Masaya si Christian Bables dahil may MMFF movie na naman siyang ihahandog sa kanyang mga tagasubaybay.
Kasama kasi siya sa cast ng comedy-drama'ng Broken Hearts Trip.
Pero kahit ilang beses na siyang nanalo ng award sa MMFF, hindi naman daw siya nage-expect na manalo this year.
"I did my best. Sa lahat naman po ng mga pelikulang ginagawa ko, hindi ako nage-expect kung mananalo ako o hindi. I just do my best as actor. Pero, sana. Sana kung ipagkakaloob ni God at ng pagkakataon, thank you. Pero kung hindi, alam ko namang deserved iyon ng mananalo kung di man ako iyon," aniya.
Pero kung papipiliin between awards and box office success, sana raw ay parehong ibigay.
"Kung puwede, both. Iyong box office para doon po sa mga sumugal sa pelikula. Iyong awards po para iyon sa hard work na ginawa ng actors, director, at lahat. So, kung puwede po, both," paliwanag niya.
Sa pelikula, binibigyang buhay ni Christian ang role ni Alfred, isang gay host ng reality competition called "Broken Hearts' Trip" na tumulong sa mga contestants na hanapin ang paghilom sa kanilang mga sarili. Sa huli, mapagtatanto niyang siya man ay naghahanap din ng healing.
Aniya, nakaka-relate raw siya sa kuwento ng pelikula dahil siya man ay nakaranas na ng matitinding heart breaks.
Ang una ay heart break na dulot ng isang mapaglarong babae.
"Iyong first noong high school. Nagpaligaw kasi siya, e," pagbabalik-tanaw niya. "Tapos, sabi niya sa akin, bibigyan niya ako ng sagot pag prom na. Binibitbit ko iyong mga gamit niya. Binibigyan ko siya ng bunwich sa Dunkin Donuts tuwing hapon. Hinahatid ko siya sa kanila tuwing hapon. Pero noong prom, sinagot niya ako ng 'No.'
"Ang tagal niya akong hinayaang gawin iyon sa kanya. Hanggang ngayon, nare-relive pa iyong pain. Maybe because it was the first time for me to really fall in love," may pait na lahad niya.
Ang pangalawa, tadhana naman ang naglaro sa kanya.
Nagkaroon daw siya ng short-lived relationship sa isang mapagmahal at maalagang babae. Pero nauwi rin sa paghihiwalay ang kanilang naging relasyon.
"Flight attendant siya," muling kuwento niya. "Graduate na ako noon pero sobrang raw pa ako noon. Di pa ako artista. Parang pinaramdam niya sa akin iyong totoong meaning of love. Parang that time, 'yon 'yong totoong love for me.
"Parang inalagaan niya ako. Parang baby. Sugar mommy," natatawang pagri-real talk niya. "Wala kasi akong trabaho noon. Siya iyong may trabaho. Tapos, ako iyong tipong, 'Pag naging artista ako, ibibigay ko sa iyong lahat.' Ganito, ganyan.
"Tapos, minsan, hinatid niya ako sa MRT. Nag-taxi kaming dalawa. Tapos meron pa siyang dalang paper bag na may Ferrero na may pa-heart na chocolates tapos may panyo.Tapos, sabi ko, 'O, para saan ito? ' Sabi niya, 'Last na natin itong pagkikita.'
"Meron pala siyang boyfriend na di maiwan. It turned out na ako pala iyong other man. Sobrang sakit that time. Nakakaiyak sa bus," patuloy na pagto-throwback niya.
Gayunpaman, may natutunan daw naman siya sa kanyang mga naging karanasan.
"Siguro ang natutunan ko: 'Don't settle for less. Pag red flag, cut na. Kasi para kang kumuha ng batong ipupukpok sa ulo mo," saad niya.
Aniya pa, sa tuwing nakakaranas daw siya ng heartbreak ay bumabalik sa kanyang core na siya niyang pinagkukunan ng lakas.
"Ako siguro sa bahay, sa pamilya, sa mga taong totoong nagmamahal sa'yo. So that you can be reminded again of the love that you really deserve," makahulugang pahayag niya.
At this point, ang kanyang career daw ang kaynag prayoridad kaya wala siyang karelasyon.
At kahit nali-link a kanyang Dirty Linen co-actor na si Jennica Garcia, mas pinahahalagahan daw nila ang nabuo nilang bond at friendship sa set.
Blessing niyang itinuturing ang pagkakaroon ng isang tunay na kaibigan at confidante in the person of Jennica.
"Alam niya 'yong about my lovelife. Iyong past lovelife ko and alam ko rin kung anong nangyari sa kanya as a mom."
Nakahanap daw siya ng taong masasabihgan niya ng lahat sa buhay n'ya, malaki man o maliit.
"Kapag may discomfort akong nararamdaman, kahit masakit lang ang ulo ko, sinasabi ko sa kanya kasi talagang magkaibigan kami," deklara niya.
Speaking of his MMFF movie, sobra raw siyang nag-enjoy sa proseso ng paggawa ng pelikula dahil sa bond na nabuo nila while doing the movie.
"Masaya silang kasama. Nakatulong din na parang nagbakasyon kami in different tourist destinations na ipakikita sa pelikula," bulalas niya.
And in his own way, naiparamdam naman daew nya sa mga kasama ang pagiging supportive co-actor niya.
"Supportive ako sa mga co-actors ko. Minsan may lumapit sa akin, 'Christian, natatakot ako sa eksena natin, parang di ko kaya.' Sabi ko, 'Ganito lang iyan, tingin ka sa akin, damdamin mo lang ako, ibibigay ko sa iyo kung ano ang dapat mong maramdaman.' Awa ni God, naitawid namin ang eksena," pagbabahagi niya.
Tampok din sa laugh-all-you-can treat na ito sina Teejay Marquez, Marvin Yap, Petite, Iyah Mina, at Andoy Ranay bilang mga miyembro ng LGBTQ community na nabigyan ng pagkakataong makapag-biyahe at makalahok sa isang contest para hilumin ang kanilang mga sawing puso.
Kasama rin sa cast sina Jay Gonzaga, Ron Angeles, Argel Saycon, Arnold Reyes, Kevin Posadas, at Simon Loresca.
May special participation din sina Tart Carlos at ang 2016 Cannes Best actress na si Jaclyn Jose.
Mula sa produksyon nina Benjie Cabrera, Omar Tolentino at ng Power Up Workpool Inc., ang MMFF entry na Broken Hearts Trip ay mula sa direksyon ni Lemuel Lorca at sa panulat ni Archie del Mundo base sa original story ni Lex Bonife. Ito ay handog ng BMC Films sa pakikipagtulungan ng Smart Films.
YOU MAY ALSO LIKE:
Christian Bables, muntik nang talikuran ang showbiz noon dahil sa tampo
Pika's Pick: Christian Bables mourns the passing of his pet, Prada
Christian Bables, umaming nabiktima ng “Popstar Meal” fan-made ad
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber