In behalf of Kapuso comedian Tekla, who is Romeo Librada off camera, ay nagsalita sa programang "Wanted sa Radyo" ni Raffy Tulfo ang kanyang mga malalapit na kaibigan sa showbiz matapos nga siyang ireklamo ng kanyang live-in partner na si Michelle Lhor Bana-ag.
Sumbong ni Michelle kay Raffy last October 20, ginugutom umano siya ni Tekla/Romeo kasabay ng kanyang anak at mga pamangkin kapag hindi n'ya ito napagbibigyan sa kama. Nakaranas din daw umano s'ya ng paulit-ulit na sexual violence sa kamay ng komedyante.
At kahapon, October 21, sa parehong programa and in the presence of Michelle, unang nagbigay ng kanyang pagtatanggol ang kapwa komedyanteng si Donita Nose na nakasama ni Tekla noon sa Wowowin at ngayon naman ay ka-tandem n'ya sa YouTube channel nilang Donekla.
Ani Donita, gusto naman daw ni Tekla na magbigay ng kanyang side pero hindi pa n'ya ito magawa dahil umano sa kontrata nito sa GMA Network.
"Sir Raffy, sa totoo lang kinakausap ko s'ya. Gusto naman n'ya magsalita," panimulang pahayag ni Donita Nose. "Meron lang s'ya kasing... Hindi n'ya p’wedeng anuhin 'yong network kasi may contract nga s'ya. Pero willing na willing na willing na po s'yang magsalita kung ano naman 'yong side n'ya naman."
Bilang kaibigan ay nasasaktan din daw si Donita sa mga paratang at sinasabi ng mga tao kay Tekla. Aminado man s'ya na may pagkakamali rin ang kanyang kaibigan pero meron din naman daw itong nagawang tama.
"Talagang naha-hurt na lang din ako. Alam ko na meron s'yang ginawa dati, may mga bisyo, may mga ganito. Tapos [’yong] ugali n'ya talaga dati... Pero nagbago na po s'ya kahit papano," paglalahad pa ng komedyante
"Naramdaman ko naman 'yon. Saka lalo na 'yong bisyo n'ya talaga pinagbago n'ya talaga. Parang mabigat na rin sinasabi ng mga tao sa kanya. Alam ko meron s'yang mali. May mga side din naman s'ya. Pero meron din namang tamang ginawa si Tekla."
Kabilang na nga daw dito 'yong paghinto nito sa kanyang "bisyo" at paghingi ng saklolo para maoperhan ang anak nito kamakailan.
Ipinunto din ni Donita na baka kaya daw kinailangang operahan ang baby nila ay dahil sa pagkakaroon ng komplikasyon na may kinalaman sa paggamit umano ng droga ni Michelle noon.
"Ang gusto ko lang i-point du'n is nagkaganu'n 'yong bata, nagkaproblema s'ya, nagkaroon ng mga ganitong komplikasyon nu'ng pinanganak is because nga daw po habang nagbubuntis daw po si Michelle is gumagamit pa din po s'ya. 'Yon po ang main problem nila kaya nagkaganu'n 'yong bata."
Sinagot din ni Donita ang mga isinumbong ni Michelle na may kinalaman sa sexual violence.
"Kung si Tekla nga, kung ang ugali n'ya ganu'n s'ya pag dating sa ganito, sa ganyan, dapat in first month, second month, third month nakitaan na ni Michelle si Tekla na hindi magandang kasama, nakipaghiwalay na dapat s'ya," pago-opinyon ni Donita.
"Pero iniisip ko, 'Bakit tumagal kayo ng four years? Nakikisama ka pa rin kay Tekla kung ayaw mo ng ugali n'ya?'"
Agad namang nagpaliwanag si Michelle: "Sir, on and off po kami [ni Tekla]. Tapos maghiwalay kami biglang magkakausap po kami na hindi na uulitin. Ganito, ganyan..."
Paratang naman ni Donita, mukhang pinagplanuhan daw ni Michelle na i-video si Tekla sa kasagsagan ng away nila para gamiting "ebidensya" kapag nagsumbong nga ang kampo nito sa program ni Raffy Tulfo.
"Itong nangyari sa kanila, I think, itong week lang po na 'yan," pahayag n'ya. "'Yong na-video-han na 'yan is two days ago lang, I think. Talagang sinadya nila na i-video na ganu'n ang nangyayari, nag-aaway sila kasi ito na nga 'yong plano nila na ganito. Parang pinagplanuhan po nila na i-video si Tekla."
Nakausap din daw ng comedian-vlogger at talent manager na si Ogie Diaz si Tekla noong October 20 at sinabihan daw n'ya itong magpa-interview na din sa Wanted sa Radyo. However, hindi pa nga daw makapagsalita si Tekla because of his contract.
Pero itinanggi daw nito ang mga akusasyon ni Michelle sa kanya. Nagtaka din daw si Tekla kung paano ito nagawa sa kanya ng ka-live-in n'ya gayong s'ya daw ang sumusuporta sa pamilya nito.
"Sabi ni Tekla sa akin, 'yong family daw ni Michelle ay sa kanya rin nakasandal,” bungad namang k’wento ni Ogie Diaz.
“Tapos 'yong dalawang pamangkin n'ya ay s'ya [Tekla] ang nagpapa-aral. Kaya nagtataka s'ya bakit s'ya aakusahan ng ganito?”
Nilinaw din n'yang wala s'yang kinakampihan kanino man kina Tekla at Michelle dahil hindi naman daw n'ya alam ang puno't dulo ng gulo at kung sino ang nagsasabi nang totoo. Basta daw at pinapakinggan n'ya lang sila pareho.
Itinanggi din daw ni Tekla ang sinasabi ni Michelle na “nagsasarili” ito sa harap nito.
"Tinanong ko rin s'ya dyan, Kuya [Raffy] at sinabi ni Tekla na hindi totoo," dagdag pa ni Ogie. "Sabi n'ya, 'Ogie, bakit ko naman gagawin 'yon sa harap ng anak ko? Magpapatalsik ako sa harap ng anak ko?' Sabi ko, 'Anong totoo?' 'Nag-iimbento na lang s'ya, Ogie.'"
Sagot naman ni Michelle, malinaw daw sa nakunang video na inamin ni Tekla na nag-masturbate nga daw ito. Pinanindigan din n'ya ang panggi-gipit diumano ng komedyante sa kanya kapag hindi napagbibigyan sa kama.
"Hindi ko kinakampihan si Tekla, ha," paglilinaw ni Ogie. "Nagkataon lang na una kong nakilala si Tekla at hindi ko pa nakikilala si Michelle. Michelle, huwag kang magalit sa akin, ha. Pero sinabi ni Tekla kanina sa akin na mula nu'ng ikaw ay makapanganak hindi na raw kayo nag-sex."
Pahabol na tanong pa ni Ogie: "Sa puno't dulo nito, ano ang gusto n'ya maging resulta nito? Maging maayos sila ni Tekla o gusto n'ya makulong si Tekla?"
"Magdamag ko pong pinag-isipan ito," sagot naman ni Michelle sa kabilang linya. "Naawa po ako sa anak ko kasi nanggaling po ako sa broken family. Ang hirap po na lumaki ng walang tatay, e, 'di ba po? May anak po s'yang [si Tekla] panganay... Pinag-isipan ko pong maigi kaso kung hindi ko po ilalaban 'tong kaso na ito...
"Gusto ko pong pagbayaran n'ya 'yong mga ginawa n'ya. At hindi lang po sa akin, Sir, e. Pati rin po sa anak ko. Kung isipin n'yo, ilang taon akong nagtiis, 'di ba? Mahal ko din po 'yang tao na 'yan, e. Kaso po akala ko may pagbabago kaya bumalik ako ng condo."
Hiling naman ni Ogie na makapag-usap sina Tekla at Michelle para maayos ang gusot sa pagitan nilang dalawa.
Humingi naman ng paumanhin kay Raffy si Rose Conde na manager ni Tekla dahil hindi pa nga ito nakakapagpa-unlak ng interview sa programa nito.
"Sa totoo lang po, sa ngayon, super depressed s'ya," pagbabahagi ni Rose. "And at the same time, hindi n'ya akalain na gagawin sa kanya ito ng taong minahal n'ya for six years.
"Pasensya na hindi pa s'ya makapagsalita dahil s'yempre po, taga-GMA s'ya. Meron po kaming kontrata sa GMA so, respeto na lang po muna sa GMA na nagpapa-alam po muna ako.
"Sa totoo lang po kausap ko s'ya [Tekla] kagabi. Tinanong ko lahat ng akusasyon ni Michelle. Sinabi n'ya, 'Mommy, kilala mo ako. Maaaring may pagkukulang ako sa inyo, sa ugali ko, pero ang respeto ko kay Michelle ganu'n-ganu'n na lang kasi ganu'n ko s'ya kamahal."
Pag-amin pa ni Rose Conde, ilang beses na daw n'ya sinabihan si Tekla na iwanan na si Michelle para mapabuti ito pero never daw nakinig si Tekla sa kanya.
"Sa totoo po, everytime na mababanggit n'ya ang pangalang Michelle, umiiyak s'ya sa akin. Alam ko po 'yon, Sir Raffy, kung gaano n'ya kamahal si Michelle. Ilang beses ko na s'yang sinabihan na hiwalayan n'ya 'yang babaeng 'yan kasi walang maiitulong sa kanyang mabuti 'yan pero hindi n'ya ako pinakinggan."
Ayon pa kay Rose, planted din daw ang video na inilabas ni Michelle para sirain ang pangalan ni Tekla.
"'Yon pong pag-aaway nila, mainit na sila nu'n. Kung anong sinasabi ni Michelle sa video 'yon ang gusto n'yang iparating sa tao kasi planted nang ipapa-Tulfo si Tekla. Gumawa sila ng video para ipadala sa inyo...
"Ano ang pinagsimulan ng gulo? Ano ang pinagsimulan ng away? Gusto nang makipaghiwalay ni Michelle kay Tekla. Humihingi ng [perang] pang-umpisa kay Tekla. Walang maibigay si Tekla kasi wala pa po s'yang pera. Wala pa po s'yang income ngayon. Mag-uumpisa pa lang ang s’weldo n'ya ngayong payday. Wala s'yang maibigay so nag-aaway na sila."
Hindi rin daw totoo na ginugutom ni Tekla sina Michelle. Maaaring na-late daw ang pagkain pero sa four years ay hindi daw n'ya ginutom ang mga 'yon. Katunayan, si Tekla pa daw ang nagluluto para pakainin sina Michelle, kapatid at mga pamangkin nito.
"Sa isang pagkakamali, sa maraming beses na tumulong sa inyo si Tekla, hindi n'yo naisip 'yon?" tanong ni Rose kay Michelle. "Isang pagkakamali ni Tekla nad'yan agad kayo kay Sir Raffy?
"Sinabi sa inyo ni Tekla mag-usap kayo. Kung maghihiwalay kayo, sige. Handa naman 'yang tulungan 'yong bata. Pero nu'ng hinihingian n'yo s'ya ng pang-umpisa, hindi s'ya nakabigay, doon na po nag-umpisa ang gulo."
Itinanggi naman ni Michelle ang paratang ni Rose na planted diumano ang video na mula sa kanila. Aniya, naaktuhan lang daw ng kapatid n'ya na nag-aaway na naman sila si Tekla kaya sila na-video-han.
"Kay Mommy Rose po, ano pong alam n'ya?" bwelta n'ya sa manager ni Tekla. "Kasi, totally, ayaw n'ya po sa amin kasi ang inisip n'ya talaga career lang naman ni Tekla, e. Wala po s'yang pakialam sa relasyon po namin."
Binigyan naman ni Raffy sina Michelle at Tekla na makapag-usap muna-off air-hanggang sa Lunes, October 26, baka sakaling maayos pa nila ang gulo sa pagitan nila at bago sila gumawa ng mga susunod na hakbang.
PANOORIN ang kabuuan ng pahayag nina Donita Nose, Ogie Diaz, at Rose Conde dito:
YOU MAY ALSO LIKE:
Donita Nose, hindi daw retokado ang ilong; ka-tandem na si Tekla, di kumbinsido