Sinagot ng actor-turned-politician na si Herbert “Bistek” Bautista ang naging maingay na issue kamakailan ukol sa diumano’y hindi n’ya pagtupad sa kanyang pangako.
Nangyari ang kanyang pagpapaliwanag sa virtual interview n’ya with political vlogger Thinking Pinoy (TP) kahapon, April 5, na naka-live sa Facebook and YouTube.
Maliban kasi sa usapan nila about his plans sa peace and order, higher education system, and the agricultural sector sakaling maupo siyang senador, ay nakahirit si TP ng ilang personal questions sa UniTeam senatorial candidate, partikular na sa isyu nila ng dati n'yang ka-relasyon na si Kris Aquino.
Sa gitna nga ng kanilang pag-uusap ay tila nabigla pa si Bistek nang matanong s’ya ni TP ng: “Ikaw ba ’yong ex na sinasabi ni Kris?”
At game naman n’yang sinagot ito.
“Hindi ko alam, e. Hahaha! Ayoko mag-assume. Baka iba ’yon,” natatawang tugon n’ya sa vlogger.
Matatandaang sa campaign rally ng Leni-Kiko tandem sa Tarlac nitong March 23, nagpasaring si Kris sa “ex” daw n’yang nasa UniTeam na hindi marunong tumupad sa pangako. Agad na nag-trending ang pasaring na iyon ni Kris.
Hindi naman nilinaw ng actress-TV host kung sino ba sa mga dati n’yang naka-relasyon ang tinutukoy n’ya.
Maliban kasi kay Herbert na tumatakbo sa pagka-senador, kumakandidato din under PDP-Laban ang ex-husband ni Kris na si James Yap bilang konsehal ng San Juan; habang ardent supporter naman ng partido ang dati niya ring partner na si Philip Salvador.
Pero nang manawagan si Kris sa mga Tarlakenyos na deadmahin daw sa eleksyon ang “ex” nga n’ya na tumatakbo dahil hindi marunong tumupad sa pangako, si Herbert na agad ang naisip ng publiko na pinatutungkulan nito.
Ang agad inisip ng publiko na pangakong hindi natupad ay ang mga napabalitang marriage proposals niya kay Kris in the past.
Matatandaang kay Kris mismo nanggaling noon na dalawang beses umanong nag-propose ang dating mayor ng Quezon City sa kanya. First in 2014 and the second time, in 2017, na naganap pa umano sa Rome, Italy nang magkita sila doon.
“Bakit ba kayo nag-split?” diretsahang tanong pa ni TP kay Herbert.
“Mahabang kuwento ’yon,” natatawang sagot ng dating Mayor ng Quezon City. “Siguro sa ibang interview na lang natin pag-usapan. Hahaha!”
At nauwi na naman sa mga isyu sa agricultural sector ng bansa ang kanilang usapan.
However, nagpaka-Marites pa rin si TP sa pinakahuli n’yang tanong kay Herbert.
“May narinig kasi kaming masama tungkol sa inyo. Chance n’yo na depensahan ang sarili ninyo. Marunong ba talaga kayo tumupad ng pangako o hindi?” double-meaning na hirit pa rin ng vlogger.
“Una, hindi ako nangangako. Hahaha! Ginagawa ko na lang…’di ba? Kasi old school na ’yong nangangako ka na dapat…old school na ’yon, e. Now is not the time for promises. Now is the time for you to listen, to touch base… Alamin mo talaga,” lahad ng aspiring senator.
“Ang pangako, old school ’yon, pare. Iba na ang approach ngayon. More interactive na ngayon. With all the technology that we have… Hindi ka p’wede mangako ngayon,” pagpapatuloy pa n’ya na ang obvious na tinutukoy ay ang pangangako ng mga kandidato sa mamamayan kapag nangangampanya sa eleksyon.
Pero dagdag n’ya habang napapakamot sa ulo: “At saka kung pangako naman na personal ’yan…Hindi rin ako nangangako nang personal, e. Sa totoo lang.”
At para mas matumbok pa ang tungkol sa isyu sa pagitan nila ni Kris, pumihit pang muli si TP by commenting: “Iba ’yong narinig namin du’n sa ano…bandang Central Luzon. Parang hindi ganu’n ’yong…”
Ang tinutukoy pa rin n’ya ay ang naging pahayag nga ng tinaguriang Queen of All Media sa rally nga nina Vice President Leni Robredo at Senator Kiko Pangilinan sa Tarlac kamakailan.
Pero nanindigan naman si Herbert na wala daw s'yang sinirang pangako dahil hindi naman umano sila umabot sa point ng pamimigay ng imbitasyon sa kasal.
“Well, merong law kasi na… ’yong law na ’to, sa family code yata ito. Pagka naipamigay mo na ’yong invitation sa kasal tapos hindi mo tinuloy, that’s the breach of promise to marry. Di ba?” aniya.
“Pero kung nagkuwentuhan lang kayo tapos hindi natuloy, kuwentuhan lang ’yon. That’s the law ha. That’s the law,” natatawang pagtatapos ni Herbert.
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber