Dahil sa lockdown, hindi raw sinasadyang bigla silang naging magka-live in ng boyfriend niyang si Ion Perez. Iyan ang tsika sa amin ni Vice Ganda nang saglit siyang maka-usap ng pikapika.ph sa pictorial ng promo materials niya para sa bubuksan niyang The Vice Ganda Network.
“Alam mo hindi talaga kami ano ‘living in’...hindi kami together talaga sa isang bahay...nagkataon na no’ng nag-lockdown, wala kaming choice kasi hindi s’ya makakauwi ng Tarlac,” paglilinaw ni Vice. “So, we stayed together during the entire lockdown.”
At ipinagpapasalamat daw niya nang malaki ’yon dahil ang laking bagay daw na may nakasama siya sa mga panahong kailangan niya ng kausap. Nagsilbi raw na strong support system niya si Ion noong mga panahong nade-depress siya dahil sa sitwasyon ng pandemic lockdown at ABS-CBN shutdown.
“Alam mo, ang laki n’yang bagay kasi if I wasn’t with Ion when I was dealing with a lot of issues, magiging... baka nabaliw ako talaga...baka nabaliw. Ang laking support ’yon,” tuloy-tuloy na k’wento ni Vice.
“Si Ion ang naging major support system ko. ’Yong fact lang na alam mo hindi ka nag-iisa, may kasama ka... ang laking bagay na no’n sa mental health ko... na alam ko na hindi ako nag-iisa. Tapos ’yong may karamay ka pag nalulungkot ka, napaka-laking bagay. Tapos ’yong may mang-aaliw sa’yo kasi alam n’yang nalulungkot ka na? Napakalaking bagay no’n kaya ang laking tulong no’ng nand’yan si Ion sa tabi ko.”
Ani Vice, na isang de-kalibreng komedyante, kailangan din daw niya nang magpapatawa din sa kanya. And surprisingly, Ion delivered. Say ni Vice, may taglay ding ka-kengkuyan ang boyfriend niya at biling-bili niya ang mga natural na patawa nito.
Kaya sa more than three months ng lockdown with Ion, na-realize niyang effortless daw palang mag-comedy ang dyowa niya.
“Yeah. Sobra siyang nakakatawa... sobra s’yang... may sarili s’yang eksena, e,” tila kinikilig na tsika ni Vice.
“Kasi hindi s’ya komedyante pero may mga ganap s’ya na nakakatawa kasi may mga sarili s’yang eksena bilang isang Kapangpangan. Normal na taong tawang-tawa ako.”
Pero aminado si Vice na baka sa kanya lang naman may ganoong epekto si Ion.
“S’yempre diba pag bet na bet mo ’yong tao, pag in love ka do’n sa tao, konting kibot kinikilig ka?” natatawang balik niya. “Kahit wala naman ka-k’wenta-k’wenta... pag nakikita nga ng ibang bakla o kaya naririnig nila ’yong parang... ’yong mga bakla kinikalabutan parang, ‘Si bakla super pa-girl!...parang hindi naman nakakakilig pero s’ya kilig na kilig.’ Diba?”
Keber na si Vice kung hindi funny si Ion para sa iba. Ang mahalaga, napapangiti at napapatawa siya nito.
“Kaya malaking bagay na budol na budol ako sa pag-ibig ngayon na nakakagaan ng pakiramdam ko.”
Na-realize din daw ni Vice na between him and Ion, si Ion daw pala ang mas matatag ang dibdib, na kailangan niya sa mga panahong ito ng uncertainties.
“Madami kaming discovery sa isa’t-isa na...akala ko kasi ano, e, I am the stronger one sa aming dalawa— hindi. S’ya ’yong naging supporter ko. Kasi kikimi-kimi lang ’yon, e. ’Yong susunod lang? Di masyado nagsasalita pero na-diskubre ko sa kanya, ang tigas n’ya pala talaga. talagang naramdaman kong meron akong lalaking kasama.”
Dahil nga sa lockdown, nagkaroon talaga ng chance ang mag-sweetheart na Vice at Ion na mas makilala pa ang isa’t isa.
But unlike ibang couples na nagkaka-sawaan sa mga ganitong sitwasyon, mas naging daan pa ito para mas matanggap nila ang kani-kanyang imperfections o mga mga kahinaan at mga hindi ka-gandahang traits ng isa’t isa.
At para kay Vice, the earlier they accepted each other’s shortcomings, the better.
“Malaking bagay ’yon kasi mas magandang natanggap na namin ’yon ngayon at nakita na kesa eventually pa kung kailan matagal na kami ’tsaka namin na-realize,‘tsaka namin nakita ta’s na-realize hindi pala namin trip. Diba sayang ’yong panahon?” pagra-rationalize ni Vice.
“We were both supportive of each other. S’ya din. At saka ’yon nga, tanggap na tanggap namin ’yong isa’t-isa. Tanggap na tanggap n’ya na ’yong dyowa n’ya, e, parang si Tweety Bird na ilan lang ng hibla ng bangs...’yong gano’n? Tanggap n’ya ’yong lahat ng kapangitan ko. Tanggap na tanggap n’ya. Nabudol ko din. Gandang-ganda din sa’kin kahit wala akong makeup, e.”
At dahil mas matibay ang relasyon nila ngayon, muli naming tinanong si Vice tungkol sa stand niya sa gay marriages.
Bilang gay icon na tinitingala ng gay community, madalas kasing matanong si Vice Ganda tungkol dito.
Sa mga lumang interviews sa kanya, matatag ang sagot niya na ang same-sex marriage ay hindi para sa kanya. Hindi umano siya against dito. Pero hindi rin daw niya nakikita ang sarili niyang magpapakasal. To each his own, ’ika nga.
Pero ang sagot niyang ’yon ay noong wala pa sa buhay niya ang boyfriend na si Ion Perez.
Ngayong kita naman ng madlang people na matatag ang kanilang relasyon, nagbago na kaya ang pananaw niya sa kasal?
“Seriously, hindi ko s’ya [naisip]... sa dami ng nangyayari ngayon sa paligid ko, hindi ko s’ya naisip...hindi ko s’ya naisip. Pero kung saka-sakali mang magbabago ang isip ko— kung sakali-sakali man, ah, [na] magbabago isip ko—si Ion ’yong gusto kong makasama. At saka ngayon, with or without marriage, si Ion ang gusto kong kasama...makasama habang-buhay.”
October 2019, sa celebration ng 10th anniversary ng It’s Showtime, officially ni-reveal sa publiko nina Vice at Ion ang kanilang relasyon. At that time, isang taon na raw silang magka-relasyon.
YOU MAY ALSO LIKE:
Vice Ganda, feeling na-stroke dahil sa Covid-19 pandemic na nasabayan pa ng problema ng ABS-CBN
Vice Ganda, after walking out during It’s Showtime opening, admits: “I couldn’t fake it.”