Ai-Ai delas Alas, happy at last!

Ai-Ai delas Alas, happy at last!

Fate must have played a joke on Ai-Ai delas Alas’s past. She wasn’t laughing then. Now 54 and a mom of four, this lady, dubbed as the country’s comedy concert queen, is clearly having the time of her life. And she isn’t just laughing now. She is also, deep in the recesses of her soul, savoring true happiness that wasn’t there before.

Hindi lingid sa kaalaman ng marami na ampon si Ai-Ai. Pero hindi pa niya naii-detalye ang tungkol sa malungkot niyang nakaraang ito until one early morning na umupoo siya sa harap ng pikapika para sa aming Mother’s Day feature interview.

Hindi siya handa sa mga naging tanong. After all, nasa gitna siya ng pagpo-promote ng comedy movie niyang Sons of Nanay Sabel. Pero hindi nagdamot ng detalye ang comedy queen.

 

GOODBYE, GREGORIA; HELLO, JUSTA

Iba ang kaso ni Ai-Ai kumpara sa karaniwang istoryang alam natin tungkol sa mga ampon. Hindi siya ipinamigay, kundi hiningi; hindi inabandona, kundi ipinambayad ng utang na loob.

She was born Martina Eileen Hernandez delas Alas in Calatagan, Batangas in November 11, 1964. Magsasaka ang tatay niyang si

Rosendo delas Alas, habang ang nanay niyang si Gregoria Hernández delas Alas ay isang plain housewife.

Dahil hirap sa buhay ang mga magulang ni Ai-Ai, tinutulungan ang mga ito kanyang Auntie Justa—ang mas naka-aangat na matandang-dalagang kapatid ng kanyang ama—para pag-aralin ang mga kapatid niya at iba pang pamangkin. 

Nang ipagbuntis ni Gregoria si Ai-Ai, ang pang-anim na nilang anak ni Rosendo at that time, nag-deklara si Justa—na isang engineer—na kapag babae ito ay kukuhanin niya. 

“Pito kaming magkakapatid tapos ’yong isa kong kuya namatay,” panimulang kwento ni Ai-Ai. “Bale ’yong isa nasa Canada. ’Yong pangalawa nandito, babae. Pangatlo, nasa probinsya din, pang-apat ’yon ’yong namatay. Pang-lima si ate [Joan, who is also now her personal assistant], ako ’yong pang-anim. [Pang-] pito ’yong bunsong lalaki. Akala last na ako…Hiningi ako ang adoptive mother ko tapos nagkataon babae ako so ’yon ang gusto niya, e, babae.”

Ayon sa mga kwentong napag-tagmi-tagmi niya through the years, isang taong gulang siya ng dalhin sa bahay ng Auntie Justa niya sa Manila at mula noon ay hindi na niya muling nasilayan ang Calatagan. 

Pitong taon naman daw siya nang malaman niyang ampon siya at buhay na buhay ang mga magulang niyang nasa Calatagan.

Aminado si Ai-Ai na nagkaroon siya ng resentment sa pareho niyang nanay—ang adoptive mother na si Justa at sa biological mom na si Gregoria.

Kay Justa dahil bukod sa lagi itong busy at wala sa tabi niya, ay napaka-istrikto daw nito; at kay Gregoria dahil hindi pa niya naiintindihan ang mga bagay-bagay noon.

Pagbabalik-tanaw ni Ai-Ai: “No’ng una lalo pag pinapagalitan ako ng auntie ko— ’yong adoptive mother ko. Pag pinapagalitan ako, pag ’yong masasakit na salita na sinasabi sa akin, nagagalit ako. Kasi parang feeling ko, parang hindi ko naman gustong kuhanin ninyo ako, na nandito ako bakit ngayon parang ako ang may kasalanan na nandito ako? ’Yon ’yong parati kong iniisip. Tapos nagagalit ako sa tatay ko…

“Parati akong may lungkot sa heart,” patuloy ni Ai-Ai. “Every time na… kaya every time na uulan nalulungkot ako kasi ’yong panahon na ’yon nagtatrabaho ’yong nanay ko sa gobyerno. Itong adoptive mother ko… Engineer ’yong nag-adopt sa akin. Tuwing aalis siya kasi pupunta siya sa ganitong probinsya—kasi engineer nga siya, e— tapos iiwan lang niya ako sa pinsan ko, sa kapitbahay naming… nalulungkot ako pag umuulan. Ewan ko kung bakit.”

Nawala lang daw ang lungkot na iyon kamakailan lang, nang mapangasawa na niya ang current husband niyang si Gerald Sibayan.

“Pero ’yong mga iba ko pang naging husband, ’yong mga naging exes ko, no’ng kasama ko pa sila, ewan ko every time uulan, nalulungkot ako. As in naluluha ako.”

Naaalala nga raw niya kasi ang kanyang kabataan.

“Siguro ’yon ’yong pakiramdam ko no’ng bata na mag-isa lang ako, tapos pag umuulan…naaalala ko ang nanay ko. I think ’yong nanay kong biological ang naalala ko… hindi ko lang ma-comprehend kung nanay ko ba [na adoptive] ang nami-miss ko o kung ’yong nanay kong tunay ang nami-miss ko…”

(LEFT PHOTO) Ai-Ai with her biological mom, Gregoria, whom she says is also a comedian like her. (RIGHT PHOTO) And that’s her and her husband Gerald Sibayan with her adoptive mom, Engineer Justa delas Alas. The photo was taken during Ai-Ai and Gerald’s wedding in December 2017.

 

Ayon pa rin sa mga nakarating na k’wento kay Ai-Ai, dumanas daw nang matinding depression ang kanyang tunay na ina after nang maipamigay si Ai-Ai.

“Kinukwento lang ng mga ate ko na after niya ako ipamigay…”  

Sa puntong ito nang kanyang pagkukuwento, tuluyan nang nabasag ang boses ni Ai-Ai, sabay tumulo din ang luha…

“Ewan ko ba naiiyak ako pag naalala ko nanay [Gregoria] ko… After niya ako ipamigay parang three months siyang na-depress tapos iyak siya nang iyak sa gabi… ewan ko minsan, pag ’yong… no’n ngang namatay ang nanay ko, sabi ko sa mga kapatid ko, ‘Gusto ko ako lang ’yong malakas ang iyak, ako ’yong ganito… sabi ko wag kayong e-eksena, ako lang ang e-eksena ngayon kasi hindi ko naman nakasama ang nanay ko.’ 

“So parang ’tong part na ito parang. . . ’yong sa part na mawawala na siya, sabi ko, doon ko lang siya nakasama nang matagal. At saka noong na-ospital siya, ipapa-MRI siya, sabi ko ako na lang sasama kay Inay kasi gusto ko siyang makasama nang matagal. No’ng nandoon siya sa MRI, wala nakatingin lang siya sa ’kin tapos tumutugtog pa ’yong si Freddie Aguilar…’yong ‘Kumusta Ka, Aking Mahal?’ ’Yon ’yong tumutugtog dun sa ano sa loob ng MRI…Naiiyak talaga ako pag naalala ko nanay ko…”

At parang batang humagulgol na ang comedy queen. Parang batang nagsusumbong sa hangin. Kinakausap ang sarili. Hinayaan namin siya.

“Hindi ko siya nakasama…” paulit-ulit na bigkas niya, sabay pahid ng luha. 

Pagtatapos ay binalingan niya kami: “Pinapaiyak n’yo ko. Hindi ko na nga siya naiisip, e. Pero actually nakakatulong siya kasi pag may crying scene ako, iniisip ko lang nanay ko naiiyak na ako.” 

Nag-a-artista-artista na raw siya nang muli siyang kumunekta sa mga magulang niya, lalo na sa nanay niya.

Noong una hindi ako masyadong close sa biological nanay ko,” pagtatapat niya. “No’ng nagka-anak na lang ako at saka nagkatrabaho ako, doon ko na lang siya pinansin… doon ko na siya inaruga, binibigyan ko siya ng monthly allowance, dinadalaw ko siya, ’yong gano’n? Pero noon hindi, noong bata ako? Kumbaga maka-adoptive mom ako.

Tapos minsan tinatago ko rin sa nanay ko na adoptive kasi baka magselos siya. Alam mo ’yong gano’n? Pero iba talaga ang pakiramdam mo… sinasabi sa akin ito ni Sophia, e, sabi niya, ‘Alam mo, Mama, ang weird ng feeling no’ng pag may mommy ka kasi pag may problema ako, Ma, tapos yakapin mo lang ako parang lahat ng problema ko nabubura.’ ’Yon ang pakiramdam niya. Nagiging warm tapos hindi na niya maiisip ’yong problema niya.”

Sa yakap daw ng biological mom niya naramdaman ang similar inexplicable warmth. 

“Niyayakap niya ako, tapos iiyak siya. Every time…every time na nakikita niya ako—sa TV man o personal, iiyak siya.” 

At naaantig daw ang damdamin niya sa tuwing makikita niya ang mga pagluha ni Inay Gregoria—mga luhang hindi nauubusan ng guilt.

Mahirap din. Mahirap,” balik-tanaw ni Ai-Ai sa naging sitwasyon ni Inay Gregoria. “At saka lalo na pag nakikita mo ’yong nanay mo na umiiyak every time na nakikita ka, nasasaktan ka rin e. Kasi parang bakit niya ito dinaanan inspite of… Nandito naman ako pero siguro ’yong guilt niya hind niya ano, e…hindi niya matapos ’yong guilt niya bakit niya ako pinamigay na supposed to be dapat inaalagaan niya ako.

“Pag papasok na ako, pag nakikita niya ako, kunwari dadalawin ko siya sa Calatagan—noong wala pa siyang Alzheimer’s— tapos iiyak siya. Sabi niya, ‘Sorry…’ pinamigay niya ako. Sabi ko, ‘Hindi mo naman kasalanan ’yon. Siguro ’yon ’yong kapalaran ko.’”

Muli na namang napahagulgol si Ai-Ai. 

“Bakit ba n’yo ako pinapaiyak? Ano ba yan?”

Kalaunan ay tuluyan na raw niyang napatawad ang nanay niya at maging ang tatay niya.

 “Napatawad ko na sila,” patuloy ni Ai-Ai. “Kasi pag iniisip ko kung hindi naman nila ako pinamigay siguro hindi naman ako naka-graduate ng college, baka hindi ako artista kasi nando’n ako sa Calatagan…puro bundok kaya ’yon.

“Sabi nga dati ni Miguel [Vera, her former husband and father of her two kids Nikki and Sophia], noong kami ta’s dumalaw siya sa probinsya namin, sabi niya, ‘Grabe ang fate ano?’ Parang gano’n. ‘Kasi biro mo dito ka nakatira, puro bundok tapos naging artista ka?’ Kasi bundok…bundok talaga!”

Hindi nila masyadong alam. Basta alam lang nila ’yong mahigpit ang nanay [Justa] ko. Pero hindi nila alam ’yong buo kong istorya na ganito…na pinamigay ako ng ganitong age, kasi ganito sabi ni Auntie pag babae yan akin na lang, tapos hindi maka-hindi ’yong tatay ko kasi kapatid niya ’yon…tapos kasi ’yong Auntie ko, nagpo-provide sa aming lahat, like bumibili ng lampin, pinag-aaral ang ate ko, pinag-aaral kuya ko… so, hindi maka-hindi ang tatay ko…Hindi ko naman din siya [tatay] masisi kasi nahihiya siguro ang tatay ko na humindi sa [adoptive] nanay ko.”

 

Malaking bagay para kay Ai-Ai na nakasama ang biological mom niya in the last three years ng buhay nito. Kahit papaano ay napaglingkuran daw niya ito.

“Kahit papaano nando’n siya sa akin…Kinuha ko siya kasi ayaw niya. No’ng wala pa siyang Alzheimer’s, ayaw niyang pumunta sa Maynila kasi parang sabi niya baka daw sabihin ng Auntie [Justa] ko na porke’t artista na ako, ’yong bigla siyang susulpot? ’Yong gano’n? ’Yong alam mo na ’yon.”

Kahit daw kasi papaano ay nagseselos pa rin ang adoptive mom niyang si Justa. 

“Pero hindi naman na siya nagreklamo,” patuloy ni Ai-Ai sa adoptive mom niya. “Kasi alam naman niyang maysakit na ang nanay ko.”

December 30, 2013 nang tuluyaan nang iwan si Ai-Ai ng kanyang Nanay Gregoria. At bilang balik-tanaw, dinescribe ni Ai-Ai ang ina niya sa dugo bilang isang “maganda at napakabait na nanay.”

“Maganda nanay ko—Miss Calatagan ’yon, e, Miss Carlosa,” pagmamalaki ni Ai-Ai. “Napakabait ng nanay ko. Walang ’yong alam mo ’yon? Napaka- simpleng babae—maliit na babae, maganda tapos kahit anong lang bigay mo sa kanya okey siya. Kahit kelan hindi niya ako inis-stress, kahit kelan wala akong maalala na hindi maganda sa nanay ko. Kahit hindi ako lumaki sa kanya.”

 

PAYING FORWARD 

“Super! Mega, maximum…sobra talaga!” 

Iyan naman ang mga descriptions ni Ai-Ai sa kanyang Mama Justa, ang rich Engineer aunt na nakagisnan niyang ina.

Lahat naman daw nang ginusto niya ay pilit ibinigay ng Mama Justa niya sa kanya, except time.

“Naalala ko noong bata ako sa Luneta, parati nando’n ako, nagsi-swing ako. Kasi sa Luneta…eto Luneta, eto ang ano, e Bureau of Lands…’yong building dito. Doon siya nagta-trabaho,” may kahalong muwestrang kwento ni Ai-Ai. 

So, baba ka lang, nandito na ’yong mga swing, mga ganyan. Noon p’wede kang iwan sa guard, ‘Kuya, bantayan mo nga itong anak ko.’ Ngayon, hindi na p’wede ’yon. Natatandaan ko dati mag-isa lang ako doon, e, nagsi-swing ako… lahat ginagawa ko, nag-i-slide… ako lang, nando’n lang ako. Ta’s ia-akyat lang ako ni guard doon sa ano. Ngayon hindi na p’wede ’yon, oo, kukunin ka ng van.

“Lumaki ako sa yaya…sa yaya, sa pinsan…’yan ang mga nagbabantay sa akin .”

At the back of her mind, malamang daw ay ang mga karanasan niyang ito ang dahilan kung bakit pilit niyang sinusubukang maging perfect mom sa mga anak niyang sina Sancho, 28; Nikki, 25; Sophia, 23; at ang adopted son niyang si Andre, 7.

Kaya diba sinasabi nila anong klaseng nanay ka ba? Kasi ’yon nga ang istorya ng buhay ko, lumaki ako ng walang, walang. . . may mga nanay ako pero wala akong napagsasabihan kasi ’yong biological malayo, si richie Auntie naman busy—busy na istrikto—wala akong mapagsabihan ng nararamdam ko. Alam ko ’yong feeling ng walang nanay, wala kang mapagsabihan, wala kang mapagsabihan ng problema mo…Kasi ’yong auntie medyo busy din at tapos istrikto kaya ’yong mga ibang problema ko hindi ko din masabi sa kanya.” 

But despite Justa’s hits and misses as mom, alam naman daw ni Ai-Ai that she tried her best.

“At saka sa dami naman namin na pinag-aral niya, super dami—as in—hindi lang ako ang pinag-aral niya, lahat halos kami ng mga pinsan ko siya ’yong nagpa-aral…so, I think do’n sa part na ’yon bigyan naman natin siya ng masigabong palakpakan.”

Malungkot din naman daw kasi ang naging buhay ng kanyang Mama Justa kung tutuusin. 

S’yempre kasi pag pagod siya, pag may sakit siya…dumating nga daw ’yong panahon siguro no’ng mga bandang 80 [years old] siya umiiyak siya na may sakit siya, siguro nilalagnat siya…sabi niya, ‘Sana nag-asawa ako.’

“’Yon ang reason ba’t ako nag asawa—kahit marami akong pinagdaanan na masasakit lumaban pa rin ako—kasi pag naiisip ko ang nanay [Justa] ko, no’ng naisip niyang gusto niyang mag-asawa, sana nag-asawa daw siya, huli na.” 

At ngayong nasa sunset of her life na rin si Mama Justa ni Ai-Ai, pinagliligkuran niya ito gaya nang naging pag-aaruga niya sa namayapa na niyang Inay Gregoria. Kay Ai-Ai nakapisan ngayon si Mama Justa.

“Matanda na kasi, gusto ko makasama ko naman siya para kahit papano mapaglingkuran ko naman, makita ko naman, na maalagaan ko siya.

“Oo, masaya naman siya na nandyan ako sa tabi niya.” 

“Parang ang hirap naman…ahh, 8? P’wede 10, tutal sa akin naman sila galing or 9.5.”—Ai-Ai rating herself as a mom.

 

 

SINGLE MOMMYHOOD

Twenty-four years old si Ai-Ai nang magsimula siya sa showbiz after madiskubre sa isang comedy bar.

But at 25, agad siyang nabuntis sa panganay na si Sancho, anak niya with the late stage actor Rey Maltezo dela Cruz, who passed in in 2015.

“Dapat hindi na ako tutuloy na mag-aartista. Aksidente. 

E, kasi diba, hindi ko naman alam diba? Kasi noong araw hindi ko naman alam..akala ko pag nabuntis wala ng career.”

Nakilala naman niya ang singer-actor na si Miguel Vera, who subsequently have her two kids—Niccolo and Sophia. Toddlers palang ang mga bata nang maghiwalay sina Ai-Ai at Miguel, practically making Ai-Ai a single mother of three.

Hindi ito naging madali for Ai-Ai lalo pa’t late naman dumating sa buhay niya ang mga blessings ng showbiz. 

“Modesty aside, sumikat ako noong mga panahon na sikat sila 

Martin Nievera sa concert, Gary V., Pops Fernandez… tapos biglang ako, hindi naman ako marunong kumanta, iba-iba pa nga lyrics ko diba? Kumbaga bago ito ’yong gano’n, nagko-concert nang hindi marunong. Hahaha!  Tapos sinundan ni Anne Curtis, hahaha!. Kaya tuwing nanood ako kay Anne natatawa ako kasi naalala ko sarili ko.”

Nauna raw ang mga raket na ito, bago dumating sa buhay niya ang Tanging Ina noong 2003 na siyang nagdala na ng sunod-sunod na pagpapala. Dahilan para din siya bansagang comedy concert queen.

Alongside, habang pina-uunlad ni Ai-Ai ang kanyang comedy career, mag-isa din niyang tinataguyod ang kanyang tatlong anak. Literal daw na nakakawindang ang mga panahong iyon. 

“Noong maliliit sila na pag puyat ako, ta’s  kailangan ko pumunta doon sa PTA, mga teachers ano, sa mga performance nila…Day,  minsan hindi ko napapanood napapagano’n ako. Sabi ko, ‘Yaya, gisiningin mo ako pag si Sophia na, ha.’ Ta’s matutulog muna ako ng ganyan.

“‘Ma’am ayan na magpe-perform na si Sophia!’ Gaganyan ako, ang hirap, Ning! Hahaha! Ang hirap talaga, ang hirap pero kasi malulungkot sila pag wala ka, e?”

Ai-Ai’s treasures (clockwise from the kid): son Andre, husband Gerald Sibayan, eldest child Sanco and his fiancé Shanna, youngest child Sophia, middle child Nikki, and her adoptive mom Justa. 
“Sa pagiging comedian si Nikki ang nagmana sa akin…hindi siya nag-showbiz pero siya yong nakakatawa talaga. As in, super! Si Sancho, parang ako na mahilig makisama, mabait, masunurin, magalang, mapagmahal sa pamilya, mapagmahal sa ina…Si Sophia, ugali ni Miguel ’yon…hindi mo mapipilit kung hindi niya gusto.
“Si Andre naman, no’ng una sundalo…ngayon, no’ng isang araw, sabi niya gusto niyang maging ano ba yong sa Facebook? Gusto niya maging vlogger, parang gano’n. Ewan ko sa kanya, sabi niya I want to be ganyan. Oo, English speaking… nose bleed.”

 

Magka-iba rin daw ang atake ng pagpapalaki ng anak na babae, kumpara sa lalaki. At mas humihirap ito as the kids go older.

Anak na babae. Kasi yan tutukan mo yan, e… mga lalaki kahit umuwi ng gabi…sabagay kahit sila noon natatawa nga ako pag kinukwento ni Sancho, ‘Mama naalala mo dati may curfew ako 12:00 [midnight], e, umalis ako 9:00, e, ang traffic. Mama, 11:30 [pm], tinatawagan mo na ako. Wala pa ako do’n sa ano…’ 

Nasa’n ka na?’ 

‘Ma, wala pa ako doon sa…’ 

‘Ah, okey, okey…’ Hahaha! 

“Gusto ko daw umuwi na siya agad. Kumakamot daw siya sa ulo…hahaha! Mahigpit din ako. Dinidisplina ko rin sila. Pero ’yong babae mahirap talaga kasi iba na ngayon ang panahon. Kailangan me driver, kailangan susunduin mo. Hindi mo p’ewdeng pabayaan gabing-gabi na, nasa labas pa ng bahay. Mahirap ang babaeng anak.”

Ibang usapan din daw ang mga pagkakataong sumasagot-sagot na ang mga ito. Ito, ayon kay Ai-Ai, ang pinaka-masakit sa kanya bilang ina.

“Pag sinasagot ako ng mga anak ko, masakit,” sumeryosong muli si Ai-Ai. “Masakit sa mga mommies ’yon, hindi lang sa akin. I think sa lahat ng mga mommy, ’yon ’yong ang sarap talaga busalan ang mga bibig nila diba? Ang sarap dukutin ang mga bibig nila! Hahaha! 

“Totoo naman diba? Lalo na pag naalala mo na nanganak ka? Day, ang sakit manganak, ha! Lahat sila normal!”

Hindi daw tuloy niya naiwasang mamalo.

“Pinapalo ko talaga sila noong bata pa sila. Tumitigil lang ako pag seven years old na sila. Super pinapalo ko sila ng belt, tsinelas…diba pag sumasagot sila? ’Yong nag-roll ng mata? Oo, naku, ang sarap dukutin ’yong mga matang ganyan, e.” 

Ai-Ai on favoritism:
“Minsan hindi mo maiiwasan kasi unang-una, pag panganay ka, kunwari panganay kang anak, ’yon ang unang-una mong nakasama, e. Tapos may darating na iba, ’yong iba naman may ugali na mamahalin mo rin. ’Yong parang napaka-lovable nitong si ano, napakabait nitong si ganyan, napaka-cute nito… 

“So, may favoritism ka pero may mga katangian sila na minamahal mo rin. Kumbaga may favorite 1, 2 and 3 ka. Gano’n din. Hindi naman ’yong talagang super favorite mo na ito na ang layo dito, hindi.  May mga katangian kasi ang anak na mamahalin mo din ta’s meron din naman katangian na mabubwisit ka sa kanila. ’Yong gano’n. Wala namang perfect.”

 

Bukod pa roon, busog daw sa pangaral ang mga anak niya.

“At saka parati ko silang kasama noong maliit pa sila, parati ko silang kasama sa trabaho. Natutukan ko pa rin ’yong ugali nila, mga ginagawa nila at saka tutok talaga ako kahit sa school. 

“Kaya hindi totoo ’yong kasi wala kang time? Pag gusto mo magkakaroon ka talaga ng time. Pag gusto mo, gagawa ka ng paraang magkaroon ng time sa mga anak mo. Kahit sa mga artista. Hindi totoo ’yon, ah. ‘Kasi wala akong time’… Me yaya, me kotse, diba p’wede mo naman dalhin yan…”

Bawi naman daw lahat ng pagod at sakit ng damdamin kapag ibinabalik ng mga anak ang pagmamamahal niya.

“Pag graduation nila. Proud mommy ako kasi ano talaga ako ang naghirap pag-aralin sila, alagaan sila…’yon ang winning moment ng mga mommy pagka graduate na sila at saka ’yong mga ano nila, kunwari si Sancho sana Probinsyano na. ’Yong mga gano’n. Meron nang nangyari sa buhay nila. ’Yon ang winning moment.

“Saka ’yong ano su-surprise ka nila…’yong mahal na mahal ka nila, ’yong parang ikaw lang ’yong pinakamaganda at pinakamabait na tao sa buong mundo. Lahat sila sweet…ay, si Nikki hindi...pero pag nag-sweet ’yon maiiyak ka kasi bihira niya gawin.”

 

 

At this point, Ai-Ai’s three kids are already carving their own destiny. Si Sancho, now 28, ay nagne-negosyo at at nag-aartista na nga. Kabilang siya sa FPJ’s Ang Probinsyano at paminsan-misan ay gumagawa rin ng pelikula. Ayon kay Ai-Ai, nakatakda na itong ikasal next year sa kanyang fiancé na si Shanna Retuya. Si Nikki naman, now 25, ay nagta-trabaho na raw bilang isang machinist sa Amerika, habang si Sophia, 23, ay malapit nang grumadweyt sa kursong Child Education sa De La Salle University.

In all these, hindi raw niya masasabing perfect mother siya. But she tried. And she keeps trying. Aware daw siya na naparami din niyang flaws bilang nanay at kabilang dito ang pagiging marupok sa pag-ibig.

“Medyo lang,” pagkambiyo niya, “Kunwari hindi pa ako nakaka-recover sa heartache ko sa lovelife, titira na naman ako. Pero parati naman silang… hindi ko sila… kaya diba ’yong last ko, hindi naman nila alam ang nangyayari sa akin. Kasi hindi ko sinasabi sa kanila kasi ayaw ko silang ma-hurt. Parati kong tinatago ’yong mga problema ko sa mga anak ko.” 

Ang tinutukoy niya ay ang controversial short-lived marriage niya sa isang mas bata sa kanya na nauwi pa sa diumano ay pisikalan.

In the meantime, dumating sa buhay niya seven years ago si Andre, isang batang lalaking gaya niya noon ay itinadhanang maging anak niya kahit hindi galing sa kanya.

“No’ng time na ’yon aaminin ko, hindi ako ready talaga. Kaso parang nahihiya ako kay Lord kasi no’ng time na ’yon, ilang beses na ibinigay sa akin… ayaw ko naman tanggihan.”

(RIGHT PHOTO) Ai-Ai with adopted son Andre

 

Kamakailan lang daw, when Andre turned seven years old, ay iniupo na nila itong pamilya para ipaliwanag dito ang kwento ng buhay nito. 

“Sabi ko, ‘Anak may sasabihin kami sa’yo…’ Sabi  no’ng ate niya, si Sophia, Inglisero ’yon, e… ‘Do you know the meaning of adopt?’ Sabi niya, ‘No.’ Sabi niyang ganyan. Tapos, pinaliwanag ko ’yong adopt…’yong adoption, ’yong adoptive son. 

Parang ano, ‘Ganito ’yon, anak, kunwari ako…ako, si ate, si kuya, si ganyan ano sila biological anak ko sila kasi galing sa akin. Tapos, ikaw galing ka kay God na binigay sa akin pero hindi ka galing sa tiyan ko.’ 

“Gano’n ’yong sinabi ko sa kanya. ‘Mahal na mahal kita  anak…’ Sinabi ko sa kanya ’yong totoo bakit ko siya kinuha, ’yong istorya ng buhay niya…kasi ganito, kasi ganyan…ayokong mapunta ka sa gano’n kaya kinuha ka ni mommy.” 

Naging mas maganda raw ang disposisyon ni Andre pagkatapos ng lahat. Bagay na ikina-hinga nang maluwag ni Ai-Ai.

“Alam mo no’ng sinabi ko sa kanya, nagbago ’yong personality niya. Mas lalo siyang naging close sa akin,” nakangiting kwento ni Ai-Ai. “Ta’s mas naging talkative na siya. Dati tahimik ’yon, e, ’yong parating nag-o-observe? Ngayon siguro parang feeling…feeling ko lang ha, parang alam na niya dati…nararamdaman niya pero gusto niya ng confirmation from sa akin. Kasi ngayon ano na, e, parang ‘Mommy!’ Ganyan. ’Yong naging bubbly siya, naging lively.”

Sakali raw dumating ang oras na gustuhin ni Andre na makilala rin ang tunay nitong mga magulang ay hindi raw niya ito pipigilan. Pero sa ngayon ay kasalukuyan na nilang inaayos ang papeles parang maisunod sa apelyido ng asawa niyang si Gerald—ang future piloto na pinakasalan niya noong December 12, 2017— ang pangalan ni Andre.

“Para kaming tatlo, Sibayan…sina Sancho, ang tatanda na, e. Okay na sila. Tapos, parating si IVF…”

Ang IVF na tinutukoy ni Ai-Ai ay ang ine-expect niyang magiging bunga ng kanyang pagpapa-in vitro fertilization. Gusto kasi ni Ai-Ai na mabigyan ng biological child si Gerald.

When this happens, sasakto ito sa pagdating din ng magiging first apo ni Ai-Ai, courtesy of Sancho, na nakatakdang ikasal in December 2020. 

“So, ang ganda, magkaka-edad sila,” natatawang sabi ni Ai-Ai. 

Piece by piece na parang puzzle, buo nang maitututing ni Ai-Ai ang buhay niya. Naging masalimuot man ang paghahanap niya ng ibang piyesa, pero naitawid niya ’ika nga.

At this point in her life, Ai-Ai is nothing but grateful.

“Oo. Buo na. Siguro kasi dahil ganito ’yong istorya ng buhay ko, kumbaga ang ganda ng ending kasi gift ni Lord si Gerald sa akin, parang, ‘Anak, ito ’yong ano mo pa-ending ng buhay mo…kalma na.’ Oo, Neng, sobrang kalma. Sobra talaga. May reward sa dulo.”

 

TEXT & INTERVIEW: Anna Pingol

PHOTOS: Edward dela Cuesta for Viva Films, @msaiaidelasalas on Instagram

VIDEOS: Melo Balingit

ART DIRECTION: Stephen Jan Cruz

Welcome to pikapika.ph! We use cookies to ensure your best experience when browsing this site. Continuing to use pikapika.ph means you agree to our privacy policy and use of cookies.