Kung isa ka sa mga followers ni Edu Manzano sa Instagram, siguradong alam mo na isang passionate pets owner ang aktor na sa ngayon ay mayroon ng labing isang alagang aso na karamihan ay Golden Retrievers.
Ayon kay Edu, bata palang daw siya ay mahilig na siya talaga sa mga aso at naipasa niya iyon sa mga anak na sina Luis, Addie, at Enzo. Pero dahil sa nakakaranas na si Edu ng empty nest syndrome or ’yong pagkalungkot bunga ng paglisan ng mga anak sa poder ng magulang, mas lalo raw siyang napapalapit sa mga alaga niyang aso na kung tawagin pa niya ay kanyang mga stress busters. Nasa Amerika kasi ang dalawang anak ni Edu para mag-aral habang si Luis naman ay may sarili na ring buhay at busy sa career.
“Fetus palang ako may pet na ako, e,” pabirong hirit ni Edu nang minsang makatsikahan ng pikapika.ph. “Nag-continue lang because of the… pati mga anak ko kasi mahilig sa mga aso at ngayon sila ay wala na, nadadagdagan na nang nadagdagan.”
Sa mga aso na raw niya naibubuhos ang oras at atensyon niya lately.
“’Yon na nga ang problema kasi after a while ang pets parang human being din ’yon, nagseselos, nagtatampo…makikita mo ’yong translation sa pag walang gana kumain…so ako natutuwa ako because nagiging sensitive ako sa mga pangangailangan ng pets. I think…I feel all pets owner should be more sensitive to their pets.”
Just like sa pagpapalaki ng anak, kailangan daw ay walang favoritism lalo na’t medyo marami-rami ang mga alaga niya.
“Makikita ng aso pag meron kang masyadong pinapaburan,” say ni Edu. “At sa dami ng mga aso ko, ang hirap minsan ’yong…actually mahirap [sila] alagaan. Buti na lang mga kasama ko sa bahay mga pet lovers din.”
Tawa lang ang unang isinagot ni Edu nang tanungin kung ang pagiging passionate dog owner niya ay senyales na magiging best lolo din siya sa mga magiging apo in the future.
“I dont know, sometimes pa sinasabi nila pag nakita mo ’yong temperament no’ng pets mo, it says what kind of a human being you are.”