May masakit palang karanasan ang singer-actor comedian na si Jerald Napoles sa dati n’yang non-showbiz girlfriend na isang foreigner.
Tila hinamak daw kasi nito ang pangarap n’ya na magkapangalan sa showbiz at maihanay sa mga respetadong aktor ng industriya.
Naikuwento ito ni Je sa media conference nila kamakailan para sa upcoming movie n’ya na Girlfriend Na Pwede Na kasama ang real-life nobya at ka-screen tandem na si Kim Molina, at ang Viva leading man na si Gab Lagman.
Doon ay natanong ng entertainment press si Jerald kung nakaka-relate ba s’ya sa kanyang karakter niyang si Isko sa pelikula.
Si Isko ay isang simpleng lalaki na pumayag na magkunwari bilang bagong boyfriend ni Pam na character naman ni Kim. Balak kasi ni Pam na pagselosin ang dati n’yang nobyo na si Jigs, played by Gab Lagman, para maisip nitong makipagbalikan sa kanya.
Nagkalabuan kasi ang dalawa dahil gusto nang mag-settle down ni Pam pero ayaw pang magpatali ni Jigs.
Ayon kay Je, never naman daw n’ya na-experience na magpagamit sa isang babae pero aminado s’yang naka-relate s’ya role na ginampanan ni Gab.
“Hindi ko na-experience ’yon, gustuhin ko man,” natatawang biro n’ya sa press people. “Pero na-experience ko ’yong maging ‘hindi enough’…’yong character ni Jigs. ’Yon na-experience ko ’yon sa ex ko.”
Dumating daw ang panahon na hindi na nagtutugma ang mga gusto nilang mangyari sa kanilang relasyon at damay na dito ang mga personal nilang pangarap.
“’Yong ex-girlfriend ko kasi, hindi ko abot ’yong gusto n’yang mangyari sa relasyon [namin] at sa buhay n’ya,” pagbabahagi ni Je.
“Mabilis ’yong phasing na gusto n’ya mangyari in terms of mga pangarap n’ya sa buhay [na] ipapasok sa relasyon [naming dalawa].”
Tila na-pressure ang talented Viva artist sa nangyari dahil ayaw n’yang isuko ang pangarap niya sa entertainment industry.
“Ang hirap kasi pag may indibidwal kang pangarap tapos ipapasok mo sa relasyon tapos ‘Kailangang humabol ka, partner.’ Parang ganu’n. E, s’yempre, kanya-kanya tayong indibidwal so parang dahil doon hindi ako enough,” lahad n’ya.
“At saka nasabihan talaga ako ng ganu’n. Alam ni Kim ito, e. Pinakamasakit kong narinig ’yong: ‘Alam mo, hindi na ako naniniwala sa mga pangarap mo,’” pagre-recall pa n’ya sa masakit na tagpo ng pag-aaway nila ng ex-girlfriend n’ya.
“Kung iyon lang ang pinanghahawakan ko para maabot ko ’yong gusto n’ya, saan pa papunta ang relasyon? Ganu’n ’yong naranasan ko.”
Hindi naman daw sila nag-break kaagad nang masabihan s’ya nang ganu’n pero sobrang sakit daw nu’n para sa kanya.
“Right there and then, hindi pa [kami naghiwalay]. Parang may pagtatalo lang. Pero the moment na sabihan ka ng ganu’n… down struck. Kahit sino yata,” pagpapatuloy ng aktor.
“Wala… Tulala ako na parang… Kasi [nag-isip ako na], ‘Sinabi ba n’ya sa harapan ko ’to?’ Nagpo-proseso ako nu’n.
“After a few hours, nagkasundo man kami right after that debate, pero pag patulog ka na, ‘Ay, parang masakit ’yon, ah. Sandali. Ano ito bukas? Paano ko igigising ito?’ May ganu’n.”
Ilang buwan lang daw matapos ang pagtatalong iyon ay nauwi na nga sila sa hiwalayan.
“During that time….alam n’ya ’yong dreams ko, e. During that time, theater actor na ako tapos I was under APT. Medyo nagka-character actor na ako nu’n,” pagbabahagi pa ni Je.
“Of course, my dream is to get bigger in the industry kahit papano… respected actor in the industry. Para sabihin n’ya sa akin na, ‘I don’t believe in your dreams anymore…’ Where am I now? ’Yon, ganu’n na lang,” pagtatapos ni Jerald.
Ganu’n pa man, blessing daw pala na maituturing ang nangyari dahil malaya na siya nang nakilala naman n’ya ang long-time girlfriend n’ya na si Kim na kasundo n’ya sa lahat ng bagay.
Maliban sa pagiging nobya at constant katambal sa pelikula, ay business partners na rin n’ya si Kim kaya naman masasabing sa right path din napunta si Jerald.
Mapapanood ang romantic comedy movie nilang Girlfriend Na P'wede Na simula January 18 in cinemas nationwide.
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber