Baby Sixto, hindi daw malaman nina Dong at Marian kung sino kamukha; Zia, may ate duties daw

PHOTOS: Anna Pingol & @marianrivera on IG

PHOTOS: Anna Pingol & @marianrivera on IG

Noong press conference lang ng StarStruck Season 7 kamakailan sa GMA-7 nakaharap nang karamihan sa mga entertainment press si Dingdong Dantes mula nang ipanganak ang pangalawang anak nito na si Jose Sixto Dantes IV or Sixto for short.

Kaya naman excited ang press na usisain ang StarStruck host tungkol sa poging baby boy niya, who will turned two months old kahapon, na tamang-tamang sa celebration ng Father’s Day.

Feeling brand new parents daw sila ni Marian Rivera ngayon sa pag-aalaga kay Sixto or at may mga moments na naalala din nila kung paano sila kay Baby Zia, who is now three years old, noon.

“How different?  Well, ’yong mga steps medyo same, e, pero the thing is hindi ko lang naalala ’yong mga pinagdaanan namin kasi very much focus kami sa pagpapalaki kay Zia noon,” esplika ni Jose Sixto III.

“No’ng dumating ’yong bago, ‘ganito pala, ganito pala!’ So parang brand new ulit sa amin. So maganda dahil it’s like starting from the beginning again. Binigay ulit sa amin ’yong gano’ng experience na ’yong kaba, ’yong excitement, ta’s ngayon ’yong pagpapalaki. So it’s a process that I wouldn’t mind going over and over again.” 

Kung may adjustment man daw sa part niya ay ’yong paminsan-minsang naninibago pa rin siya na apat na sila sa pamilya. 

“Mas may extra stroller nang itutulak,” natatawang tsika ni Dong. Parang no’ng Linggo nagda-drive kami, Sanay ako sa tatlo lang sila, e, may pang-apat na ta’s may isa pang stroller. May mga gano’ng adjustment.”

Never daw kinakitaan ng selos si Zia kay Sixto. Bukod kasi sa naihanda nila ito emotionally sa pagdating ng bagong baby ay siniguro nilang may full involvement ito sa pagpapalaki kay Sixto. At feel na feel naman daw ni Zia ang pagiging ate nito.

“Walang pagseselos. Kasi ang konsepto ng pagiging ate buong-buo sa kanya,” dagdag na paliwanag niya.

“Meron siyang tasks. So, kunyari kailangan magtapon ng diapers, siya nagtatapon. So, kailangan i-involve.”

Sa ngayon ay napapag-usapan na raw nilang mag-asawa ang binyag ni Sixto at may mga initial na silang napiling godparents. Date nalang daw ang inaayos nila ni Marian sa ngayon.

And speaking of Marian, baka matagalan pa raw bago magbalik-trabaho ang GMA Primetime Queen dahil ninanamnam pa nito ang panibagong experience na maging mommy to a baby boy this time.

Kung may choice din naman ako, ako rin e, hindi rin ako aalis ng bahay. Pero, ‘Ako na’ng bahala gawin ’yong trabaho para sa atin, relax ka lang.’” paniniguro ni Dong na tila si Marian ang kausap.

Nang may nagbiro kay Dong na may pagpapa-manahan na siya ng napakarami nitong motor at kotse, natawa lang si Dong na kilala talaga bilang car and motorcycling enthusiast.

“Pero mga materyal na bagay yan. Materyal lang yan,” pangdi-dismiss ni Dong sa topic. “Mahalaga turuan mo sila maging mabuting tao.”

At kung may ibang puntos man daw ang pagkakaroon ng anak na lalaki, ito ay ang kasiguraduhan na may bodyguard na ang mga girls ng Dantes Squad. 

“May bodyguard na ’yong nanay niya. Siya na ’yong kapalit kapag wala ako.”

Samantala, masyado pa raw baby si Sixto para ma-distinguish na kung sino talaga ang kamukha. Maging sila-sila raw sa pamilya ay nalilito pa sa ngayon. Ipinaubaya nalang niya sa mga taga-press at sa publiko ang pagkilatis.

“Iba-iba, e,” natatawang sambit ni Dong. “Parang kanina iba na naman, e. Oo, nag-iiba. Minsan kamukha ng lolo niya sa Madrid [tatay ni Marian], tapos ’yong kilay niya ’yong sa tatay ko, ’yong baba ’yong mommy ko, si Marian minsan, si Zia, kamukha rin ni Zia.

“Kayo ang makakapag-sabi. Hahaha!”

Samantala, bising-bisi ang mid and latter part ng 2019 para kay Dong. Bukod kasi sa pagho-host ng StarStruck at Amazing Earth ay nakatakda na niyang simulan ang Pinoy adaptation ng hit Koreanovela’ng Descendants of the Sun.

Malapit na rin daw matapos ang A Hard Day niya sa Viva Films na hango rin sa isang patok na Korean film.

Meanwhile, nag-pilot na ang StarStruck last June 15. Mapapanood ito sa GMA-7 every Saturdays (after Daddy’s Gurl) and Sundays (after Daig Kayo ng Lola Ko); habang ang online show nitong Inside Starstruck, hosted naman by Kyline Alcantara ay mapapanood daily at 6pm sa YouTube channel nito.

 

 

YOU MAY ALSO LIKE:

Watch: Ano kaya ang latest discovery ni Dingdong Dantes sa anak na si Zia?

Zia Dantes dresses up as Marilyn Monroe for school anniversary

Dingdong, hindi bibitaw sa pangarap na makasama pa rin sa isang project si Eddie Garcia

Marian Rivera shows off her daughter Zia’s award on IG

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.