Bianca at Miguel, high na high kay Direk Bitoy

(Inset Photo): Direk Bitoy with his lovely wife and production partner, Carolina “Ayo” Bunagan.

PHOTOS: Anna Pingol

(Inset Photo): Direk Bitoy with his lovely wife and production partner, Carolina “Ayo” Bunagan.

Hindi na totally bago kay Michael V., o mas kilala ng mga kaibigan niya sa showbiz as Bitoy, ang pagdidirek. Hindi man siya directly nagdidirek sa long-running gag show na Bubble Gang, ay di maikakaila na malaki ang creative input niya sa show. Sa sitcom naman na Pepito Manaloto—na sariling concept din niya—ay aksidente na raw siyang nakapag-direk ng ilang episodes na kinuhanan abroad dahil sa na-delay ang flight ng totoong director kaya napilitan siyang mag-take over.

Pero sa pelikula, first attempt niya talaga ang upcoming na Family History na isa raw family drama with a touch of Michael V.’s brand of comedy. At dahil first-timer, minabuti ni Bitoy—Beethoven Bunagan in real life—na siya na rin muna ang mag-produce at magsulat ng material para hindi masyadong malaki ang adjustment. Bale co-prod nila ng asawa niyang si Carol Bunagan—through their Open Mic Productions—ang venture na ito with GMA Pictures (na isang sangay ng revamped GMA Films na isa nang umbrella company ngayon).

Handpicked ng mag-asawang Bunagan ang sikat na Sahaya loveteam nina Bianca Umali at Miguel Tanfelix—o mas kilala sa uniname na BiGuel—para makasama sa pelikula. Anak ni Bitoy at Dawn Zulueta dito si Miguel, na isang band member, at girlfriend niya ang ka-tropa niya sa banda na si Bianca.

Tuwang-tuwa ang magka-loveteam na sa dami ng mga artista ng GMA ay sila ang napili for the movie. Kapwa sila excited na makasama first directorial journey ni Bitoy na kilala sa pagiging creative genius nito. Naa-amaze ang magka-loveteam na obserbahan si Bitoy sa set dahil bukod raw sa masaya at cool itong ka-trabaho ay marami pa silang napi-pick up na lessons dito along the way.

“Very exciting,” panimula ni Bianca, na nakausap ng pikapika sa set mismo ng Family History sa Marikina kamakailan. “Miguel and I, we’ve worked with Kuya Bitoy a few times sa Bubble Gang pero di po namin siya masyadong nakaka-eksena doon.

“Pero dito [sa Family History], no’ng nalaman ko po na it was his first film—and he’s directing it, he produced it and he wrote the story—na-excite po ako kung paano niya gagawin kasi tatlo po ’yong role niya sa production and ’yong tatlong pinaka-importanteng pillars pa ng isang production ang kanyang ginagampanan.”

Bukod pa doon, nakadagdag din daw sa paghanga ni Bianca kay Bitoy ang pakikipag-collaborate nito sa sariling asawa na siyang tumatayong critic at consultant nito.

“And watching him work, nakaka-amaze po and my favorite factor po about Kuya Bitoy is how passionate he is and how, along his journey, kasama niya ’yong wife niya every step of the way. Sobrang sarap po nilang panoorin na consultant and critic niya ’yong wife niya.”

Bilib na bilib si Bianca sa pagka-multi-tasker ni Direk Bitoy.

“After po niya mag-take, ipe-playback niya ’yong eksena, gano’n po…tapos siya din po nag-aayos, siya din po nagre-revise, siya din ’yong sumasagot pag may mga tanong kami. Nakakatuwa po. Sobrang galing.”

Miguel, for his part, shares in Bianca’s admiration for the new director. And like Bianca, amaze na amaze din si Miguel sa panonood ng kilos ni Bitoy.

“Para sa akin po ano, masaya kasi sobrang creative niya po and fun,” hirit ni Miguel. “Kasi ngayon lang po ako naka-experience no’ng kasama mo sa isang eksena, magdidirek din po ng eksena…so, nakakatuwa po mag-observe…and no’ng unang nalaman ko po na makakasama ko si Direk Bitoy sa movie, natuwa po ako; pero mas natuwa po ako na directed and written by Direk Bitoy po ang Family History. Kasi alam ko pong creative siyang tao. Naengganyo po ako lalo.”

Family History is slated for a June or July release.

 

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.