong quality ng eggs mo tapos magha-harvest ka. So, [tuturukan ka ng] anesthesia, harvest, may pinapasok sa’yo, ’di ba? May tinatanggal,” pagpapatuloy ng aktres.

Parang kung iisipin mo ’yong katawan mo napo-force sa bagay na hindi s’ya natural, e, ’di ba?  Kasi pinipilit mong mag-produce ng eggs, e. Tapos pipilitin mong kunin, ’di ba? So, ganu’n s’ya.”

Dahil dito, nagiging unstable umano ang timbang pati na rin ang emosyon ng isang babae.

“So, ang effect n’ya sa katawan mo, tataba, papayat, tataba, papayat tapos emotionally…iiyak. Tapos ’yong iba, ’yong sa mga ibang friends ko, ano sila, monster. ’Yong nagagalit. buti nga ako naha-handle ko s’ya nang maayos,” she said.

Thankfully, hindi pa naman daw s’ya umanot sa point na nagalit s’ya nang todo. Hanggang iyak lang umano ang ginagawa n’ya.

Wala pa naman ako ’yong talagang galit. Iyakin lang ako ngayon. Kanina nanonood lang ako ng trailer, pinipigilan ko, naiiyak ako,” pagtatapat ni Katya.

Sabi ko, ‘Ano ba ito? Wag kang umiyak!’ Very, very sensitive ko ngayon. Konting bagay umiiyak ako palagi. Napakabawbaw na bagay, iyakin ako. Kasi nga hormones, e ’yong ini-inject mo,” katwiran n’ya.

Bukod pa roon, nakaka-stress din umano ’yong walang kasiguruhan sa pagbubuntis kahit na matinding effort na ang inilaan nila para sa mga procedures. 

Tapos emotionally…’yong feeling na ‘Magiging successful ba? Alam naman natin na itong mga bagay na ito ay hindi s’ya 100 percent granted. So, hindi natin kontrolado, hindi din kontrolado ng doctors, e.” sabi pa ng aktres.

“Of course, they’re doing their best but, at the end of the day, si God na lang talaga ’yong makakapagsabi kung talagang bibigyan ka N’ya. So, ’yong stress, na pe-pressure ako…na pe-pressure ako na parang, ‘Shocks! Sana successful. Sana maging okay,’” dasal n’ya.

Ngayon pa lang, inihahanda na raw ni Katya ang kanyang katawan para sa inaasam na pagbubuntis.

Nilalaban ko s’ya in a way na nagpapaka-healthy ako. Simula nu’ng nag-start ako, I stopped drinking, I stopped going out. Natutulog ako nang maaga, nagigising ako nang maaga,” lahad n’ya.

Nag-e-exercise ako everyday, yoga kasi low-impact exercises lang ’yong p’wede mong gawin. S’yempre, lahat ng mga healthy na pagkain na makakatulong sa fertility [ang isasama sa diet] tapos ang dami mong iniinom na gamot,” she went on.

Hindi naman sobrang strict [diet]. Pero ako, pinili ko na lang na mas maraming gulay. Like smoothie sa gabi, salad, bawas sa kanin, bawas sa meat, bawas sa mga processed food kasi nakaka-toxic sila sa eggs, e.

Inalis na rin daw n’ya ang kape at iba pang sugary drinks. 

Tapos coffee, masama din s’ya so ini-stop ko din ’yong coffee-anything caffeinate—softdrinks. Sugar, number one ang sugar sa nakakasira so hindi natin alam nakaka-harm pala sa mga eggs ’yon. So, ang dami mo palang kailangan sacrifice. Kung gusto mo talagang magka-baby itigil mo lahat ’yon,” aniya.

Bukod sa mga nabanggit, isa pa sa pinaka nakaka-stress sa IVF ay ang gastos.

Yon pa ang isa…financially. Super, duper, duper draining kasi costly s’ya. Oo, depende ito sa bawat babae kasi, like ako, since iba na nga ’yong case ko, since low ovarian reserve na ako, I needed to inject higher dosage of medicine," tuloy na pagre-reveal ni Katya.

Hindi raw biro ang presyo ng mga gamot na kailangan n’yang iturok.

“’Yong isang gamot lang will cost you about… ’yong isang box, ’yong isa lang na injection, P17,000.00. At isang injection lang s’ya sa akin. At gagawin mo s’ya ng 12 days,” pagshi-share n’ya.

Sa 12 days, hindi lang naman isang gamot ang ii-inject mo. Apat na gamot ’yan. Ang prices ng mga gamot may P17,000, may P14,000, may P8,000. May ganyan,” saad ng aktres.

Minsan ’yong isang gamot na ’yon nagkukulang sa akin, dumudu-doble so nagmamahal ako sa gamot ko. So, let's say sa 12 days na gamot ko pa lang umaabot na ako ng halos P300K plus.”

Bukod pa umano ito sa bayad kapag nagpapa-harvest s’ya ng egg cells.

Tapos harvest mo P200K kasi isama mo na ’yong doctor's fee. Tapos ’yong charge ng hospital. So, every harvest namin gumagastos kami ng halos mga P500K,” the actress shared.

Puwera pa ’yong check up mo every other day kasi imo-monitor ka pa nila. ’Yong gamot mo, ’yong test mo… May mga ibang clinic naman na mas mura kaya lang napunta ako dito. Ito kasi ’yong naibigay sa akin na doctor,” aniya.

“Yeah, magaling naman talaga so nakakapanglambot ’yong gastos more than anything else.”

So far, pumalo na raw sa almost P4 million ang nagagastos nila.

Dahil naka-limang harvest na kami so parang umabot na kami ng halos P4M. Kaya lang ngayon, nagpa-break muna ako kasi parang nag-last harvest ako nu’ng January pero unsuccessful, e. So, walang nabuo. Sabi ko, break muna. Napapagod na ’yong katawan ko,” ani Katya.

Pag-amin pa ng aktres sa amin, dapat daw nagpa-freeze na s’ya ng egg cells noong bata-bata pa s’ya. Wala raw kasi s’yang knowledge tungkol dito noon.

Ang regrets ko, sana lang na-educate ako nang mas maaga, nag-research ako about it, hindi ako naging masyadong confident na hindi mabubuntis ako wala akong problema,” she shared.

Sana hindi ako naging ganu’n. Sana nakinig ako sa sinasabi nila na, ‘Uy, magpa-check ka na baka mamaya…’ ’Di ba, may mga ganu’n e, hindi kasi ako nakinig, e.

Sabi ko, ‘Bakit? Mabubuntis naman ako, e’ Until finally, nagpa-check ako. Ito pala ’yong problema ko so, sana ginawa ko s’ya when I was in 30s, 35. I’m sure marami pa akong egg n’yan or less than 30 [years old].”

Sa kabila ng challenges, umaasa si Katya na maging matagumpay ang planong pagbubuntis n’ya in the coming months. 

“I’m praying and manifesting na buntis na ako ng July. Ibabalita ko sa inyo, i-announce ko ’yon, ia-announce ko talaga ’yong mina-manifest ko na buntis na ako ng araw na ’yan,” nae-excite na sabi ni Katya.

Hindi ako makakapag-work, ’di ba? Para ano na, ’di ba, ba claim mo na and I want to make sure na buntis ako. At saka alam kong ibibigay ni Lord dahil hiningi ko sa Kanya, e,” saad pa n’ya.

Hiniling namin sa Kanya, 'Lord, ibibigay Mo ito. Whatever happens, ibibigay Mo ito sa amin because sobrang maayos naman kaming magulang,’” pagtatapos n’ya.

]Samantala, kasama ni Katya sa Philippine adaptation ng Korean movie na Sunny sina Sunshine Dizon, Candy Pangilinan, Vina Morales, Tanya Garcia, Ana Roces, Angelu de Leon, Aubrey Caraan, Abby Bautista, Heaven Peralejo, Bea Binene, and more.

Mapapanood ang Sunny starting April 10 in cinemas nationwide.

 

 

YOU MAY ALSO LIKE:

Pika's Pick: Katya Santos and Paolo Pilar are engaged!

Katya Santos, kakasa pa rin daw sa sexy scenes basta walang frontal nudity

Katya Santos, malapit nang ma-annul ang kasal; hindi raw takot na mag-asawang muli

 

FOLLOW US ONLINE: 

Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz

Twitter: twitter.com/pikapikaph

Instagram: instagram.com/pikapikaph/

YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz

TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/

and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.