JM, pabor sa mandatory drug test ng mga TV network stars

PHOTOS: Allan Diones

PHOTOS: Allan Diones

Pabor si JM de Guzman sa pinag-uusapan ngayong move ng PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) na isailalim sa mandatory drug test ang mga artistang nagtatrabaho sa mga TV network.

May kinalaman ito roon sa 31 celebrities na diumano ay nasa narco-list or drug watchlist ng nasabing ahensiya ng gobyerno. 

“Para po sa akin, it’s a very smart move sa PDEA,” simulang pahayag ni JM. “Kasi, kami po, sabi nga nila, pare-parehas lang din naman tayo, pero we have social responsibility na maipakita… to set an example.

“Pero ang hinihingi ko lang… tatlong taon po akong nasa loob ng rehab. Araw-araw, kasama ko, mga adik, pusher. And hindi lang po sila adik, hindi lang po sila nag-take ng drugs or whatever. May pinagdaanan sila na hindi nila kinaya and they chose a different path to patch it up and to move on and to fight.

“Huwag lang po sanang masyadong masaklap ’yong pagtrato sa kanila. Kasi, umabot na sa point na pinapatay na nga ’yong iba, ‘di ba? Walang death penalty, pero they’re good as dead. I don’t believe that sh*t.

“Ako, I’m in this position ngayon na maging example na hindi lang kami hanggang do’n. And kung ano po ’yong makakatulong na ginagawa ng PDEA, e all-out support po, 100 percent. I’m willing to give my pee, anytime, anywhere.”

Sinabi ni JM ang saloobin niyang ’yon nang mahingan siya ng reaksyon ng press sa mediacon ng romcom movie nila ni Arci Muñoz na Last Fool Show.

Matatandaang dalawang beses pumasok sa rehabilitation center ang 30-anyos na Kapamilya actor dahil sa droga. Tulad nu’ng una ay nalampasan niya ulit ’yon at muli siyang nakabalik sa showbiz, na ngayon ay ang ganda na ulit ng takbo ng career niya.

Actually, isang magandang ehemplo si JM ng isang taong nalulong sa masamang bisyo, pero nagdesisyong magbago at ituwid ang kanyang landas. Na ang ibig sabihin ay may pag-asa pa ang mga katulad niya, na nadapa man at may madilim na pinagdaanan ay kaya pang bumangon at magsimula muli.

Buhay na patunay din siya na hindi kailangan ang karahasan para labanan ang problemang ito ng lipunan.

Ani JM, “Actually, mahirap po ’yong posisyon na ’yon sa akin ngayon kasi, we’ve been fighting drugs since hindi pa tayo buhay.

“Nandito pa rin yan kahit anong gawin mo, kahit anong giyera na, nandiyan pa rin siya. Umabot na sa point na sa sobrang frustrating na, hindi mo na alam kung paano mo siya pupuksain or whatever. 

“Lahat tayo, inosente roon. Ako, ang ginagawa ko na lang, kung ano ’yong sa tingin kong makakatulong sa kung nasaan man ako ngayon. To better myself, to improve myself.

“I still have my ups and downs. Depressed pa rin ako, ’yong anxiety ko nandiyan, pero I still go to my doctor. 

“I have my meds, I exercise, I talk to people, I stay with my family, I stay close to them, relate to them, with my peers, sa mga kasama ko sa rehab. I fight. I fight a good fight,” seryosong sambit pa ng aktor.

Sa April 10 ang showing sa mga sinehan nationwide ng Star Cinema movie nina JM at Arci na Last Fool Show mula sa direksyon ng acclaimed indie filmmaker na si Direk Eduardo Roy, Jr. (Pamilya Ordinaryo, Quick Change at Bahay Bata). 

Sina JM at Arci rin ang magkapareha sa upcoming Kapamilya teleserye na Kapalaran.

 

YOU MAY ALSO LIKE:

JM de Guzman: Behind the Barriers of His Heart

JM, mag-a-apprentice na sa pagdi-direk

“Sana kung nandoon ako, siguro babatukan ko siya…pero masaya ako na nalagpasan niya ’yon.”—Arci on JM’s past struggles

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.