May panghihinayang ang Kapamilya actor na si Anthony Jennings na hindi na naabutan ng kanyang ama ang tagumpay n’ya ngayon sa showbiz.
Pumanaw kasi ito noong nagsisimula pa lang s’ya sa entertainment industry. At ngayong unti-unti na s’yang nagkakapangalan, wala na sa tabi n’ya ang ama para makita pa ito.
Iyan ang naikuwento n’ya sa entertainment press kamakailan during a mini presscon hosted by Star Magic, ang talent management arm ng ABS-CBN.
Doon ay nailahad ng aktor ang dahilan kung bakit s’ya umiiyak o nagiging emosyonal paminsan-minsan.
“Ako, iyakin talaga ako, e. Hindi lang napapansin ng mga tao kasi, s’yempre, hindi mo na dapat sinasabi sa kanila na, ‘Malungkot ako.’ Hahaha! Hindi naman ganu’n ’yong buhay,” panimulang lahad ni Anthony sa press people.
“Ikaw, kailangan mong solusyonan ’yon kasi ’yong ibang tao may sarili rin naman silang problema, e. Ikaw lang din naman makakasolusyon n’yan sa sarili mo,” dagdag pa n’ya.
Mainam din naman daw ito paminsan-minsan dahil gumagaan ang bigat sa kanyang dibdib.
“I think, kaya siguro ako umiiyak tuwing gabi kasi, s’yempre, iyon nga, emotional ka. May times na magbi-break down ka. Parang naki-cleanse ka after. Parang pagkatapos mong umiyak, ‘Okey na ako ulit.’ Parang ‘Game na ulit,’” sabi n’ya.
At nang matanong s’ya sa dahilan, dito na n’ya naikuwento ang mga huling moment nila ng tatay n’ya bago ito sumakabilang buhay.
“S’yempre, may mga times pag nami-miss ko ’yong erpat ko. Ito nga, ayoko nang sabihin kasi maiiyak ako, pero sasabihin ko ito in a way na komportable,” pagbabahagi ng aktor.
“Before mamatay ’yong erpat ko, sabi n’ya sa akin, ‘Proud ako sa’yo.’ English ito. Ang lalim kasi, ayoko nang English-in,” natatawang sabi pa n’ya.
Pero sa totoo lang, nakakaiyak daw ang huling pag-uusap nila habang nakaratay ang father n’ya sa ospital.
“[Sabi n’ya], ‘Proud ako sa’yo, sa mga narating mo.’ Nasa ospital na s’ya nito, e. Hindi ko alam na may ganu’n s’yang sakit. Hindi n’ya sinabi sa amin,” saad ni Anthony.
“Kasi si erpat, trabaho s’ya nang trabaho para masuportahan kami. Dalawa kasi kaming natutulungan, financially,” pagpapatuloy n’ya.
Kahit daw kasi nag-aagaw-buhay na ang ama n’ya ay kapakanan pa rin umano nila ang nasa isip nito.
“Financial supporter ko s’ya. Ganu’n din ako sa ermat ko. Tapos ’di namin in-expect na… Sabi ko sa dad ko, ‘Pahinga ka na kasi mahirap ’yong tuloy-tuloy ang trabaho mo.’ ‘Kaya ko ’to. Kaya ko ’to,’” emosyonal na kuwento ng aktor.
“Tapos parang makikita mo sa mata n’ya na may sinasabi s’ya sa’yo. Hindi kasi umiiyak ’yong erpat ko, e. Hindi umiiyak ’yon sa harap ko. Never. Never ’yon nagpakita sa akin na, ‘Nalulungkot ako,’” he went on.
“Nu’ng time na ’yon nararamdaman ko parang hindi ko alam…. Sabi n’ya, ‘Sige na. Mag-ingat ka d’yan.’ Parang goodbye pero hindi ako nakapagsalita. Na-stun ako.”
Iyon na pala ang huli nilang pag-uusap dahil kinagabihan daw nu’n ay pumanaw na ito.
“Tapos kinagabihan, natulog ako. Tapos in-annouce na lang. Tinawagan [ako], patay na daw [ang erpat ko]. Stunned ako,” pagre-recall n’ya.
Saad pa ng Can’t Buy Me Love co-star, may panghihinayang sa part n’ya hindi man lang daw inabutan ng tatay n’ya ang narating n’ya sa showbiz.
“Hanggang ngayon may mga times na pag binabalikan ko ’yon kasi… Sayang, hindi n’ya nakita [itong narating ko]. Sana, sana nakita n’ya lang,” naiiyak na sabi n’ya.
“Alam ko may plano naman ang Panginoon. Si God, may sarili S’yang way kung paano ka N’ya tutulungan. Hindi mo kailangang hilingin ’yon,” aniya.
“I think, ibibigay N’ya ’yon nang kusa. And kahit ano man ’yong pagsubok na pagdaan mo, at the end of the day, magiging okey din lahat,” he continued.
“Nakikita ko ngayon, ‘Oo nga, ’no?’ Nagkakaroon ako ng realization tuwing gabi.”
Sa puntong ito, pinahid n’ya ang kanyang mga luha at pabirong sinabi na, “Nakakainis kayo. Kailangan pa akong paiyakin dito… Sana lang, sana naabutan ng erpat ko. Sana naabutan n’ya ito.”
Hirit na tanong namin, “May naabutan s’yang konti?”
“Oo naman, naabutan n’ya naman pero iba ’yong ngayon, e. Sayang, e, ’di ba?” tugon sa amin ni Anthony.
Ganu’n pa man, alam daw n’yang ipinagmamalaki s’ya ngayon ng kanyang tatay kahit nasa kabilang buhay na ito.
“Alam ko naman na proud na proud s’ya sa akin. Ramdam ko naman ’yon at dala-dala ko pa rin ’yon every eksena ko, everytime na umaarte ako. Kahit hindi nakakaiyak ’yong eksena. Kahit nakakatawa, kailangan kong bitbit ’yon,” pagtatapos n’ya.
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber