Going strong ang relasyon ng longtime celebrity couple na sina Kim Molina at Jerald Napoles pero umabot daw sila sa puntong naghiwalay sila noon.
Ito ang inamin ng magkasintahan sa naging media conference nila kamakailan for their upcoming romantic comedy film na Girlfriend Na Pwede Na kung saan kasama nila ang Viva leading man na si Gab Lagman.
Dito ay natanong ng entertainment press ang reel-and-real life couple, dahil eight years na rin silang magka-partner, ay kung dumating ba sila sa puntong muntik na silang maghiwalay.
Tahanasang inamin na Je na hindi lang away at tampuhan ang nangyari sa kanila ni Kim kundi talagang nag-break na sila before.
“Naghiwalay na po kami nito. Naghiwalay na po kami ni Kim dati para lang ma-testing. Hahaha! Para lang ma-testing,” natatawang sagot ng actor.
Iyon daw ’yong mga panahong may pagka-selfish pa umano sila ni Kim at nag-a-djust pa sila sa isa’t isa.
“Naghiwalay na po kami. Hindi ko na maalala [kung kelan]. Naghiwalay na po kami dati kasi ’yon ’yong… Naniniwala ako, personally, naniniwala ako sa relasyon na you actually discover yourself muna bago mo ma-discover ’yong partner mo. Kasi it’s always a selfish thing to enter something,” lahad ni Jerald.
“Parang pag pumasok ka sa isa, gusto lagi mangyari ’yong gusto mo, e. Parang ganu’n, e. ’Yong unang breakup namin ganu’n ’yong nangyari, e. ‘Ito ’yong gusto ko, e. Ito ’yong gusto n’ya, e.’”
Pero later on ay na-realize daw n’ya na kailangan nilang mag-give and take para mag-work ang kanilang relasyon.
“Hanggang sa naisip ko na, ‘Hindi. Kailangan ko pala s’ya.’ So I have to work on the things na gusto rin n’ya. So, may adjustment period lagi. Sa una, selfish ka. Sa pangalawa, bibigay ka na,” pagbabahagi ng talented Viva comedian.
“Kung gusto mo pa s’ya makasama nang matagal, kailangan mong tanggapin s’ya. Ganu’n ang nangyari sa amin kaya nagkabalikan po kami.”
Dagdag pa ni Jerald, tumagal din ng ilang buwan ang naging separation nila ni Kim.
“Ilang buwan lang ’yon, e. Isang buwan, dalawang buwan lang yata ’yon. Hahahaha! Ganu’n lang…three months. Matagal-tagal din. Three months po,” aniya.
Sinang-ayunan naman ito ni Kim. In-apply nga daw n’ya sa kanyang sarili ang sinasabing “three-month rule” after breakup na p’wede ng makipag-date sa iba.
“E, ’di ba, may breakup rule na three months? So, after ng three months p’wede ka na mag-date ng iba. ‘Oh, tapos na ’yong three-month rule. Okey na. P’wede na ako mag-date ng iba.’ Kami rin ang nag-date ulit. Hahaha! Ganu’n din,” natatawang pagre-recall n’ya.
Napatunayan naman daw n’yang “love is sweeter the second time around” dahil mas nakilala na n’ya si Je at nalamang compatible sila sa maraming bagay.
“Pareho po kasi kami ni Jerald. We have the same goals, we have the same dreams and we’re building it together. I think, that’s also one of the reasons kung bakit kami nagtatagal po,” pagbibida ng aktres.
“There’s respect between each other kahit parang lagi kaming nag-aaway. It’s just looks like that but it’s deeper than that.”
For Je naman, mas naging open minded daw s’ya sa mga idea ni Kim na hindi n’ya pinakikinggan before lalo na kapag alam n’ya sa sarili n’ya na tama s’ya.
“Isa sa sekreto [namin], pag may nadi-discover ako kay Kim sinasabi ko kaagad sa kanya. ’Yon ang isa sa mga sekreto namin, e,” lahad ng komedyante.
“Hindi na namin tina-try na itago kung ano ’yong na-discover either good or bad. Dahil doon mas naging open ako na makita ’yong ibang nangyayari sa relasyon.”
Naibahagi pa n’ya ang kanyang communication theory na nangyayari noon sa tuwing nagtatalo sila ng kanyang kasintahan.
“For example, ’yong 94 percent theory ko… Minsan kasi pag 94 percent, tama ako. Ang lakas na nu’n, ang taas na nu’n, 94 percent. Hindi na ako mababali doon, wala na. Pero minsan sa debate namin, 100 percent tama s’ya [Kim],” saad n’ya.
“Madalas ako sa buhay ko, pag 94 percent ako, mali ka na. Automatic na ’yon. Hindi na ako titiklop sa’yo. Wala na, mag-away na tayo,” he continued.
“Pero lately ko na-discover, pag pinapakinggan ko si Kim at mas open ako, ‘Ah, actually, mas tama s’ya. Okey, 100 percent correct s’ya.’ ’Yon ’yong pinaka-sekreto ko, personally, sa relasyon na ’to. ’Yong kailangan mong makinig muna,” pagtatapos ni Jerald.
Sa ngayon ay balik-pelikula ang blockbuster na tambalan ng KimJe couple dahil bibida sila sa Girlfriend Na Pwede Na ng Viva Films.
Mapapanood ang Girlfriend Na Pwede Na simula January 18 in cinemas nationwide.
YOU MAY ALSO LIKE:
Kim Molina at Jerald Napoles, feeling na-“apocalypse” habang ginagawa ang Sa Haba ng Gabi
Jerald Napoles, umamin kay Kim Molina na nag-cheat na siya before
Jerald Napoles, inakalang nakabuntis siya ng kaklase noon
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber