Exclusive: Hiling ni Jeric Raval, ayusin daw muna ni Aljur Abrenica ang lahat bago ipagpatuloy ang panliligaw sa anak niyang si AJ

Wala naman daw masamang tinapay para kay Jeric Raval, pero sana daw ay ayusin muna ni Aljur Abrenica ang mga dapat nitong ayusin. “Basta lahat nasa ayos. Wala naman pong magiging problema.”

Photos: Instagram

Wala naman daw masamang tinapay para kay Jeric Raval, pero sana daw ay ayusin muna ni Aljur Abrenica ang mga dapat nitong ayusin. “Basta lahat nasa ayos. Wala naman pong magiging problema.”

Nag-alanganin ang matipuno pa ring action star na si Jeric Raval nang tanungin namin siya tungkol sa nararamdaman ngayon ng kanyang pamilya matapos maipit sa gulo ng hiwalayang Aljur Abrenica at Kylie Padilla ang anak niyang si AJ Raval.

Promotion kasi para sa pelikula niyang Barumbadings ang aming tatalakayin. Pero nagpasintabi kami na kailangan naming mahingan siya, kahit papaano, ng damdamin niya tungkol sa issue’ng kinasangkutan ng anak.

“Kung minsan po iniisip ko kung magsasalita pa ba ako d’yan o hindi na, e. Kasi baka mali lang masabi ko mag-boomerang lang sa akin... siguro mas maganda na lang po ’yong tahimik na lang po. Basta ang wish ko lang kina Aljur, e, sana maayos ’yong pamilya niya. Maayos sila mabuo pamilya nila.” 

Mainit pa ring pinag-uusapan ang isyung ito lalo pa’t kakapa-interview lang ni Kylie kay Jessica Soho. Nag-sorry na rin si Aljur sa pagiging impulsive nito sa pagpo-post ng kanyang nag-viral na “Breaking Silence” Facebook post; habang si AJ naman ay nag-issue na ng apology kay Kylie matapos niyang mai-share, at pagkatapos ay dinelete din, ang nasabing post ni Aljur.

Simula nang aminin ni AJ ang panliligaw ni Aljur, na nasundan pa ng sightings nila together in public ay hindi na tinantanan ng bashing si AJ. Naparatangan itong third party at kabit at siya umanong tunay na dahilan ng pagkawasak ng tahanan nina Aljur at Kylie. Bagay na dinamdam ni AJ.

Kagabi, sa Kapuso Mo, Jessica Soho, ay bahagyang nadaanan ang diumano’y tatlong babaeng naka-ugnayan ni Aljur. Ani Kylie, isa nga iyon sa mga dahilan kung bakit pinili niyang wakasan na ang kanilang pagsasama, among other things. Hindi pinangalanan ang tatlong babae. Pero matatandang Pebrero nag-simulang mag-post ng cryptic posts si Kylie sa social media.

Meaning, months before that sila may pinagdadaanan. Sa pagkaka-alam namin ay May or June nag-shooting ang pelikulang Nerisa, kung saan nagkakilala sina AJ at Aljur. At nasabi naman din ni Kylie na nag-usap na sila ni Aljur noon na they’re free to date anyone.

May blessing, kung tutuusin. It’s just that on papers, mag-asawa pa rin sina Kylie at Aljur.

Pero totoo rin namang hindi fair kay AJ na masabihang homewrecker dahil malinaw na at that point na hiwalay na ang dalawa at base sa mga nasabi ni Kylie, she’s the one that ended it dahil pareho na silang hindi masaya.

At kay Kylie na rin nanggaling na kung nag-reach out si AJ sa kanya earlier on, malamang ay napayuhan niya pa ito ng dapat gawin dahil naiintindihan daw niya ang feelings ni AJ na naipit sa gulo.

(Hindi kaya ang ending ay mag-BFF pa sina Kylie at AJ?)

Anyway, nang unang makausap daw ni Jeric si Aljur ay tatlong bagay lang ang itinanong niya dito.

“Opo nagkausap naman po kami,” sagot niya sa amin. “Tatlong bagay lang naman po ’yong tinanong ko sa kanya. Una, ang tinanong ko sa kanya, kung siya ay hiwalay; pangalawa, kung kasal ba siya; pangatlo, sabi ko pag nagkita kami ng biyenan mo, ano’ng sasabihin ko? S’yempre magkaibigan kami nu’ng biyenan niya.” 

Umabot na ba sa punto na nag-usap na sila ng kapwa niyan action star na si Robin Padilla, ang biyenan ni Aljur na tinutukoy niya, tungkol sa mga naging issue ng mga anak nila?

“Hindi pa po. Hindi pa po. As much as possible, hindi naman namin napag-uusapan. S’yempre ’yong iba kung minsan pati pangalan ko nakakaladkad. Minsan hindi na maganda ’yong sinasabi sa akin. Pinababayaan ko na lang,” nailing na dagdag niya. 

Nasa maayos naman daw na kalagayan ngayon ang anak niyang si AJ matapos nitong mag-desisyon na mag-social media detox muna following her apology to Kylie.

“Doon naman sa batang ’yon hindi naman ako nagkukulang sa pangaral,” pagtukoy ni Jeric sa anak. “Basta ang sinasabi ko lang po, kailangan nasa ayos ang lahat. At saka pangit naman kung ang lumilitaw na third party ay siya.

“Hindi ko nga po napapanood ’yong mga news about them dahil hindi naman ako mahilig mag-social media. Dahil unang-una, wala naman po akong social media account. Ever since wala akong Facebook, wala akong IG, wala ako lahat.”

“Okey naman po siya,” balik niya about AJ. “Okey naman po. Pati po ’yong mga kapatid niya, pinapangaralan po siya. Basta sa amin po, wala naman pong masamang tinapay. Basta lahat, uulitin ko lang, gaya po ng nasabi ko basta lahat nasa ayos. Wala naman pong magiging problema.”

Ibig bang sabihin ay kung siya ang masusunod ay wag muna sanang pumasok sa relasyon sina AJ at Aljur?

“S’yempre, wala naman pong magulang na gusto ’yong anak niya, e, nasa awkward na situation o nasa alanganing kalagayan. S’yempre lahat naman po tayo, lalo na babae ’yong anak mo, gusto ninyo maayos ’yong kalagayan. 

“S’yempre ’yon naman po ’yong sinabi ko. Sabi ko mismo doon sa lalaki, kailangan nasa ayos lahat. Sana naintindihan mo ako. Lalaki ka rin naman, may anak ka. ’Yon naman po ang sinabi ko,” pagtatapos niya.

Sa face-to-face press conference ng Manipula ni Aljur Abrenica, kung saan niya sinabing it’s out of impulse kaya niya nagawa ang kanyang controversial Facebook post na hindi umano niya ikanaka-proud na nagawa niya, ay inamin din niyang may pinagdadaanan sila ni AJ ngayon but they’re trying to fight it out.

Ito marahil iyon.

 

FOLLOW US ONLINE: 

Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz

Twitter: twitter.com/pikapikaph

Instagram: instagram.com/pikapikaph/

YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz

TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/

and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.