Juliana Parizcova Segovia, "inilako" ang sarili para makabalik-trabaho sa showbiz

PHOTOS: @juliana_parizcova on Instagram

PHOTOS: @juliana_parizcova on Instagram

Happy ngayon ang komedyanteng si Tyrone James Ortega o mas kilala sa showbiz bilang Juliana Parizcova Segovia, ang first-ever crowned Miss Q&A ng It's Showtime, ngayong nasa bakuran na s'ya ng Viva. 

Last September 17 ay nagpaunlak si Juliana na ipakita sa online show ng pikapika.ph na This is Showbiz ang tinutuluyan nilang apartment sa Pasay City. 

Dito, kinumusta ng mga hosts na sina Butch Francisco at Anna Pingol ang buhay ni Juliana mula ng magkapandemya na nasabayan pa ng pagkawala sa free TV broadcast ng ABS-CBN, at ang pagpasok n'ya sa Viva Artist Agency. 

K'wento ng pageant winner, naging on call daw ang paglabas n'ya sa Kapamilya It's Showtime dahil sa nga sa pandemya at pagkawala nito sa ere. 

"Noon po kasi everyday ako sa online [version ng It’s Showtime]," panimulang kwento ni Juliana. "Tapos nu'ng may Miss Q&A Season 2, nagdya-judge din ako. Kapag wala akong taping ng [Ang] Probinsyano, automatic, hurado ako ng Miss Q&A. 

"Ngayon po, on-call na lang. On-call kami. So, kapag kailangan ka i-guest o sa online, 'yon."

Sey pa n'ya, nang mag-shutdown daw ang ABS-CBN ay nahirapan s'ya dahil kakasimula pa lang n'ya sa showbiz. Pakiramdam niya ay tila pinaglaruan s'ya ng tadhana at binawi ang lahat. 

"Ang hirap po kasi parang pakiramdam ko ang bilis binawi," paglalahad n'ya sa interview. "Parang tinapos ko na nga 'yong pagiging ‘beauty queen’... Doon na ako sa next step na subukan ko naman ang acting. Subukan ko naman ang pagiging komedyante sa TV, sa pelikula..."

Ilang gabi rin daw s'yang umiiyak dahil nga tila naputol agad ang katuparan ng kanyang mga pangarap para sa kanila ng kanyang nanay. 

"Paano ba ako magsisimula? Ano ba 'to? Babalik na ba ako sa dati kong buhay?" share pa ni Juliana tungkol sa mga tanong na paulit-ulit na tumatakbo noon sa isip n'ya. 

"Every night 'yon naiiyak ako. Nagdarasal ako. Sabi ko, 'Lord, ano 'to? Bakit parang ang bilis? Ano ba ito? Patikim lang o may iba pa Kayong plano sa akin?'

"Kasi nagka-anxiety ako na... Ang dami ko pa sanang planong gawin kung nagtuloy-tuloy lang s'ya. Kasi meron ng mga write-ups na noon sa akin na, 'In fairness kay Juliana when it comes to acting...' Ganyan, ganyan. May mga nababasa kami sa d’yaryo na ganu'n nu'ng nakikita nila ako sa Probinsyano. So, nu'ng time na 'yon [naisip ko], pa'no ko pa ito matutuloy? Pa'no ko pa gagalingan?"

Isa rin daw sa naisip n'ya ang pangarap n'yang magkaroon ng bahay na dahil sa nangyari ay tuluyan ng mapupurnada. 

"Kumbaga, 'yong plano ko na magkaroon ng sariling bahay, papano ko pa s'ya magagawa?"

Tsika pa ng komedyante, isa daw ang Magandang Buhay co-host na si Melai Cantiveros sa mga nakakausap n'ya para kahit papano ay maibsan ang nararanasang anxiety na dala ng COVID-19 pandemic at pagkaka-shutdown ng ABS-CBN.

"Kumausap lang po [ako] nang kumausap ng ibang artista," tuloy na pagbabahagi n'ya. "Si Mamshie Melai, nakakausap ko po s'ya lagi. Lagi kaming nag-uusap na...Kailangan ko lang magpaka-busy sa ibang paraan."

At sa mga nagtatanong kung saan ba napunta ang napanalunan n'yang isang milyon sa Miss Q&A way back 2018, nagamit na daw n'ya 'yong pera sa kanilang priorities. 

"Akala nila kapag may one million ka na, talagang milyonaryong-milyonaryo ka na na pwede ka nang bumili ng bahay," paliwanag ni Juliana. 

"Tinatanong nila ako kung bakit wala akong sasakyan," she continued. "Para sa akin lang, iba iba naman tayo ng priority tsaka ng prinsipyo... Kailangan ko ng sasakyan kasi hindi na s'ya luxury sa akin, e. Kailangan talaga sa trabaho, e. 

"Pero ang sa akin, paano ako kukuha ng isang hulugan kung meron pa akong hinuhulugan. Kasi s'yempre naupa kami. Sabi ko, parang ang bigat. Okay pa naman akong mag-commute."

So, saan niya ginastos ang premyo?

"Ayon po. Bumili kami ng mga gamit sa bahay," sagot ni Juliana.

At dahil naging on-call na lang s'ya sa It's Showtime, pinasok na rin daw ng komedyante ang online selling para magbenta ng skincare products, face shields and face masks para kumita. 

"Kung noon, bihira akong lumabas para makipag-usap sa mga tao kasi s'yempre palagi na akong nasa taping, ngayon, nu'ng nag-o-online selling na ako para maging busy ako, 'yan. Lumalabas na talaga ako."

Dagdag pa n'ya: "Sa sobrang dami rin ng talent ng Showtime. Hindi kami p'wedeng magsabay-sabay. Kumbaga hindi p'wedeng isang talent lang 'yong laging nakikita."

At now she's part of Viva, binalikan ni Juliana kung paano n’ya "inilako" ang sarili para magkatrabaho lang.

"July 1, nag-end 'yong contract ko with ABS [CBN]. Ongoing pa lang 'yong hearing ng franchise nu'ng time na 'yon," k'wento n'ya kina Butch at Anna. 

"S'yempre ako, as much as possible, I want to stick sa management ng ABS [CBN] kasi produkto ako ng Showtime. Doon pinanganak si Juliana. Hangga't maaari doon lang ako. So, sabi ko, waiting lang ako. Ayokong sumabay. Ayokong sumabay na magtatanong sa kanila na, 'Ano pong mangyayari ngayong wala na pong...

"Kasi first time kong ma-offer-an ng kontrata at first time ko din ma-expire-an ng kontrata sa showbiz kaya hindi ko alam kung papano nangyayari, kung papano ang proseso. So, ang ginawa ko, nag-waiting lang ako. Baka may plano naman talaga. Baka busy lang. S'yempre, ayoko sumabay sa mga pinagdadaanan nila. Kaya naghintay ako. Sinabihan ko 'yong RM [Road Manager] ko na willing to wait naman ako. Sabi ko, 'Willing to wait naman po ako.'”

However, dumating daw sa point na talagang masasaid na ang ipon ng aktres dahil nga walang pumapasok na income dahil irregular ang trabaho. Dito na s'ya naghanap ng tulong. 

"Pero s'yempre, habang patagal nang patagal, paubos nang paubos. Walang pumapasok," k'wento pa ni Juliana. "Kailangan ko na talagang mag-work. Lumilipad na ang utak ko gabi-gabi na, 'Ito na lang ang meron ako. Kapag biglaan na gastusan na hindi inaasahan?’ Wala. Ubos na talaga. As in, mauubos talaga. Kaya sabi ko, 'Ano bang p'wedeng gawin para makapagtrabaho na?' Since ganu'n nga 'yong naging lagay ni ABS, naghanap ako ng mga kakilala ko."

Isa daw si Warren Dimen na executive ng Viva Artist Agency and Viva Modeling Agency sa mga kinausap ni Juliana sa pagbabakasakaling madugtungan pa ang kanyang nasimulang career. 

"Si Warren, nag-message ako sa kanya," aniya. "Sabi ko, 'P'wede po bang magpa-help. Papano maging Viva artist?' 

"Actually, hindi lang sa Viva. Marami din akong pinagtanungan na iba. May Cornerstone, may Regal [Entertainment], ganyan. Marami rin akong pinagtanungan kasi ako naman po wala namang problema sa akin kahit sinong humawak sa akin, e. Sabi ko nga, kahit noon pa, okay lang sa akin na walang tulugan basta may trabaho. 

"'Yon lang naman 'yong goal ko, e. Gusto ko na hangga't malakas si Mama, hangga't buhay s'ya, nabibigay ko 'yong kailangan n'ya. Naibibigay ko 'yong gusto n'ya."

Ngayong nasa Viva na si Juliana, sisikapin daw n'yang mas maging wais sa paghawak ng pera.

"Ngayong nasa Viva ako, magbaba-back to zero ako talaga. S'yempre nagka-pandemic. Lahat ng [pera] lumabas so back to zero ako. Siguro naging lesson na lang din 'yong pagkaka-expire ng kontrata ko and at the same time pandemic kung paano talaga humawak ng pera."

Nang matanong ni Butch kung s'ya na ba ang next Sharon Cuneta, joke naman ang naging sagot ni Juliana. 

"To be the next Vice Ganda. Charing! Hindi. Joke lang. I love you, Meme.

"Hindi naman po. Sabi ko nga nu'ng nag-meeting kami nina Ma'am Veronique [del Rosario-Corpus], hindi naman ako naghahangad ng sobrang ano... S'yempre, kung ibibigay, why not? Bakit hindi? Pero sa ngayon ang gusto ko lang magtrabaho," paglalahad pa n'ya. 

Sa ngayon daw ay may mga nakalatag ng TV and movie projects ang excited na si Juliana. 

Kung magkakaroon daw s'ya ng Boys Love series gaya nang nauuso ngayon, sina Joshua Garcia, Ricci Rivero at Diego Loyzaga daw ang bet n'yang makatambal.

PANOORIN ang kabuuan ng This is Showbiz Ep. 5 (Part 2) featuring the original Miss Q&A winner Juliana Parizcova Segovia dito:

 

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.