Wala raw kebs si Direk Mikhail Red sa mga nagbibigay ng negative comments sa kanyang Metro Manila Film Festival (MMFF) 2022 entry and award-winning movie na Deleter.
Iyan ang inilahad n’ya sa exclusive virtual interview n’ya with pikapika.ph kamakailan matapos humakot ng parangal ang kanyang pelikula sa Gabi ng Parangal ng MMFF last December 27, 2022.
Naiuwi ng Deleter ang best picture, best cinematography, best visual effects, best editing, at best sound awards sa MMFF ngayong taon.
Nakuha naman ni Direk Mikhail ang best director award habang itinanghal na best actress ang lead star n’yang si Nadine Lustre.
Marami ang masaya sa tagumpay ni Direk Mikhail at ng kanyang pelikula. Pero s’yempre, hindi pa rin mawawala ang mga bashers na may negative comments sa movie n’ya.
Kaya naman natanong namin ang premyadong direktor kung affected pa ba s’ya sa mga namba-bash sa kanya o sa kanyang pelikula kahit na pinarangalan ito nang bongga.
“I think you can’t have it all. Parang grabe naman ’yong nagka-awards na nga, [okay sa] box office, tapos gusto n’yo wala pang criticism? Walang perfect, ’di ba?” kalmadong sagot niya.
Karapatan naman daw kasi ng mga nagbayad at nanood ng movie na magbigay ng kanilang papuri o puna sa pelikula.
“And subjective ang film. It’s their opinion and it’s their right as long as pinanood nila legally. As long as hindi sila nagki-criticize na hindi naman nila napanood. ’Yon ’yong weird. Talagang hater na lang ’yon,” dagdag pa n’ya.
“Pero if nagbayad ka ng ticket and nanood ka, right mo ’yon, ’di ba, as a viewer.”
Binigyang-analogy pa niya ang panonood ng sine sa pagkain sa isang restaurant.
“Para kang kumain sa restaurant. Right mo sabihin na hindi masarap ’yong food. I mean, wala kang pakialam d’yan kung gaano kahirap lutuin ’yon, kung one year nilang niluto ’yong steak. It doesn’t matter. No excuses ’yon. Ang nagma-matter sa’yo ’yong lasa,” paghahalimbawa pa ni Direk Mikhail.
“And ’yon ’yong film. It’s all about taste. So, iba-iba ang taste ng tao. You can’t please everyone with one film. Medyo mahirap gawin ’yon.”
Dagdag pa n’ya, bilang direktor ay nasanay na umano s’ya sa mga taong nabibigay ng komento sa mga ginawa n’yang movie. At hindi siya maituturing na pikon gaya ng iba na hindi makatanggap ng kritisismo.
“Sanay na ako. It’s part of the job. Ako, I don’t interact naman,” aniya.
Napansin nga daw n’ya na nakakatulong pa, somehow, sa pelikula ang bashing dahil naku-curious ang mga viewers kaya’t pinapanood nila ito.
“Natutuwa nga ako na ’yong films namin, even if it becomes divisive, ’no, parang ang interesting n’ya. Even people who are not fans, ’yon ’yong una nilang papanoorin. Parang Day 1 pa lang, kahit ihi-hate nila, ’yon kaagad ang pipilahan nila. It creates discussion,” lahad ni direk.
Ayon pa sa kanya, mabuti nang pinapasin ang pelikula n’ya kesa naman isnabin ito ng publiko.
“Parang mas okey nang pinag-uusapan ’yong film mo kesa ignored ka, kesa lumipas lang ’yong movie mo. ’Yon ’yong ina-avoid namin na parang disposable cinema na come and go lang,” pahayag ni Direk Mikhail.
“Gusto namin ang movies namin may lasting impact na nadi-discuss, na nagagawan ng memes, pinagde-debate sa mga forum, kinukuwento mo, may word of mouth, may repeat viewings. ’Yon ’yong mga gusto namin na impact of a film.
“So, if positive or negative [remarks], right ’yon ng viewers and it’s part of the job. Kami kasi as filmmakers, nag-e-enjoy ka dapat sa proseso hindi lang sa validation. Dapat hindi ’yon ’yong habol mo,” pagtatapos n’ya.
Sa ngayon ay palabas pa rin sa mga sinehan nationwide ang Deleter at patuloy na malakas pa rin ang pagtangkilik ng publiko sa first ever MMFF entry na ito ni Direk Mikhail Red.
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber