Ang maka-penetrate sa Hollywood, gaya ng amang si Cesar Montano, ang isa sa malalaking pangarap ng aktor na si Diego Loyzaga. At isa pala iyon sa dahilan kung bakit siya nagtagal sa Amerika nang magbakasyon siya doon simula last week of December hanggang third week of February.
Sa nakaraang private screening ng Adarna Gang, kung saan isa siya sa mga bida, sinimplehan namin siyang tsinika. Nasabi namin sa kanya na inakala naming hindi na siya babalik ng Pilipinas dahil nasambit niya sa The Wife mediacon noon na gusto na niyang manirahan doon at sa katunayan ay naghahanap na siya ng matitirhan.
Napangiti ang aktor bago sumagot.
“Yeah, I mean that, I want to try Hollywood, subok lang di ba? Who knows? Pero I have contract with Viva (Films), so, I have to be back. Try natin. It’s still in my bucket list.”
(Matatandaang naging bahagi si Cesar ng malaking Hollywood film na The Great Raid noong 2005.)
Mukhang malabong makawala si Diego sa Viva Films dahil nasa 7-8 films yata ang gagawin niya for 2022 alone.
Nasambit kasi namin na may tatlong movies na kaming alam na gagawin niya sa Viva at doon ay tumawa siya sabay urot sa amin na: “Tatlo lang?”
At saka niya sinabi sa amin na before Adarna Gang ay may natapos na siyang dalawa na naghihintay nalang ng playdate at may mga sinu-shoot pa.
Anyway, kahit naman naka-kontrata sa Viva ang aktor ay puwede pa rin niyang subukan ang Hollywood lalo’t marami ng Filipino artists na nakagawa at gumagawa ng pangalan doon
Maya-maya ay nilapitan ni Diego ang dalawang ginang at inasikaso ang mga ito. It turned out, ito pala ang mga kumupkop sa kanya sa Amerika noong nandoon ang aktor.
Hindi namin nakuha ang mga pangalan nila pero ang nakangiting sabi ng isa sa kanila sa amin ay: “Sa amin siya nag-stay. He’s part of the family. My new son.”
“Yeah, kina Tita ako nag-stay [sa US],” pagkukumpirma ni Diego. “They treated me na anak,” nakangiting patuloy ng binata habang nakayakap sa ginang.
Tinanong nga namin kung sumama talaga sila kay Diego sa pag-uwi ng Pilipinas at si Diego ang sumalo sa tanong.
“Ah no!,” aniya. “They have other business to attend to.”
Natanong din namin ang tungkol sa $100 bill na sinulatan niya ng pangalan niya na nai-post niya sa kanyang Instagram. Hindi ba ipinagbabawal ang act na ito doon?
“No, dito lang naman sa atin na bawal sulatan [ang pera],” ani Diego. “ And it’s not my money. They [outlet store personnel] told me to put my name on it when they learned na aktor ako,” kaswal na k’wento niya.
Ang particular na outlet store na iyon na napuntahan ni Diego ay ang UniqueHype Collection na matatagpuan sa New York City, USA.
Masayang ikinuwento pa ni Diego na bukod-tanging siya lang daw ang Filipino actor na inalok pumirma sa $100 bill na itinabi sa pirmadong bills din ng mga sikat na rapper sa US. Sabi pa namin na sayang naman ’yung mga dollar bills dahil nasa $1000 lahat kung susumahin [ang nakalarawn sa post niya].
“Yeah, I know. E, ganu’n sila,” kibit-balikat ng binata.
Samantala, pagkatapos ng screening ng Adarna Gang movie ay pinagkaguluhan si Diego para hingan ng komento sa viral photo nila ng dating kasintahang si Barbie Imperial sa isang restaurant sa Pasig City ilang gabi na ang nakaraan.
Tumatawa muna ang aktor at ayaw daw niyang sumagot pero sa kalaunan ay nagpa-unlak din ito. “Okay, what do you wanna know?”
Kung nagkabalikan na ba sila ng aktres?
“We’re friends, we’re friends. No (hindi kami nagbalikan), Barbie and I, we’re friends.
“We spent a very long time together. Imposibleng hindi kami maging magkaibigan. The respect is there and the friendship is still there. So, why not keep that friendship?” katwiran ng aktor.
Naniniwala ba si Diego sa kasabihang love is lovelier the second time around?
“Hahaha! Let’s not all be hopeless romantic, guys. Let’s respect each other, love each other. Peace, truce, peace not war. You know, I made peace with all my demons recently but most of them... I love the fact that Dad (Cesar Montano) and I are good now.
“Why would I want enemies? Why would I want to burn bridges? So, Barbie and I are good and that makes me happy that we are and I want to keep it that way,” pag-eelaborate ng binata.
Nabanggit na rin lang si Cesar Montano...isa nga sa mga wishes ng aktor ang natupad na recently at iyon ay ang pagkaka-ayos nila ng kanyang ama. Dahil dito ay tuloy na raw ang pagsasama nila sa pelikula. Gagawin nila ang remake ng Waway, ang 1993 action movie na pinagbidahan ng huli at kung saan siya na-nominate bilang Best Actor sa Famas noong 1994.
Ang role daw ni Diego ay: “Ako na si Waway. Hahaha! Abangan kung ano sa kanya [karakter ni Cesar].
Si Direk Roman Perez, Jr. umano ang ang magdidirek ng Waway na in progress na daw ngayon.
Sa kasalukuyan ay nagsu-shoot si Diego ng pelikulang kasama naman si Sue Ramirez at mula naman sa direksyon ni Jason Paul Laxamana. And come March 16, ipapalabas naman in advance sa pay-per-view option ng Vivamax, ang Vivamax Plus, ang pelikulang pinagsamahan nila ni Nadine Lustre, ang Greed.
Going back to Adarna Gang, palabas na ngayon sa Vivamax ang nasabing Jon Red movie na tungkol sa mga mafia at sa paghihiganti.
Kasama ni Diego sa pelikula sina Coleen Garcia, Mark Anthony Fernandez, JC Castro, Rob Guinto, at mga beteranong sina Shamaine Buencamino at Ronnie Lazaro.
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber