Nagpatawag ng pocket press conference ang TAPE, Incorporated at humarap sa ilang piling miyembro ng media ang legal counsel nilang si Atty. Maggie Abraham-Garduque.
Matapos kasing lumabas ang decision ng IPO na pabor sa TVJ na sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon na may kinalaman sa karapatan sa trademark ng Eat Bulaga, ay marami ng mga komento at batikos ang naibabato ng mga netizen sa TAPE, Inc. lalo na noong inanunsyo nilang mag-aapela sila.
Para sa mga netizens, dapat ay hindi na nila umano ginagamit pa ang contested title kahit pa sila'y may appeal. Banat din ng TVJ, respeto lang umano ang hinihingi nila at ibalik na ang hindi umano sa kanila.
Kaya minabuti ng TAPE na bigyang-linaw ang lahat at kung bakit din sa kabila ng pagpabor ng IPO sa TVJ ay ginagamit pa rin ng TAPE, Inc. ang titulong Eat Bulaga sa kanilang noontime show sa GMA-7.
Nakadagdag pa aniya sa confusion ng mga tao ang kabi-kabilang cases ng bawat kampo against each other.
Pagsisimula ni Atty. Maggie: “Gusto lang po naming klaruhin na dahil nga po maraming pending cases, may mga dumarating sa aking mga question na, ‘Ano po ba ang lumabas na desisyon? Desisyon po ba ito ng korte? Desisyon ng Marikina court? Decision ng IPO?...’
"So, ang mga pending cases po kasi ay ito...noong June 2, nag-file for petition for cancellation ang TVJ ng trademark registration ng TAPE, Incorporated for Eat Bulaga. That’s 2 days, after mag-announce po sila noong May 31 na aalis na sila sa TAPE, Incorporated.
"Noon pong February 27, 2023, nag-file po ng petition for application si Joey de Leon for trademark of Eat Bulaga.
"Noong March 22, 2023, nag-file rin ng application for trademark registration ang TVJ naman. Tapos, nito pong June 30, nag-file naman po sa RTC (Regional Trial Court) of Marikina ang TVJ for complaints for copyrights infringement with application for TRO (Total Restraining Order) and injunction.
“So, ‘yun po ang mga pending cases.
“So, ano po 'yung lumabas na decision? 'Yung lumabas po na decision ay para sa petition noong June 2, for cancellation of trademark of registration na nakabinbin po sa Intellectual Property Office.
“So, kinaklaro po namin na hindi po ito ‘yung sa Marikina court. So, 'yung lumabas po, ‘yung decision na nakabinbin, hindi po sa Director’s General ng IPO kung hindi sa adjudication office pa lang po ng Bureau of Legal Affairs.
“Kaya kung makikita n'yo po ang decision, ang nakapirma pa lang po ro’n ay ang Adjudication officers. So, 'yun po ang na-receive namin noong December 5.”
Dugtong na paliwanag pa ni Atty. Maggie: “Dahil po ang decision ay decision pa lang ng Adjudication Officer ng Bureau of Legal Affairs ng IPO, katulad nga po ng statement ng IPO na alam ko po, nabasa naman po ninyo dahil ito ay public statement ng IPO na nilabas nila noong December 6, sinasabi naman nila na itong decision ng Bureau of Legal Affairs ay appealable. P'wede pong i-apela ng TAPE, Incorporated within 15 days sa Director ng Bureau of Legal Affairs.
“So, ang adjudication officer po, meron pong mas mataas sa kanya, 'yun po ang Director ng Bureau of Legal Affairs. In the event po na hindi okay ang maging decision, it will still be appealable, ang decision ng Director ng Legal Affairs ay pwede pa rin i-apela sa Director General or 'yung pinakamataas na official ng Intellectual Property Office or IPO Philippines.”
Ayon din kay Attorney Maggie, kahit daw ang lawyer ng TVJ na si Attorney Buko dela Cruz ay kinumpirma rin ang ganitong proseso.
“Kinumpirma rin po ni Atty. Buko na itong case, kahit matapos sa IPO ay p'wede pa ring i-apela sa Court of Appeals and Supreme Court. So, ano po ang ibig sabihin nito? Bakit po namin ine-explain? So, this just means na hindi pa po pinal ang decision ng Adjudication Officers or Bureau of Legal Affairs.
“Dahil appealable pa siya, hindi pa po tapos kumbaga, 'yung findings. Maaari pa pong ma-reverse ['yong decision] or maaari ring ma-approve 'yong appeal. Kaya po ang sinasabi namin, para wala na pong maging conclusion or magkaroon na ito na ang decision ay pagbigyan naman po natin ‘yung apela rin namin na maka-akyat at marinig din.
“Huwag po nating i-preempt ang decision ng body na nagre-review or magtitingin ulit ng decision nitong adjudication officers. At dahil nga po hindi pa siya pinal, hindi pa po p'wedeng i-execute.
“’Yun naman po ay napaka-basic sa lahat ng kaso at legal proceedings at legal processes... na ang isang decision na hindi pa final ay hindi pa p'wedeng i-execute.”
Ipinaliwanag din ni Attorney Maggie na kung titingnan daw ang record sa IPO, ang registration daw ng TAPE, Incorporated sa Eat Bulaga ay rehistrado pa rin.
“You can check it and up to today, ang registration status ng Eat Bulaga for TAPE, Incorporated ay still registered pa rin po sa IPO. Existing pa rin po and valid.
“As regards sa status sa application ni Joey de Leon for trademark registration...up to this day po, makikita n'yo sa website and I can attest to that... ang nakalagay pa rin po ay pending. So, pending pa rin po ang kanyang application for registration.
“Kaya gusto lang po naming klaruhin na sa benefit din po ng IPO na ‘wag po nating bigyan kaagad ng kahulugan. Sa mga lumalabas po kasi na mga news o mga statements, na-award na po ang trademark registration kay Joey de Leon. Tingnan na lang po natin kung ano ang nakalagay sa site. Pending pa rin naman po siya.”
Kaya paglilinaw pa rin ni Attorney Maggie, “Ang posisyon po ng TAPE, Incorporated, as of now, we still have the right for the trademark of Eat Bulaga. There’s still no award given to Joey de Leon as regards to trademark registration of Eat Bulaga.
“Kaya po ang posisyon po ng TAPE, Incorporated ay maaari pa rin po naming gamitin ang Eat Bulaga sa aming show kasi po, nasa amin pa rin po ang trademark registration until such time na may pinal ng decision na hindi namin 'to pwedeng gamitin, saka lang po ito hindi p'wedeng gamitin ng TAPE, Incorporated.
“Sa decision din naman po na inilabas ng IPO, wala rin naman pong nakalagay ro’n na dahil sa decision na ito, pinagbabawalan na namin ang TAPE, Incorporated na gamitin ang Eat Bulaga.
“So, dahil walang nakalagay ro’n, susundin lang po namin kung ano ang nasa decision.”
Sinagot din ni Atty. Maggie ang panawagan ng TVJ na respetuhin daw sana ng TAPE ang decision ng IPO.
“I know that there’s a call for TAPE, Incorporated to respect the decision," ani Atty. Maggie. "We are respecting the decision po and we are respecting the process and with this same respect kaya po umaapela kami sa Bureau of Legal Affairs Director. It is the same respect na kahit po para sa amin, hindi man po kami naging agreeable sa naging decision ay irerespeto po namin ang legal process at magpa-file po kami ng appeal.
Noong December 12, 2023 ay nag-file na nga sila ng apela sa Bureau of Legal Affairs sa pamamagitan ng e-mail.
“Hihintayin po natin and under the rules po, papasagutin po sila sa appeal natin at saka po magde-decide ang Bureau of Legal Affairs. Sa amin po sa TAPE, Incorporated, sana naman po, irespeto rin po natin ang proseso.
“Until such time po na wala pang pinal na decision ang lahat ng agencies na dadaanan ng kasong ito, let’s us respect the registration of TAPE, Incorporated. ‘Yun lang naman po ang hinihiling namin.”
Alam din niya na maraming mga negatibong komento, lalo na sa social media ang ibinabato sa TAPE, Incorporated.
“If there’s a lot na batikos sa amin dahil ginagamit pa rin namin ang Eat Bulaga, hindi naman po namin ito ginagamit dahil wala po kaming basehan. We’re still counting or invoking our registration, which to this point, is still valid.”
Sa huli, tinanong namin kay Attorney Maggie kung sa nangyari, p'wede na talagang gamitin ng TVJ ang Eat Bulaga na title?
“Para sa amin po hindi,” sagot naman niya. “Kasi, up to this day, if you will check, ang registration po is sa TAPE, Incorporated. As with regards to the registration of Joey de Leon, pending pa rin po.
“So. the thing is, there’s still no registration under Joey de Leon of the trademark Eat Bulaga. Sa appeal po namin, chineck po namin 'yan."
YOU MAY ALSO LIKE:
Sa kabila ng panawagang "respeto" ng TVJ; TAPE Inc., tuloy pa rin sa paggamit sa Eat Bulaga title
Pika’s Pick: TVJ and Legit Dabarkdas celebrate for winning Eat Bulaga trademark case against TAPE
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber