Traumatic daw para sa Kapamilya actress na si Gillian Vicencio ang makaladkad sa kontrobersyal na breakup ng long-time couple na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.
Inamin n’ya iyan nang makausap s’ya ng entertainment press sa Chinese New Year celebration ng iniindorso n’yang brand na Beautederm last February 10.
Nagkaroon ng chance ang press people na mahingi ang side ni Gillian matapos s’yang madawit sa hiwalayan ng KathNiel.
Kasunod pa rito ang napabalitang pag-unfollow sa kanya ni Kathryn sa Instagram kung kaya’t lumakas lalo ang espikulasyon na may kinalaman nga s’ya sa paghihiwalay nito at ni Daniel.
Ayon kay Gillian, hindi n’ya inasahan na ia-unfollow s’ya ng fellow Kapamilya star sa social media gayung nagsalita na s’ya before para itanggi ang lahat ng paratang sa kanya na diumano’y isa siya sa naging third party sa relasyong KathNiel.
“Nagulat po ako. Mas ganu’n [ang pakiramdam ko] talaga kasi parang hindi kami nakapag-usap [ni Kathryn], e. Pero nag-message po ako sa kanya,” sagot n’ya sa press.
Naiintindihan naman daw n’ya na baka ayaw pa makipag-usap ng aktres kung kaya hindi pa ito sumasagot sa message n’ya.
“Hindi pa s’ya nagre-reply pa kasi, alam n’yo ’yon, may pinagdadaanan po s’ya. Okey lang naman po ’yon. Naiintindihan ko,” saad pa n’ya.
Matatandaan na maliban sa kanya, in-unfollow din umano that time ni Kathryn sina Liza Soberano, Julia Barretto, at maging ang ex-boyfriend nitong si Daniel.
Aminado rin si Gillian na talagang affected s’ya sa mga natamong online bashing mula sa mga KathNiel fans.
“S’yempre, maaapektuhan ka naman talaga sa ganu’n kasi hindi po magaganda ’yong sinasabi,” pagtatapat ng aktres.
“Pero dahil po sa family ko and my friends na nand’yan, kumbaga, para hindi ako iiwan. Kaya medyo okey-okey naman po ako ngayon,” dagdag pa n’ya.
At dahil alam daw n’yang malinis ang kanyang konsensya, babatiin daw n’ya si Kathryn kung sakaling magkita sila nito.
Hindi pa rin daw nagk-krus ang landas nila ni Daniel mula noong napabalitang hiwalay na ito kay Kathryn.
Ang natatandaan daw n’ya na huli nilang pag-uusap ay noong nagti-taping pa sila ng 2 Good 2 Be True series.
At nang mausisa pa s’ya ng press kung nagkaroon ba s’ya ng trauma dahil sa mga pangyayari, hindi tumanggi ang aktres.
“Meron… May ganu’n kasi hindi naman po maiwasan na makaramdam ka ng ganu’n kasi ’yon ang nakikita mo online. Every time you open the social media ’yon ’yong nakikita mo,” lahad ni Gillian.
Sa kabila ng mga ibinato sa kanya, never daw s’yang sumagot. Hindi rin umano s’ya magde-demand pa ng sorry mula sa mga taong nakasakit sa kanya.
“Hindi naman natin mako-control ’yong mga tao. Parang kahit ano namang gawin mo may masasabi at masasabi sila. So, hayaan na lang po,” pahayag n’ya.
“Parang kahit ano namang sabihin mo, good or bad, papaniwalaan nila kung ano ’yong papaniwalaan nila. And I can’t control that. I can’t control the minds of other people. At least, I know myself and I know my truth,” diin pa ni Gillian.
Mas nakatuon na lang daw s’ya sa kanyang sarili at sa kanyang trabaho.
“Basta ako, magpo-focus ako sa sarili ko, sa mga ginagawa ko ngayon, sa mga blessings na natatanggap ko, at sa family and friends ko na nand’yan for me,” she said.
“Mas ’yon na lang ako kasi, ’yon nga, ayoko nang pakialaman ’yong buhay ng ibang tao. I have my own life na kailangan ko pang pag-focus-an,” dugtong pa ng aktres.
Natanong din s’ya kung tatanggap ba s’ya ng project kung saan makakasama s’ya ang sino man kina Daniel at Kathryn.
“Project po ’yon, e. Kailangan ko ng pera,” natatawang pagpapaka-totoo ni Gillian. “Oo naman po. Kasi wala naman po, e.”
Pero sa ngayon, thankful umano s’ya sa natatanggap n’yang blessings at sa mga nakapilang projects sa showbiz despite sa mga nangyari.
“Thank You, Lord. Of course, may mga blessings na dumadating. Itong BeauteDerm, tapos may tini-tape po akong series, ’yong What’s Wrong With Secretary Kim? and may lalabas po akong pelikula. Excited po ako sa mga ginagawa ko,” pagtatapos ni Gillian.
YOU MAY ALSO LIKE:
Gillian Vicencio, pang-role play lang daw ang pagiging tomboy
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber