EXCLUSIVE: Sylvia Sanchez, idinetalye ang paghahanap sa nang-abandonang ama—“Para ito sa mga kapatid ko at sa nanay ko.”

PHOTOS: Anna Pingol & @sylviasanchez_a on Instagram

PHOTOS: Anna Pingol & @sylviasanchez_a on Instagram

Tila naging providential pa para kay Sylvia Sanchez ang bagong proyektong gagawin niya na may kinalaman sa success stories ng mga OFW (Overseas Filipino Workers). Dahil in cooperation with OWWA (Overseas Workers Welfare Administration) ang proyektong ito na idi-direk ni Neal “Buboy” Tan, nagkaroon ng panibangong pag-asa si Sylvia na makitang muli ang tatay niyang seaman na nang-abandona sa kanila noong eleven years old palang si Sylvia at Grade 5 student sa probinsiya nila sa Butuan.

Sa March 28 initial press conference kasi ng proyekto na ginanap sa opisina ng OWWA sa Pasay City ay na-open up ni Sylvia na ilang taon na niyang hinahanap ang amang si Roberto Campo, isang seaman na napadpad kung saan-saan hanggang nabalitang diumano ay nag-base na sa Rio de Janeiro sa Brazil.

Nakausap namin nang solo si Sylvia Sanchez—who is Jossette Campo-Atayde offcam—tungkol sa topic na ito matapos ang formal press conference para sa muling pagpirma niya ng kontrata bilang endorser ng BeauteDerm, ang line of beauty products na isinilang sa Angeles City Pampanga at brainchild ng dating DJ na si Rhea Tan. Ginanap ang contract-signing sa Annabel’s Restaurant sa Quezon City kahapon, April 4.

Sa pagbabalik tanaw ni Sylvia, sinabi niyang Grade 5 siya noong huli niyang makita ang ama. At maging ang nanay nilang anim na magkakapatid na si Rose Campo ay hindi alam hanggang ngayon kung ano ang tunay na dahian kung bakit sila inabanduna. Pero looking back now, ang pagnanasang makitang ulit ang ama ang naging motivation ni Sylvia kaya siya nag-artista.

“In-abandon kami no’ng Grade 5 [ako],” panimulang kwento sa amin ni Sylvia habang nagmemeryenda. “Mula noon hindi na nagpakita sa akin. ’Yon, mula noon… isa sa reason kaya ako nag-artista kasi gusto ko makita ang tatay ko.

After noon, hindi ko na siya nakita. So, high school palang ako, isa ’yon sa reason kaya ako nag-artista kasi gusto ko siyang makita. Baka malay mo, sabi ko nga, ‘Baka pag nakilala ako, sumikat ako lumapit sa akin.’ Hindi. Hahaha!”

Hindi rin daw malinaw kina Sylvia kung bakit ipinagkait din ng pamilya ng tatay niya ang mga impormasyon tungkol sa tatay nila. Ang tanging nasagap lang daw nila noon ay sa Brazil na ito namalagi.

“Ano naman siya e, no’ng iniwan niya kami, sumusulat naman siya sa nanay niya, e—sa lola ko. So, alam ko. Lumaki ako na alam ko nasa Brazil siya. Tapos ’yong mga seaman na taga-amin, na pinsan ko o mga kapitbahay, nagsasabi na nakikita nila ang tatay namin.”   

Grade 6 naman daw siya nang aksidente mabisto niya mismo na nakapag-asawa na ng Braziliana ang tatay nila at may dalawa na itong anak doon. Sa isip niya, matagal nang inililihim ng pamilya Campo ang bagong buhay ng tatay nila. 

“Actually, ako ang unang naka-alam na nag-asawa ang tatay ko… na meron siyang dalawang anak doon,” patuloy ni Sylvia, who is now 47.

“Ngayon, ang nangyari…sa mga matatanda meron cabinet…’yong mga antigong cabinet nila… nagbubukas siya [lola], sabi ko, ‘La,meron ka bang isang singsing diyan, La, or kahit ano? Pamana mo lang sa akin.’ Naglalambing ako sa lola ko. Binuksan niya ’yong cabinet, pagbukas niya no’ng cabinet, nando’n ’yong picture ng… pag gano’n ko, picture ng tatay ko ’yon, e. So, kinuha ko, binasa ko ’yong dedication ha…tapos kinuha agad ng lola ko. Sabi ko, ‘May asawa na ang tatay ko? May dalawang anak?’ 

“Sabi niya [papa], ‘Dear Mama, this is my ano, my family…my new family.’ Gano’n. Nalaman ko no’ng Grade 6 ako, tapos no’ng nalaman ko ’yon sinarili ko, sinolo ko. Hindi ko alam kung sasabihin ko sa nanay ko o hindi. So, imbes na sabihin ko sa nanay ko nagpursige ako para buhayin ko ’yong nanay ko, buhayin ko ’yong mga kapatid ko…hindi ko na lang sinabi kasi alam ko masasaktan ang nanay ko.

“Binulgar ko lang sa nanay ko ’yong mga na-diskubre ko noon four years ago… ‘Ma, alam mo ba na Grade 6 pa ako, alam ko na na may asawa tatay ko?’ Ganyan.

’Ba’t di mo sinabi?’  Tapos, umiiyak ang nanay ko no’ng sinabi ko…

“‘Bakit kung sinabi ko ba matutuwa ka?’ ‘Hindi. Masasaktan.’ ‘Exactly my point. Hindi ko na lang sinabi.’ So, iyak siya nang iyak.”         

Ilang taon daw naghanap si Sylvia pero dahil wala naman siyang financial capacity noong araw ay napagod na siya at gumib-up. Noong mauso naman daw ang social media, hinanap niya ito sa Facebook pero marami raw itong kapangalan pero ibang tao naman ang naka-litrato.

Ang mga ibang nakaka-alam naman daw ng whereabouts nito noon ay pawang nangamatay na kabilang na ang Lola niya at uncle sa father’s side.

“Wala na sila, patay na. Kahit sila, kahit ’yong mga nakakaalam noon ina-ano din nila hindi na nila alam kung sa’n ang tatay ko. Ang alam lang nila Brazil. So kumbaga, kung meron naman p’wede mag-trace sa tatay ko, maghanap…ako ’yon. Kaya hahanapin ko ang tatay ko para sa nanay ko at sa mga kapatid ko. 

“E, no’ng gumawa ako ng presscon ng OFW, sabi ng mga taga- OWWA, ‘Meron kaming mga case na ganyan na-trace namin, gusto mo hanapin namin?’ S’yempre  matagal ko nang hinanap diba? Tapos hindi ko nakita, napagod ako. Ayoko na. Wala naman akong pag-asang  makapunta ng Brazil kung saan ’yong lugar niya kasi ang laki-laki ng Brazil.

“E, ngayon sabi nila i-trace daw nila, tutulungan ako. Di okey. Tulungan ninyo ako.

“So, sabi ko naman, wala naman problema kasi wala naman daw gastos ’yon, connect-connect lang, tawag-tawag lang daw…tawagan lang sa consul na ganito, consul ng LA papatulong punta doon sa Brazil…’yong mga consul-general natin doon. So gano’n lang ’yong mangyayari. So, ang pinaka-gastos ’yong punta lang ng pamilya.”   

CLOSURE

Sakali raw mahanap ng mga taga-OWWA ang tatay niya—na sa tantiya ni Sylvia ay 73 years old na ngayon—ay agad silang lilipad ng pamilya para puntahan ito.

Pupuntahan ko, isasama ko nanay ko at saka mga kapatid ko and hopefully Arjo and Ria,” nakangiting dagdag ni Sylvia. “Kasi si Arjo at Ria gusto nilang makita. Gusto talaga nila talagang puntahan. Sila ’yong nagsabi na, ‘Gusto namin makita si lolo.’ Kasi close sila sa parents ni Art at sa nanay ko, isa lang daw hindi nila nakita, tatay ko.”  

But more than anything, ang gusto niya talagang magkaroon ng closure ay ang nanay niya na sa tingin niya ay hindi pa rin nakaka-move on sa mga nangyari. In fact, hindi na raw muling nag-asawa ang mama nila kahit malinaw nang hindi na babalik ang ama ng anim nitong anak.

 “Actually gusto ko nga makita ’yon. Para mag-closure na sa akin, sa mga kapatid ko, lalo na sa nanay ko. Kasi kelan lang nalaman ko na hindi pa naka-move on ang nanay ko. 

“S’yempre, iniwan ka, e—ni ha, ni ho, wala e. So hanggang ngayon dala-dala niya. ‘Bakit n’ya ako iniwan? Bakit ni ha ni ho wala? Na may anim kaming anak…’ S’yempre diba?

“Kung gusto ko man bigyan ng closure ang sarili ko, mas gusto kung mabigyan ng closure ang nanay ko…mas kailangan ng nanay ko.”

However, Sylvia daw is preparing for the worst. Kung sakali raw patay na ang tatay niya ang magbibigay-respeto nalang sila sa libingan nito.

“Sana buhay. Kung patay, at least libingan na lang…Ayoko mag-expect. Iniisip ko nga patay na…para kung patay, pag kita ko less na ’yong pain. Alam mo ’yong sa… nag-aano akong buhay, buhay, buhay pag kita ko, libingan niya ayyy. . . Hindi. Doon ako sa worst na p’wedeng mangyari.”

Kung buhay naman daw ay gusto lang niya itong mayakap dahil matagal na raw naman niyang napatawad ang ama. 

“Oo, matagal na…1992 pa. Natanggap ko. Kung hindi dahil sa tatay ko hindi ko narating lahat nang narating ko dahil sa out of inis ko sa kanya, nainis ako na iniwan kami, siya ’yong naging ano ko, hugot ko na kailangan kong mag-artista, kailangan kong yumaman, kailangan kong magkapera, kailangan kong sumikat, kailangan kong makilala, kailangan kong umangat dahil para mahanap ko ang tatay ko. Alam mo ’yong gano’n?”

At kahit may mga tanong ap rin siya, baka raw mas piliin nalang niyang hindi nalang malaman ang mga sagot at this point.

“Ako, hindi ko rin alam. S’yempre gusto ko ring malaman kung bakit? Hindi ko alam kung magiging ano… gusto kong itanong na parang ayaw ko nang itanong… gusto ko lang siyang makita, gusto ko lang siyang mayakap, gusto ko na lang matapos…para sa akin ’yon, hindi ko alam sa nanay at mga kapatid ko. Kasi hindi ako sila. Pero sa akin, parang may mga rason ka na iniwan mo kami di okey lang. Hindi na para pagdebatihan kasi pag tinanong ko bakit mo kami iniwan? Kasi ganito…o, bakit ganito? Kasi ganito… o, bakit ganito?  P’wede pang mag away, e. Wag nalang. Basta ang importante magkita, diba?”

 

YOU MAY ALSO LIKE:

Pera ni Arjo, hawak ni Sylvia

“Professionalism, pakikisama, talent—pag meron ka ng tatlong yan, tatayo at tatayo ka sa showbiz at proud ako na meron si Arjo at si Ria no’n.”—Sylvia Sanchez

Sylvia Sanchez, hinihingi si Baby Malia kay Pokwang

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.